Inday TrendingInday Trending
Sino Nga Ba ang Mas Nahihirapan, si Mister o si Misis?

Sino Nga Ba ang Mas Nahihirapan, si Mister o si Misis?

“Nandito na ʼko!” hiyaw ni Tonyo habang susuray-suray na binubuksan ang pintuan ng kanilang bahay. Naabutan niya ang kaniyang misis na si Rose, na ganoʼn na lang ang busangot ng mukha habang nakapamaywang sa tapat ng pintuan.

“Bakit ngayon ka lang?” mariing tanong ni Rose sa asawa.

“Nag—kayayaan pa kasi ng inuman kami ng mga kaopisina ko. Hindi naman ako makatanggi,” sinisinok namang sagot ni Tonyo.

“Inom? Inuman na naman?! Araw-araw ka na lang lasing! Wala ka na ba talagang ibang iniintindi sa buhay mo kundi ang barkada at alak? Sawang-sawa na ako sa gabi-gabing pag-uwi mo nang lasing!” hiyaw naman ni Rose na labis na nanggagalaiti.

“Tumigil ka na nga. Minsan lang naman, e, ayaw mo pa akong pagbigyan! Nagbubunganga ka pa riyan!” Sumagot pa si Tonyo. Katuwiran niya sa sariliʼy iyon na nga lang ang nagsisilbi niyang pahinga sa araw-araw na pagkayod para sa pamilya nila, pagkatapos ay pipigilan pa siya ng asawa.

“Anong tumigil?! Talagang hindi ako titigil sa pagbubunganga sa ʼyo hanggaʼt hindi ka nagbabago! ʼYong pag-uwi mo na nga lang nang maaga ang tanging maitutulong mo sa akin, Tonyo! Iyon na lang sana, pero, inilalaan mo pa sa barkadaʼt pakikipag-inuman ang oras mo!” muli pang paglilitanya ni Rose.

Nanahimik na lamang si Tonyo kahit pa nagngingitngit ang kaniyang damdamin sa pagbubunganga ng asawa. Gusto niya mang sumagot pa ay alam niya namang lalo lamang hahaba ang away nila. Nakuntento na lamang siya sa pasimpleng pagpalatak.

“Huwag kang matutulog ngayong gabi rito sa kwarto! Dyan ka sa labas!” pahabol pang hiyaw ni Rose bago tuluyang pumasok sa kwarto sabay pabagsak na pagsara ng pintuan. Muli ay wala namang nagawa si Tonyo kundi ang mapapalatak at mapakamot sa ulo. Dumiretso na lang siya sa kabilang silid kung saan naroon ang monitor ng CCTV ng kanilang bahay na ipinasya nilang ipakabit nang minsan na silang pagtangkaang pasukin ng magnanakaw. Ayaw naman kasi niyang matulog sa salas dahil malamig at malamok doon.

Maraming tanong ang tumatakbo sa kaniyang isip bago pa man siya makatulog.

Tulad ng, bakit nga ba ganoʼn na lang kung magbunganga si Rose sa tuwing siyaʼy uuwi nang lasing o kahit nakainom lang?

Hindi ba nito naa-appreciate ang pagod niya sa trabaho para lang maitaguyod silang mag-ina niya?

Bakit kung umasta itoʼy parang siya pa ang pagod na pagod, gayong iisa pa lang naman ang anak nila?

Lahat ng tanong niyaʼy hindi niya alam na mabibigyan palang kasagutan sa paggising niya sa umaga…

Namulatan ni Tonyo na nakabukas ang monitor ng kanilang CCTV. Doon ay nakikita niya ang kaniyang asawang si Rose na naghahanda ng pagkaing aalmusalin niya para sa pagpasok. Nakabukas pa ang baunan niyang may laman na ring putaheng iniluto ng kaniyang asawa. Pati ang umuusok na kapeng barakong paborito niyaʼy naroon na rin sa mesa.

Umalis ito saglit sa kusina at nakita niyang bumalik itong karga-karga na ang kanilang magdadalawang taong gulang na anak na lalaki. Mukhang pumapalahaw ito nang iyak at inaalo naman ni Rose upang tumahan. Nakita niyang napatingin din ang kaniyang asawa sa lababo kung saan nakatambak ang hugasin nitong pinggan, pagkatapos ay sumulyap din sa basket na lalagyan nila ng maruming damit, na nooʼy puno na.

Napaisip si Tonyo… nakakaya pa ba ito ni Rose nang mag-isa?

Ito ba ang dahilan kung bakit mukha itong pagod na pagod sa tuwing uuwi siya?

Ito ba ang dahilan kung bakit gusto nitong umuwi siya nang maaga?

Napatanong din siya sa sarili, talaga bang hindi niya alam ang tungkol dito o sadyang hindi niya lang isinaaalang-alang dahil gusto niyang sundin ang luho niya?

Napailing si Tonyo sa sobrang pagkainis sa kaniyang sarili. Nasaan na nga ba ang pangako niya kay Rose noong nililigawan pa lamang niya ito, na bibigyan niya ito ng buhay prinsesa?

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Tonyo at nagpasiya na siyang lumabas ng silid upang salubungin ng yakap ang kaniyang asawa at manghingi ng dispensa. Hindi siya papasok ngayong araw at sisiguraduhin niyang makapagpapahinga ito dahil aakuin niya muna ang mga gawain nito para lalo niyang maintindihang, hindi lang siya, bilang ama ang nagtatrabaho. Kung minsan pa nga ay mas nahihirapan ang mga ilaw ng tahanang gaya ng kaniyang may bahay. Babawi na si Tonyo at simula ngayon ay magbabago.

Naisip niyang ang pagbuo ng pamilya ay hindi laging tungkol sa kung sino ang mas nahihirapan… kundi kung paano dapat mas nagkakaintindihan at nagtutulungan para ang pagsasama nilaʼy umunlad at gumaan.

Advertisement