
Pagkukunwaring Nauwi sa Pagkasawi
“Hoy Angelica! Tigilan mo na nga iyang kakapicture d’yan! Malelate na tayo oh!” sigaw ng kaibigan ng dalaga na si Clarisse. Hindi na naman kasi maawat ang pagpipicture ni Angelica at pagpopost nito sa social media nang araw na iyon.
“Sandali, ang ganda kasi nitong bagong kotse ng kaklase natin, ife-flex ko lang sa peysbuk ko!” tuwang-tuwang sabi ni Angelica. Napakamot na lang ng ulo si Clarisse at sa inis ay iniwan na lang ang dalaga.
Nasa unang taon sa kolehiyo si Angelica at naninirahan sa dormitoryo sa loob ng kanilang unibersidad. Dahil galing probinsya ay tuwang-tuwa siya sa mga bago at magagarang bagay na kaniyang nakikita. Kaya kauting kibot lang ay agad-agad niya iyong pinopost sa social media. Kesyo pagkain, inumin, damit, mga aralin, at mga buildings ay ipinopost niya. Palagi naman itong pinaaalalahanan ng pamilyang nasa probinsya na mag-iingat lagi dahil malayo ito.
“Basta anak, lagi kang mag-iingat diyan ah? Ikaw lamang sa ating pamilya ang nakatuntong sa kolehiyo kaya sana ay pagbutihin mo,” bilin ng kaniyang mapagmahal ng mga magulang.
“Opo ‘nay, ‘tay! Malaki na po ako kaya huwag po kayong mag-alala. Kayang-kaya ko ang sarili ko dito sa Maynila,” pagmamalaki pa ni Angelica sa mga magulang.
Sa mga lumipas na buwan ay walang palya ang pagpopost ng dalaga sa kaniyang social media tungkol sa kaniyang buhay. Ngunit nalungkot ang dalaga dahil nakita niyang kakaunti lang parati ang naglilike sa kaniyang mga pictures. Isang araw habang nagpepeysbuk ay may nakita siyang isang babae na kamukhang-kamukha niya. Isa itong modelo ngunit hindi gaanon kasikat. Kung maputi lang siya, matangos ang ilong, at may katangkaran, ay siguradong mapagkakamalan silang kambal!
Dahil desperadong maparami ang kaniyang mga likes ay pinalitan ni Angelica ang kaniyang profile picture ng larawan ng magandang modelo. Labis siyang natuwa nang makita na nagustuhan iyon ng maraming tao. Lumobo ang kaniyang friend request sa peysbuk at maraming nagchachat sa kaniyang mga kalalakihan. Tuwang-tuwa si Angelica sa atensyong kaniyang nakukuha kaya naman tuwing may bagong post ang modelo ay ipinopost niya rin iyon sa kaniyang social media, para kunwari ay siya ang nasa larawan.
“Angelica! Ang ganda mo na ngayon ah!”
“Mukha kang artista! Iba na siguro kapag nasa Maynila ‘no?”
Ilan lang iyan sa mga komentong talaga namang nagpapalaki sa ulo ng dalaga. Hindi na niya inintindi ang sipa ng konsensya dahil katwiran niya, hindi na iyon mahalaga.
Dumating ang dulo ng semestre at nag-empake na si Angelica upang umuwi sa kanilang probinsya. Bago sumakay ng bus sa terminal ay nag-post muna siya at sinabing “Excited na kong umuwi sa probinsiya! Kaso ang haba ng pila dito sa may terminal malapit sa school. Big yuck sa traffic sa Pilipinas!” reklamo niya pa.
Nagpasya siyang mag-CR sandali upang magretouch ng kaniyang make-up. Alam na, baka kasi may magpapicture sa kaniya. Nang akmang papasok na siya sa madilim na CR ng terminal ay dalawang malalakas na kamay ang humila sa kaniya patalikod. Kasunod ay pagtapal ng isang telang may nakakahilong amoy sa kaniyang bibig at ilong. Hindi umubra ang kaniyang pagpupumiglas kaya naluluha na lang siyang nanalangin at unti-unting nagdilim na ang kaniyang paligid.
Nagising siya dahil sa isang kamay na gumagapang sa kaniyang binti. Sa gulat niya ay natadyakan niya ang lalaking nasa harap niya. May tatlong lalaking nakabonet ang kasama niya sa isang mabahong kwarto. Nanginginig niyang iginala ang mata sa patingin upang maghanap ng matatakbuhan ngunit nakatali ang kaniyang mga paa at kamay.
“Aba palaban pala si Ms. Alyssa! Ganiyan ang mga tipo ko, magagandang palaban!” ngising-aso ang lalaki habang mala*swa ang pagkakatingin sa kaniya.
Nang tanggalin ng mga lalaki ang busal sa kaniyang bibig ay agad siyang nagmakaawa sa mga ito.
“Hindi ka namin pakakawalan hangga’t hindi mo ibinabalik ang perang ninakaw mo sa boss namin!” sigaw naman ng isa pang lalaki.
“W-wala ho akong ninanakaw, m-maniwala ho kayo! K-kuya, hindi po ako si Ms. Alyssa! Hindi po ako siya, maniwala kayo sa a-akin, nagkakamali k-kayo!” hagulgol niya atsaka lumuhod sa mga ito.
“Hindi mo kami maloloko! Kahawig na kahawig mo ang mga nasa litrato at nakita na namin ang mga litrato mo sa social media. Parehong-pareho kayo ni Ms. Alyssa na may atraso sa aming boss! Kaya magsalita ka na kung nasaan ang pera!” sigaw ng lalaki.
Takot na takot ang dalaga at hindi malaman ang sasabihin. Patuloy ang pagmamakaawa niya sa mga ito. Halos halikan na niya ang mga paa nito ngunit tila walang nakakarinig sa kaniya. Nang mabigong makuha ang impormasyong kailangan ng mga mandurukot ay nagpasya silang idispatsa na ang kawawang babae. Ngunit tila pinasukan ng demonyo ang utak ng mga ito dahil pinagsam*ntalahan muna nila isa-isa ang dalaga at saka ito kinit*lan ng buhay.
Alalang-alala naman ang pamilya ni Angelica sa probinsya dahil hindi pa rin ito nakakauwi. Hindi nila matawagan ang cellphon ng dalaga at nakapagtataka na isang buong araw na itong hindi nagpopost sa peysbuk. Hanggang dumating na lang sa kanilang bario ang malagim na balita, isang bangk*ay daw ng isang estudyante ang natagpuan sa estero sa Maynila. Nakita ang student ID na ito at tuluyang gumuho ang mundo ng pamilya nang makita sa telebisyon ang nakangiting mukha ni Angelica.
Lahat ay nabigla sa masaklap na kapalarang sinapit ng dalaga. Lumabas sa ginawang imbestigasyon na napagkamalan lang daw ang dalaga ng mga mandurukot. Nangako ang mga pulis na patuloy na susubaybayan ang kaso hanggang mahuli nila ang mga walang-awang kriminal.
Nalunod sa pagluluksa ang pamilya ni Angelica. Gayundin, mahalagang leksyon ang tumimo sa isip ng mga kaibigan ng dalaga. Ito ay ang pagiging maingat sa kanilang mga ipopost sa social media at huwag na huwag magnanakaw ng identidad ng iba. Mahalagang limitahan lamang ang mga detalye sa ating buhay na ipapakita sa mga taong hindi natin lubos na kilala upang makaiwas sa ganitong disgrasya.