Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Ilang segundo na lamang ay ia-anunsiyo ang nagwagi sa patimpalak na sinalihan niya.
“At ang nanalo sa patimpalak na ito ay walang iba kundi si…”
Napapikit na lamang siya ay nagdasal ng taimtim habang hinihintay ang resulta.
“Mary Ann de Villa!” Sigaw ng emcee.
May naramdaman siyang panghihinayang nang hindi ang pangalan niya ang kanyang narinig. Ngunit isinantabi niya iyon at lumapit sa nanalong si Mary Ann upang batiin ito.
Sa tingin niya ay karapat-dapat ito sa premyo. Kilala niya ang babae. Simula noong nasa elementarya pa lamang sila ay kilala na talaga ito sa kanilang eskwelahan dahil sadyang may angking talento talaga ito sa pagsulat.
Kahit hanggang ngayong nasa kolehiyo na sila ay isa pa din ito sa mga pinakamagagaling na manunulat sa departamento nila, ay Departamento ng Wika.
“Mary Ann, congrats!” Inilahad niya dito ang palad, isang sensyales na nirerespeto niya ang talento nito.
Imbes na abutin ang kanyang palad ay mataman lamang siya nitong minasdan, taas ang kilay.
“Hanggang ngayon ba ay hindi ka pa din sumusuko, Krista? Mag-iisang dekada na, hindi ka din nananalo sa kahit na anong patimpalak na sinalihan mo.” Pang-uuyam nito sa kanya.
Pasimple niyang binawi ang kamay na nanatiling nakalahad at pilit na nginitian ang kababata.
“Naniniwala ako na ibibigay din sa akin ang pangarap ko sa tamang panahon, basta magtiyaga lang ako at hindi sumuko.” Sagot niya dito.
“Ang tiyaga ay kailanman hindi mananalo sa talento, Krista.” Patuloy nitong pang-iinsulto.
“Kagaya mo, kahit na anong gawin mo, mananatili kang talunan.” At tumalikod na ito.
Malungkot na tinanaw niya ito na may matamis na ngiti sa mga labi habang kausap ang mga kaibigan nito.
Dati niya itong kaibigan. Nagbago lamang ito nang marinig nitong pinuri ng kanilang guro ang kanyang akda noong nasa hayskul sila. Gusto kasi nitong ito ang laging napupuri. Ang pinakamagaling.
Sa totoo lang, hindi naman pagwawagi ang maging pangarap niya. Ang pagsali sa mga ganitong patimpalak ay isa lamang sa mga ginagawa niya upang patuloy na malinang ang kaniyang kakayahan sa pagsulat.
Patuloy din ang pagsali niya sa mga workshops. Madalas din siyang kumonsulta sa kaniyang mga guro ukol sa kaniyang mga ginagawa.
Naputol ang kaniyang pag-iisip nang maramdaman niya ang mahinang tapik sa kaniyang balikat. Nalingunan niya si Gng. Mercado, ang kaniyang paboritong guro at tinuturing niyang mentor.
“Krista, may sinabi na naman ba sa’yo si Mary Ann at ganyan na naman ang mukha mo?” May mapang-unawang ngiti sa mga labi nito.
“Naku Ma’am, wala po!” Agarang tanggi niya.
Tumango naman ito. “’Wag kang mag-alala. Pasasaan ba’t maabot mo rin ang pangarap mo. Magaling, matiyaga, at mapagpakumbaba ka. Alam kong magtatagumpay ka.” Ngumiti ito sa kanya.
Napangiti na rin siya dito. Isa lamang ito sa maraming tao na nagpapalakas ng loob niya. At isa rin ito sa mga nagsasabing maabot niya ang kaniyang pangarap.
At pangarap niya? Maging isang manunulat sa Malikhain Productions. Ito ang kumpanya na pinagtrabahuhan ng kanyang ina. Apat na dekada ito doon bago ito nagretiro.
Sa ngayon, ang Malikhain Productions din ang pinaka-popular na kompanya para sa mga kagaya niyang nagnanais maging magaling na manunulat.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Dumaan ang araw ng kanilang pagtatapos, at naghanda na si Krista sa pag-aapply sa kompanyang pinapangarap niya.
Gayon na lamang ang kabog ng kaniyang dibdib nang makita niyang isa din sa maraming aplikante si Mary Ann.
