Inday TrendingInday Trending
Bilog na Kapalaran

Bilog na Kapalaran

“Hoy, Maryan, balita ko sa bahay ka na naman ng nobyo ko natulog kagabi, ha? Ikaw ba ang naging pulutan nila sa inuman?” sambit ni Queency nang makasalubong ang isa niyang kaklase sa kantin dahilan upang maghagikgikan ang iba pa nilang kaklase na kasama niya.

“Naku, nagkakamali ka, Queency. Hindi ako sumama sa kasiyahan nila, puro lalaki kasi sila saka pinagkandado na ako ng kwarto ni June para hindi na nila ako maabala,” katwiran ni Maryan, bakas sa mukha niya ang sinseridad sa mga sinasabi.

“Aba, parang pinapamukha mo pa sa aking nagmamalasakit sa’yo ang nobyo ko!” sigaw nito dahilan upang makuha ang atensyon ng iba pang estudyanteng kumakain sa kantin.

“Hindi sa ganon. Alam mo namang matalik kaming magkaibigan noon at hanggang doon lang ‘yon. Wala lang talaga akong matulugan kaya sa kanila ako nakikitulog, pasensya ka na,” mahinang pagpapaliwanag niya, hindi na niya magawang makatingin ng diretso sa galit na dalaga dahil tila napapalibutan na sila ng ibang mag-aaral.

“Wala akong tiwala sa’yo! Ang isang katulad mong kung kani-kaninong bahay natutulog, walang karapatan sa larangan ng tiwala! Kaya kung ayaw mong mapagbuhatan ng kamay, tigilan mo ang nobyo ko!” bulyaw pa nito dahilan upang mapatakbo na lamang siya sa kahihiyan. Naririnig niya ang mga bulungan habang papalabas siya ng nasabing kantin.

Mag-isang pinapaaral ni Maryan ang sarili. Bagamat walang kolehiyo sa kanilang probinsya, napagdesisyunan niyang makipagsapalaran sa Maynila. Sa kabutihang palad naman, may naupahang apartment ang kaniyang matalik na kaibigan na nagdesisyong sumama sa kaniya sa pakikipagsapalaran malapit sa kanilang paaralan.

Ngunit dahil dito, napaulan siya ng mga husga’t tsismis. May kagwapuhan kasi ang kaniyang matalik na kaibigan, kung titingnan nga sila kapag sabay naglalakad, para lamang siyang kasambahay nito. Kutis artista, may kotse, basketball player, lahat na! Kaya ganoon na lamang naiingit sa kaniya ang mga kapwa nila estudyante.

Lalo pang siyang inulan ng tsismis nang magkanobya ang kaniyang kaibigan. Ika ng marami, isa raw siyang babaeng pumapayag maging kabit alang-alang sa pera na labis na ikinakadurog ng kaniyang puso.

Alang-alang sa kaniyang pangarap, lahat ng mga husgang ito at pinalipas niya ngunit tila hindi na niya nakayanan ang eksenang ginawa ng nobya ng kaniyang kaibigan dahilan upang umalis na siya sa puder nito.

Ginawa niya ang lahat upang makaiwas sa binata kahit pa ito na ang gumagawa ng paraan para mag-usap sila. Ang tanging lagi niya lang sinasabi dito, “Gusto ko ng tahimik na buhay, nandito ako sa paaralan na ito para tuparin ang pangarap ko at hindi para maudlot ang pangarap ko dahil sa mga pang-aalipusta ng mga estudyante dito.”

Kahit pa umiwas na siya sa binata, marami pa rin siyang naririnig na usapan. Kesho raw nagpapabebe siya at nais magpahabol o kaya naman nag-iinarte lang daw siya. Ngunit lahat ng ‘yon, kinibit balikat niya lamang.

Halos isang buwan rin siyang patagong natutulog sa banyo ng kanilang paaralan habang nag-iipon siya pambayad ng matitirhan. Pumasok siya bilang serbedora sa isang kainan malapit sa kanilang unibersidad. Dahil dito, unti-unti siyang nakaipon at sa wakas, nakaupa na ng maliit na matitirhan.

“Umpisa lang ito ng laban ng buhay, walang susuko, Maryan!” sambit niya sa sarili habang aligaga siya sa pag-aayos ng kaniyang mga gamit.

Hindi kalaunan, napagtagumpayan niyang makatapos ng pag-aaral. Ganoon na lamang ang kaniyang saya nang sa wakas, nahawak na niya ang kaniyang inaasam na diploma.

Dahil nga sa angking talino’t sipag, agad siyang nakakuha ng magandang trabaho sa Maynila dahilan upang makapagbigay na siya ng tulong sa kaniyang pamilya sa probinsya.

Tila mapaglaro nga ang tadhana dahil doon din nakakuha ng trabaho ang kaniyang matalik na kaibigan. Agad siyang niyakap nito saka inikang, “Kahit anong iwas mo sa akin, ipaglalapit pa rin tayo ng tadhana, namiss kita, matalik kong kaibigan!”

Naikwento nitong simula pala noong umalis siya sa puder nito, hiniwalayan na niya ang dalagang nobya noon. Tila hindi niya raw kasi matanggap na inaalispusta siya ng dalaga. Hindi naman daw nagtagal, nabalitaan raw nitong buntis na ito at hindi na mag-aaral.

“Hayaan mo siya, may kaya naman sila, eh, hindi ‘yon sila magu…” hindi na nito natapos ang kaniyang sasabihin dahil bigla na lang sumulpot sa kanilang harapan ang babaeng dati’y taas noo sa lahat ng tao ngunit ngayong nakayukong nagpapakintab ng sahig na labis nilang ikinagulat.

Hindi nagdalawang isip si Maryan na kausapin ito. Nalaman nilang mag-isa pala nitong tinataguyod ang tatlong anak sa paglilinis sa kanilang kumpanya.

Nagdesisyon ang dalawang magkaibigan na tulungan siya at ganoon na lamang ang pasasalamat nito. Mangiyakngiyak pa itong lumuhod sa kanilang harapan bilang pagsasalamat.

Simula noon, mas pinag-igihan pa ng dalaga ang kaniyang pagtatrabaho. Bukod sa nasusuportahan na niya ang kaniyang pamilya, may natutulungan pa siyang taong dati’y nagpababa sa kaniya.

Hindi nakakayaman ang pagmamataas. Tandaan, bilog ang kapalaran, maaaring nasa taas ka ngayon ngunit bukas maaaring nasa ibaba ka na.

Kung nasa baba ka naman ngayon, siguradong bukas, tataas ka na. Ngunit kapag naabot mo na ang rurok ng tagumpay, huwag mong hayaang maging katulad ka ng mga nagluklok sa’yo sa laylayan noon. Maging mabuti ka, sigurado, tatagal ang karangyaan sa’yong buhay.

Advertisement