Inday TrendingInday Trending
Sino Ba Ang Pwedeng Maging Negosyante?

Sino Ba Ang Pwedeng Maging Negosyante?

Bata pa lamang si Jean ay nakitaan na siya ng malaking potensiyal ng kaniyang nanay sa pag nenegosyo. Magaling kasi itong magluto ng kung ano-ano, gumawa o kumutingting ng mga bagay-bagay at higit sa lahat ay kayang-kaya niyang ibenta ang mga ito. Ngunit dahil sa hirap ng buhay ay hindi nakapagtapos ang dalaga lalo pa nga noong nag-asawa ng iba ang kaniyang nanay.

“Ma, pwede mo ba itong ibenta sa canteen? Bagong flavor ‘to ng pastillas ko,” wika ni Jean sabay abot ng isang garapon ng ube pastillas na kakagawa lamang niya.

“Naku, ‘nak, ang sipag mo talaga! Hayaan mo, dadalhin ko ‘to mamaya,” nakangiting sagot ni Aling Carmen, ang nanay ng dalaga na nagtratrabaho sa kantina ng isang eskwelahan malapit sa kanilang lugar.

“Pasensya ka na, Jean, ha. Hindi ka man lang nakapagtapos ng hayskul,” dagdag nito.

“Ano ka ba naman ‘ma, wala ‘yun. May trabaho naman na ako ngayon at may extra income rin sa mga pagbebenta ko ng kung ano-ano kaya ayos lang po,” masiglang sagot ng dalaga sa kaniyang nanay saka niya ito niyakap ng mahigpit. Bente singko anyos na ngayon ang dalaga at siya na rin tumutulong sa kaniyang ina sa mga gastusin sa bahay. Bukod sa pagiging serbedora sa isang sikat na coffee shop ay iba’t-ibang produkto na rin ang binebenta nito. Sa katrabaho, sa kapitbahay, sa online at sa kahit saan pa. Sadyang madiskarte sa buhay ang dalagang si Jean.

“Jean, mukhang papatok ang pagsu-supply mo ng pagkain sa opisina ng kaibigan ko. Ano, gusto mo ba kagatin?” saad ni Mang Nestor na kakalabas lamang sa banyo. Paalis na sana si Jean ngunit napahinto naman kaagad ito.

“Sige ho, tiyong! Kailan po ako pwedeng mag-umpisa?” magilas na sagot ng dalaga. Plano kasi nitong magtayo ng maliit na restawran, ngunit kulang pa ang kaniyang ipon kaya naman naisip niyang maging supplier ng mga pagkain sa iba’t-ibang kompanya. At kahit na hindi naman sila talaga magkasundo ng kaniyang tiyuhing si Mang Nestor ay pinatulan niya ang alok nito na tumulong.

“E, kaso ang sabi sa akin, utang daw muna. Kumbaga lahat ng oorderin nila ay tuwing sahod ang bayad. May pera ka bang pampuhunan? Kasi kami wala, ayaw ko naman mapahiya sa kaibigan ko,” pahayag ni Mang Nestor sa kaniya.

“Ako na po ang bahala, basta’t sabihin niyo ay handa na po ako,” masayang-masayang wika ng dalaga saka siya umalis. “Ito na ang umpisa, Jean!” sabay bulong niya sa sarili.

Bumunot ng isang katerbang lakas ng loob si Jean na galawin ang ipon niya para sa oportunidad na ito. Noong una ay naging maganda ang daloy ng kaniyang negosyo. Nagsimula siya sa mga agahan at ilang matatamis na pagkain, ngunit ngayong magtatatlong buwan na siya ay maging tanghalian at ilang request na paluto ay nagagawa na rin niya. Hindi pa man niya ganoon nararamdaman ang kaniyang kita ay ayos lang sa kaniya dahil may napapaikot naman siya para sa puhunan.

“Tiyong, mukhang nababawasan ang order natin nitong mga nakaraang araw? Ano kayang problema?” tanong ni Jean.

“Sawa na sila. Bakit? Akala mo ba magtutuloy-tuloy ‘tong negosyo mo kung hindi dahil sa akin? Wala na, mukhang ayaw na nila sa luto mo,” natatawang sagot sa kaniya ni Mang Nestor.

