
Makakalimot ang Anak Ngunit Hindi Ang Ina
Halos nagkakandakuba na si Aling Nelya sa bigat ng kaniyang mga paninda. Inilalako kasi niya ang mga tanim na gulay at angkat na mga isda mula sa palengke sa kanilang pamayanan. Hindi alintana ng kaniyang bayukos na katawan ang tirik na init ng araw at pagod. Ang nais lamang niya ay maubos ang mga ito.
Nag-iisa na lamang kasing naninirahan si Aling Nelya sa kaniyang barung-barong. Tatlong taon na rin simula nang pumanaw ang kaniyang asawang si Pidyong. Mula noon ay binuhay na ng matanda ang kaniyang sarili.
“Nelya, inabutan ka na ng tanghali sa pagtitinda. Halika na muna rito sa bahay at makainom ka man lamang ng tubig,” paanyaya ni Aling Mila, isang malapit na kaibigan ng matanda.
“Salamat, Mila. Kailangan ko kasing maubos na itong mga paninda ko,” tugon ni Aling Nelya.
“Hindi ko ba malaman sa’yo, Nelya. Hindi mo naman kailangan gawin ‘yan. Mag-isa ka lang naman na namumuhay. Sa tingin ko ay sapat na ang kinikita mo sa pagtitinda ng gulay. Dapat bago mananghali ay nakauwi ka na. Sa hapon ay huwag ka na rin magtinda,” payo ng ginang.
“Sayang kasi ang kikitain ko, Mila. Saka ayoko ring mabulok at masira itong mga tinda ko,” saad ni Aling Nelya.
“Kung ako kasi sa’yo, hingan mo na ng tulong ang dalawang anak mo. Kung hindi naman dahil sa’yo ay hindi sila makakapagtapos at magiging propesyunal masyado. Hindi ko rin maisip na paano nila naaatim na mag-isa kang naninirahan sa maliit at sira-sira mong bahay at nahihirapan sa pagtitinda gayung sila ay masasarap ang buhay,” sambit ni Aling Mila.
Medyo natahimik at bahagyang napayuko ang matanda.
“Ipagpaumanhin mo, Nelya at tila nakikialam ako sa buhay mo. Naaawa kasi ako sa kalagayan mo. O siya, pagbilhan mo na lang ako ng isang kilong tilapia at pechay para makauwi ka na. Mamayang hapunan ay maggagata ako,” bawi ni Aling Mila.
“Wala ‘yun, Mila. Alam ko namang nag-aalala ka lang para sa akin. Pero, kaya ko ito. Kalabaw lang naman ang tumatanda!” pilit na pagtawa ni Aling Nelya.
Kahit na malaki ang ngiti ng matanda dahil halos maubos na ang kaniyang paninda ay mababakas pa rin sa kaniyang mga mata ang lungkot. Sa totoo lang kasi, walang segundo na hindi niya naisip ang kaniyang dalawang anak. Walang oras na hindi siya nangulila sa mga ito.
Sa katunayan nga ay hindi niya magawang hayaan na walang baterya ang kaniyang lumang selpon sa pag-asang isang araw ay makakatanggap siya ng mensahe mula sa kaniyang mga anak. O kahit isang tawag lamang upang siya ay kamustahin. Ngunit sa loob ng tatlong taong paghihintay ay wala ni isang paramdam lamang.
Pagkauwi ng bahay ay hapong-hapo ang matanda. Mula sa kaniyang kinita ay itinabi niya ang halos lahat at nagtira lamang ng kakaunti para sa kaniyang panggastos. Sa edad ni Aling Nelya ang tangi na lamang siguro niyang kailangang pag-ipunan ay ang araw na pagdating ng paglubong ng araw ng kaniyang buhay.
Lumipas ang mga araw at buwan. Patuloy pa rin sa pagkayod ang matanda mula sa paggising nito hanggang sa bago magdilim. Buhat ang panindang kasing bigat ng kaniyang katawan ay hindi mo siya kakikitaan ng kawalan ng pag-asa.
Isang araw ay hindi napadaan si Aling Nelya sa tapat ng bahay ni aling Mila. Kaya ganito na lamang ang laking pagtataka ng ginang. Hinintay niya ito hanggang hapon ngunit ni anino ng matanda ay hindi niya nakita.
Dahil sa pag-aalala ay pinuntahan niya si Aling Nelya sa maliit nitong tahanan. Natagpuan niya ang matanda na inaapoy ng lagnat.
“Ayan ang sinasabi ko sa’yo, Nelya! Dapat ay nagpapahinga ka. Baka mamaya ang kinikita mo ay mapunta lamang sa pagpapagamot mo. Itigil mo na ang paglalako mo, Nelya. Magtinda ka na lang sa tapat nitong bahay mo,” pag-aalala ni Aling Mila.
“Lagnat lamang ito. Iinuman ko lamang ito ng gamot at ipapahinga. Makikita mo bukas, magaling na ako,” tugon ng matanda.