Taas na naman ang kilay nito nang magkasalubong sila sa restroom.
“Sa tingin mo ba pipiliin ka nila kaysa sa akin, na itinanghal na manunulat ng taon?”
Hindi niya ito sinagot at ipinagpatuloy ang pagre-retouch, bagay na ikinainis nito.
“Hinding-hindi mo makukuha ang trabahong ito, Krista!” Iyon lamang ang sinabi nito bago nagmamadaling lumabas.
Napabuntong-hininga na lamang si Krista.
Bahagya siyang napapitlag nang bumukas ang pinto sa isa sa mga cubicle, at lumabas ang isang sopistikadang babae.
Napahiya siya nang maalala ang mga sinabi ni Mary Ann, na tila marinig yata ng babae.
“’Wag kang panghinaan ng loob. Gawin mo lang ang best mo.” Ngumiti ito sa kaniya at lumabas na bago pa siya makapagpasalamat sa payong ibinigay nito.
Ngumiti siya sa harap ng salamin bago sinabi sa sariling “Kaya mo ‘yan! Para sa pangarap!”
Kinakabahan man ay may ngiti sa kanyang labi nang tawagin ang kanyang pangalan. Tatlo silang sabay sabay na iinterviewhin. Siya, si Krista, at ang babaeng nakilala niyang si Mae.
Nang lumingon siya upang tingnan ang mag-iinterview, nagulat siya dahil ito ang babaeng nakasabay niya kanina sa restroom! Nagpakilala itong si Bb. Marcelo.
Ngumiti pa ito nang magtama ang kanilang mata, bagay na nagpakalma sa kaniya.
Naging maayos naman ang interview. Sinunod niya ang payo ng babae na gawin niya ang best niya.
Nang sabihin nito ang panghuling tanong, may ngiti sa kanyang mga labi. Naalala niya kasi ang laging sinasabi ng kanyang nanay. Naalala niya din ang mga pinagdaanan niya sa nakalipas na mga taon.
“Sa tingin ko po ay mas mahalaga ang tiyaga kaysa sa talento. Kasi ang talento ay kinakailangang hasain at linangin, at hindi mo ito magagawa kung hindi ka matiyaga. Mangangalawang ang talent ng isang taong walang tiyaga.”
Sa kanilang tatlo, si Mary Ann ang naiiba ang isinagot. Sinabi nito na mas mahalaga ang talento dahil ito daw ang isang bagay na hindi biniyayaan ang lahat.
Nang matapos ang interview ay agad na ibinigay sa kanila ang resulta.
“Matapos ang aming pagsusuri, napagdesisyunan namin na tanggapin ang aplikasyon ni Bb. Krista Alcaraz.”
Hindi makapaniwala si Krista sa narinig. Ito ang katuparan ng kaniyang pangarap na matagal niyang inasam at pinagtiyagaan.
“Paanong nangyari yun? Kilala ko si Krista at mas magaling ako sa kaniya!” Mataas ang boses ni Mary Ann nang magsalita ito.
Bago pa makapagsalita si Krista ay narinig niya na ang tinig ni Bb. Marcelo.
“Hindi talento lamang ang sukatan, Ms. De Villa. Ang hinahanap naming ay yung may talento, at magandang pag-uugali. Sa ipinakita mo ay pinatunayan mo lang na tama ang aking desisyon.” Mariin nitong sabi kay Mary Ann.
Tila naman napahiya ito at mabilis na lumabas sa silid na iyon.
“Maraming salamat po.” Masayang wika niya sa babae nang sila na lamang ang maiwan doon.
“Welcome sa Malikhain Productions!” Magiliw nitong sambit.
“Hinding-hindi ko po kayo bibiguin.” Pangako niya sa babae.
At tinupad niya ang pangakong iyon, bilang ganti sa pagtupad nito sa kaniyang pangarap.
Makalipas lamang ang ilang taon, isa na si Krista sa mga pinaka-respetadong manunulat sa kanilang kompanya.
“’Wag na ‘wag kayong titigil sa pag-abot ng pangarap niyo. Hindi niyo kailangang maging pinaka-talentado, patuloy lang kayong magtiyaga at laging maging mapagpakumbaba.” Iyon ang lagi niyang sinasabi sa nagtatanong sa kanya kung paano niya naging matagumpay sa kaniyang larangan.