“Mare,” masiglang tawag ni Amy kay Brenda.
Agad namang napangiti si Brenda nang makita ang nakangiting mukha ni Amy. “O mare, kumusta?”
“Ito maayos naman,” sagot naman ni Amy. “Oy! Mare naparito pala ako para imbitahan ka sanang maging ninang ng apo ko,” dugtong pa ni Amy.
“Ay talaga? Sige mare walang problema,” agad namang sang-ayon ni Brenda.
Matagal nang magkaibigan sina Brenda at Amy, mula pa noong mga dalaginding pa lamang sila hanggang sa nakapag-asawa na silang pareho’y nanatili ang pagiging magkaibigan nila kahit na minsan na lang silang magkita.
“Nga pala mare, pwede ba akong humingi sa’yo ng pabor?” nakikiusal na wika ni Amy.
“Ano ba iyon, mare? Kung kaya ko naman ay bakit hindi,” malapad na ngumiti si Brenda.
“Nais ko sanang ikaw na lang ang mag-sponsor ng mascot na gagamitin sa party ng apo ko, mare. Para naman kahit papaano ay masaya ang binyag ng apo ko. Para iyon sa mga kabataang imbitado sa binyag. Kahit iyon na lang ang regalo mo sa kaniya,” hirit ni Amy.
Agad namang napataas ang kilay ni Brenda sa sinabi ni Amy, ngunit kahit nakaramdam ng pagkadimaya si Brenda ay hindi niya iyon pinahalata sa kaibigan.
“Naku, mare! Wala akong malaking budget para sa mascot ng apo mo. Kasi kaka-birthday lang din ng apo kong si Tricia at malaki ang nagastos namin. Kaya medyo kapos ang bulsa ko ngayon. Pasensya ka na ha,” mapagkumbabang wika ni Brenda.
“Ayy ganun ba, mare?” dismayadong wika ni Amy. Saglit itong nag-isip at muling nagsalita. “Ah! Sige ganito na lang mare, ikaw na lang ang sumagot sa five layer cake ng apo ko. Medyo mura na iyon kaysa rerentahang mascot. Ano, game na ba?” muling hirit ni Amy.
Hindi yata nahahalata ni Amy na tumatanggi siya. “Kailangan pa ba ng cake, mare? Binyag lang naman iyan. Ang mahalaga’y mabasbasan ng parì ang apo mo tapos ang pagpapakain sa mga ninang at ninong ay pwede naman ninyong gawin sa maliit na restawran na lang para mas makamura kayo. Hindi pa nakakabutas ng bulsa. Kasi mukhang wala naman kayong budget pero gusto niyo pa rin ng bongga,” nakangiting wika ni Brenda kahit na ang totoo’y gustong-gusto na niyang insultuhin ang kaibigan.
“Ay sinasabi mo ba Brenda? Na trying hard kami?!” nakataas ang kilay na wika ni Amy.
“Hindi naman sa ganun Amy, pero maging praktikal na lang tayo kung hindi naman pala kaya ng budget natin ang gastusin ay huwag na lang nating pilitin. Nakakaintindi naman kaming mga ninang,” nanatiling mahinahong wika ni Brenda.
“Gagastusan ba namin ang apo namin, mare, kung hindi naman pala namin kaya?! ‘Tsaka humihirit lang naman ako sa’yo kasi alam kong mapera ka, pero gaya ka pa rin talaga ng dati. Hanggang ngayon ay madamot ka pa rin!” inis na wika ni Amy.
“Alam mong hindi ako maramot Amy, sadyang buraot ka lang talaga. At saka nais ko lang linawin sa’yo na hindi ako mapera dahil umaasa lang din ako sa mga anak kong may mga trabaho. Praktikal akong tao, hindi ko kailangang magpa-sosyal kung hindi naman kaya ng bulsa ko. Hindi ako katulad mong nangingilkil ng mga kaibigan magmukha lang bongga ang binyag ng kinasasakupan ko. Iyon ang kaibahan natin, Amy,” mahabang paliwanag ni Brenda.
“Ako na ang buraot! Ikaw naman ang madamot! Simpleng regalo lang hinihingi ko sa’yo, Brenda, hindi mo pa maibigay!” inis na sigaw ni Amy.
“Ang usapan natin Brenda ay magiging ninang ako ng apo mo. Hindi maging ATM,” maiksing sagot ni Brenda.
Umismid si Amy saka muling nagsalita. “Binabawe ko na ang sinabi ko sa’yo kanina. Ayoko nang maging ninang ka ng apo ko! Hindi ko kailangan ang isang katulad mong madamot!” galit na wika ni Amy.
“Salamat naman Amy, dahil hindi ko rin naman ipagsisiksikan ang sarili ko sa katulad niyong demanding sa regalo. Akala mo naman kayo ang bibinyagan,” agad namang sagot ni Brenda. “Naging ina rin ako at minsang nagpabinyag ng mga anak at apo. Pero minsan man ay hindi ako naging demanding sa mga ninang at ninong nila. Masaya na ako kung ano lang ang kaya nilang ibigay. Sana ganoon ka rin, Amy,” patama niya sa kaibigan sabay talikod rito.
Handa siyang kalimutan ang pinagsamahan nila kung pakiramdam niya’y kaibigan lamang siya nito kapag may kailangan.
Hindi naman lahat pero may iilang tao na ginagawang negosyo ang binyag. Ang pagiging ninang at ninong ay hindi paligsahan kung sino ang galante o hindi. Ang pagiging ninang at ninong ay isang mabigat na obligasyon. Hindi isang negosyo ang maging pangalawang magulang sa iyong ina-anak. Sana may mapulot na aral ang iba.