“Ha, e, bakit biglaan naman po yata? Baka pwede po akong pumunta sa kompanya ng kaibigan mo at ako mismo ang kumuha ng mga order nila. Tutal, nag-resign na po ako sa trabaho para sana tumutok dito,” paliwanag ni Jean sa kaniya.

“Nag-resign? Tinamaan ka ng lintek, Jean! Sasabihin ko pa lang naman sana sa’yo na titigil na sila sa pag o-order kaya paunti-unti na ang kinukuha nila tapos nag-resign ka? Talo ka ngayon,” baling sa kaniya ni Mang Nestor saka ito tumawa ng malakas at pailing-iling pa ng ulo.

Hindi naman maintindihan ni Jean ang nangyari sa kaniyang negosyo. Biglaan ang bagsak ng kaniyang sumisibol pa lamang na pag-asa at hindi niya nakita ang posibilidad na ito kaya naman para siyang binuhusan ng kumukulong tubig sa ulo. Hindi siya makapag-isip at naiyak na lamang sa isang sulok.

Lumipas ang ilang araw at wala na nga talaga siyang natatanggap na order mula sa kaibigan ng kaniyang tiyuhin.

“Tiyong, pwede ko ho bang malaman kung saan ang opisina ng kaibigan niyo? Ako na lang ho kukuha nung ibang mga pagkain na hindi pa nababayaran,” pahayag ni Jean sa lalaki.

“‘Wag na, ako na. Pupunta rin naman ako mamaya roon. Ako na ang bahala, Jean. Maghanap ka na lang ng trabaho,” sagot naman sa kaniya ni Mang Nestor saka ito umalis.

Sa kagustuhan ng dalaga na malaman kung saan ang opisina ay lihim niyang sinundan si Mang Nestor at hindi niya akalain ang kaniyang matutuklasan.

“Mang Nestor, hindi na ganoon kasarap ang mga ulam ngayon. Mas masarap ‘yung dati,” saad ng isang babae na kumuha ng pagkaing dala ni Mang Nestor.

“Bukas, sasarap na ‘yan,” maiksing sagot ni Mang Nestor dito.

“Akala ko ho ba hindi na sila nag o-order ng pagkain? Ano ‘yan?” tanong ni Jean sa kaniyang tiyuhin ng makaalis na ang lahat ng customer nito.

“O, tang*nang yan! Bakit mo ako sinundan? E, kasi ano. Nagsarili na ako, nakita ko kasing maganda ‘yung negosyong ganito kaya kumuha na ako sa ibang carenderia. Bakit ka ba nagtatanong? Dapat nga magpasalamat ka pa sa’kin kasi may kinita ka naman na noon. Umuwi ka na nga!” dipensa kaagad ni Mang Nestor.

Hindi na nagsalita pa si Jean dahil baka away lang ang abutin niya sa daan. Mas lalo siyang nalugmok sa katotohanan na mismong tiyuhin lamang pala niya ang manloloko sa kaniya. Hindi na siya nakipaglaban pa at hinayaan na lamang ito.

Simula noon ay mas pinag-igihan pa ni Jean ang pagtratrabaho at pagluluto. Mas binigyan din niya ng pansin ang bawat detalye sa kaniyang negosyo dahil nagbigay ng malaking aral sa kaniya ang narasanan kay Mang Nestor. Na kung papasok siya sa isang negosyo ay dapat alam niya ang bawat piraso ng detalye nito. Ngayon ay may tatlo nang kompanyang sinu-supply-an si Jean ng mga pagkain, permanenteng trabaho at kaunti na lamang ay masisimulan na nila ang pangarap na restawran.

Sa kabilang banda naman ay mabilis na lumubog ang pagnanakaw ng negosyo ni Mang Nestor at nabaon ito sa kahihiyan kay Jean kaya siya na mismo ang umalis sa pamilya ng mag-ina.

Lagi nating tatandaan na ang pagiging negosyante ay maaring matutunan, kailangan lamang natin itong pag-aralan para hindi tayo maloko ng sinuman. Lagi nating sasamahan ng sipag ang ating bawat dasal para sa ating inaasam na pag-unlad.

Advertisement