“Baka ikapahamak mo pa ‘yan. Bukas ay dadalhan kita ng mainit na sabaw para mas guminhawa ang pakiramdam mo,” saad ng ginang.
“Nelya, tawagan kaya natin ang dalawa mong anak. Sa gayon ay may titingin sa iyo ngayong mayroon kang nararamdaman,” giit ni Aling Mila. “Nasaan ba ang selpon mo para makuha ko ang numero nila at matawagan,” dagdag pa ng babae.
“Huwag na, Mila. Huwag mo na silang tawagan. Ayoko makaabala sa kanila. Alam kong may kani-kaniya na silang mga buhay. Ayokong maging pabigat sa kanila at ayoko rin maging sanhi ako ng problema nila. Ipapahinga ko lang ito at aayos na rin ang pakiramdam ko,” giit ni Aling Nelya.
Kahit anong pangungulit ni Aling Mila ay ayaw talaga ng matanda na tawagan ang kaniyang mga anak.
“Nelya, tatlong taon na ang nakakalipas. Sa tingin ko ay hindi na tama ang ginagawa ng mga anak mong pagtikis sa’yo. Hanggang ngayon ba naman ay galit pa rin sila sa’yo dahil sa pagsama mo muli sa kanilang ama?” hindi na napigilan ni Aling Mila ang magsalita.
“Sobra na ang mga anak mo. Ama nila iyon at ina ka nila. Kung hindi dahil sa iyo ay wala sila sa kinaroroonan nila ngayon. Hindi ko alam kung anong puso mayroon ang mga anak mo. Narito ka ngayon at nahihirapan samantalang sila ay nagpapakasarap,” patuloy sa pagdaldal ang ginang.
“Tama na ‘yan, Mila. Alam mo naman kung bakit sila nagalit sa akin. Iniwan kami ng kanilang ama upang sumama sa iba at nung nagkasakit ay saka lamang ako binalikan. Kinagagalit ng mga anak ko ang pagpili ko sa kanilang ama sa likod ng mga nagawa nito. Pero ano ang magagawa ko? Mahal ko si Pidyong at nangako ako na sasamahan ko siya sa hirap at ginahawa kahit na siya ay hindi niya tinupad ang pangakong iyon. Ginampanan ko ang pagiging asawa ko ngunit nasaktan sila. Hindi ko sila masisisi,” paliwanag ni Aling Nelya habang hindi na napigilan ang pagtulo ng kaniyang mga luha.
Lubusang awa na lamang ang naramdaman ng ginang para sa malapit na kaibigan. Ayaw man niya itong iwan dahil sa kalagayan nito ay kinakailangan na rin niyang umuwi at malalim na ang gabi. Bago niya nilisan ang kaniyang bahay ng matanda ay sinigurado muna niyang maayos itong nakakapagpahinga.
Kinabukasan, hindi pa pumuputok ang araw ay handa na ang mainit na sabaw na pinangako ni Aling Mila para kay Aling Nelya. Agad niya itong dinala sa bahay ng matanda upang mahigop habang mainit pa. Ngunit laking gulat ng ginang na dinatnan niya ang matanda na wala nang buhay.
Lubusang kalungkutan ang naramdaman ni Aling Mila sapagkat binawian ng buhay ang kaniyang kaibigan ng wala man lamang kahit sino ang nasa kaniyang tabi. Kung alam lamang niyang mangyayari ito ay ‘di sana’y hindi na lamang niya ito iniwan.
Agad ipinaalam ni Aling Mila sa mga anak ni Aling Nelya ang nangyari sa kanilang ina. Dali-dali naman silang nagtungo upang makita sa huling sandali ang matanda. Habang iniaayos nila ang matanda ay nakita nila ang isang kapiranggot na papel na hawak nito. Pagbuklat nila ay laman nito ay ang susi ng kaniyang aparador. Sa papel ay may nakasulat:
Mga anak, lubos ang aking pangungulila sa inyo. Sana sa pamamagitan nito ay makabawi man lamang ang nanay sa mga taong hindi tayo magkakasama. Tandaan ninyo na hindi kayo nawala sa puso at isipan ko.
Nang buksan nila ang aparador ay nakita nila ang mga regalo para sa kanilang mga kaarawan at pasko at sa mga selebrasyon na hindi nila nakasama ang kanilang ina sa loob ng tatlong taon na iyon. Ito ang palaging pinag-iipunan ng kanilang ina kaya hindi ito tumitigil sa pagkayod.
Sa loob ng lata ay nakita nila ang ipon din nitong pera upang sa huling sandali ng kaniyang buhay ay hindi siya maging pabigat sa kaniyang mga anak.
Lubusan ang pagsisisi ng kaniyang dalawang anak sa pagtikis nila sa kanilang ina. Ngunit kahit anong luha pa ang ibuhos mula sa kanilang mga mata ay hindi na maibabalik ang mga taong sana ay kapiling pa nila.
Malayang sumama si Aling Nelya sa Maykapal baon ang pagmamahal ng inang hindi nakalimot sa kaniyang mga anak kailanman.