
Ang Online Karma ni Cita
Kinabahan si Cita nang mabasa sa social media ang hinggil sa mabilis na pagkalat ng sakit. Si Cita ay isang online seller ng mga segunda manong gamit, kaya nababahala siyang maaapektuhan ang kaniyang kalagayan sa paglaganap ng epidemya.
“Paano kaya ito? Hindi puwedeng mawala ang pagtitinda ako. Paano ako makakabayad kay Tiya Pasing sa inutang kong pamuhunan? Paano na ang mga utang ko kina Aling Tilda, Mang Nestor, at Babajay na mga pang-make up? This can’t be!” parang tangang kinakausap ni Cita ang kaniyang sarili habang nakababad ang mga mata sa laptop.
Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang lapitan siya ng kaniyang kapatid na si Rohan, 12 taong gulang.
“Ate, kailangan ko ng internet connection para makapagpasa ng online activities sa teacher ko,” entrada ni Rohan sa kaniyang ate.
“Ha? Eh ‘di ba wala namang pasok? Sinuspinde ang mga klase hanggang Abril. Bakit kailangan mong magpasa ng requirements?” takang tanong ni Cita.
“Iyon nga po. Nasa fourth grading palang kami, eh biglang nasuspinde ang klase. Wala silang mapagkukuhanan ng grades sa amin kaya kailangan naming magpasa ng mga gawain online. Kailangan ko sana ng pang-load para magawa ko,” pakiusap ni Rohan sa kaniyang ate. Napabuntung-hininga na lamang si Cita na siyang bumubuhay ngayon sa kaniyang bunsong kapatid dahil pareho nang sumakabilang-buhay ang kaniyang mga magulang.
“Oh… iyan ah, tipirin mo iyan. Huwag na muna manood ng mga videos sa YouTube at huwag muna mag-TikTok para may magamit ka para sa school requirements,” hindi natiis na turan ni Cita sa kaniyang kapatid. Tinanggap nito ang inabot niyang pera at nagpasalamat sa kaniya.
“Salamat po, ate! The best ate ka talaga,” pagpapasalamat ni Rohan.
“Eh ako lang naman ang ate mo!” natatawang sabi ni Cita sa kaniyang kapatid.
Dahil maaga silang naulila, naiatang sa mga balikat ni Cita ang responsibilidad na tumayo bilang mga magulang kay Rohan. Naisipan niyang magbenta ng mga segunda manong gamit at ukay-ukay online. Dahil malakas ang karisma ni Cita sa mga tao, marami siyang napapahinuhod na mamili sa kaniya. Iyon ang ginamit niya upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang kapatid, at maging ang kaniyang sarili.
Naputol ang pagninilay-nilay ni Cita nang tumunog ang kaniyang cellphone. Tumatawag ang kaniyang supplier na si Mrs. Aures.
“Mamang… anong balita?” bungad ni Cita sa kaniyang supplier.
“Gusto mo ng paninda? Dadagdagan kita… gusto mo ba idagdag ang alcohol at hand sanitizers?” alok ni Mrs. Aures.
“Hindi po ba ako malulugi diyan?” tanong ni Cita kay Mrs. Aures.
Bahagyang tumawa si Mrs. Aures. “Ano ka ba, hindi ka malulugi rito. Sa katunayan, mabenta sa ngayon ang mga iyan, dahil nga sa outbreak. Pwede mong ibenta nang doble o triple sa presyo, samantalahin mo ang pagkakataon na in-demand ang mga medical supplies.”
At iyon na nga nga ginawa ni Cita. Nagbenta siya ng mga alcohol na doble ang presyo dahil nagkakaubusan na nga sa mga supermarket at grocery stores. Marami naman ang kumagat at bumili sa kaniya kahit doble ang patong niya. Hanggang sa maisipan niyang triplehin na ito.
“Wala naman silang choice kapag naubusan na sila, bibili rin sila sa akin kahit triple ang presyo ko,” nasasaloob ni Cita. At ipinagpatuloy niya ang pagbebenta ng mga alcohol at hand sanitizers na triple ang presyo.
Isang araw, may bumili sa kaniya ng tatlong bote ng alcohol. 200 piso ang presyo niya sa 150 ml na isopropyl alcohol. Matapos ang deal, pumayag siya na makipagkita sa kanilang tagpuan.
“Kayo po ba si Cita Soriano?” tanong ng isang pulis na ikinagulat ni Cita.
“Yes, ako nga po. Bakit po?” kabadong tanong ni Cita. Nasa likod nito ang buyer na nakatransaksyon niya.
“May report po kaming natanggap na nagbebenta raw po kayo ng alcohol sa tripleng halaga. Narito po ang inyong nakatransaksyon mula sa DTI. Matagal na po namin kayong minamanmanan dahil sa mga reports na natanggap namin. Ilegal po iyan. Sumama po kayo sa amin sa presinto.”
Walang nagawa si Cita kundi sumama sa presinto. Kinaladkad siya ng pulis at ikinulong sa isang madilim na lugar. Walang magawa si Cita. Napakadilim sa loob ng kulungan. Sumigaw siya upang humingi ng tulong…
“Ate! Ate! Gising! Nananaginip ka po!”
Napabalikwas ng bangon si Cita. Nananaginip lamang pala siya. Hindi pala totoo ang lahat. Napayakap siya sa kaniyang kapatid.
Napag-alaman ni Cita na labag pala sa batas ang pagho-hoard ng mga produktong kailangang-kailangan sa panahon ng krisis sa kalusugan. Isang kasalanan ang pananamantala, lalo na ang pagbebenta ng mga produkto na doble o triple ang patong dito. Minabuti niyang itigil ang kaniyang ginagawa, lalo pa’t hindi naman ito makatutulong sa kaniyang mga kababayan.