Inday TrendingInday Trending
Sarili Ko Naman ang Mamahalin Ko!

Sarili Ko Naman ang Mamahalin Ko!

Nanlalatang naglakad pauwi si Patty sa kanilang bahay. Ang lahat ng kaniyang lakas ay biglang tinangay ng malakas na hangin matapos ibalita sa kaniya ng kaniyang doktor na mayroon siyang malubhang karamdaman at kailangan niyang maoperahan sa lalong madaling panahon para maisalba ang kaniyang buhay.

Ang akala ng babae ay sukdulan na ang sakit na kaniyang naramdaman nung lumabas ang resulta ng kaniyang mga laboratory tests ngunit hindi niya akalain na mas higit na pighati pala ang kaniyang mararamdaman mula sa kaniyang asawa nung ibinalita niya dito na mayroon siyang kans*r sa lapay.

“Malaki ang magagastos natin kung magpapa-opera ka. May kilala akong magaling na albularyo sa probinsya namin. Sa kaniya ka na lang magpagamot. May utang na loob siya sa pamilya namin kaya siguradong hindi siya magpapabayad. Sa Nobyembre na lang tayo magpapagamot sa kaniya tutal tuwing Undas lang tayo umuuwi ng probinsiya para bisitahin ang puntod ng mga magulang ko. Kapag may nararamdaman kang sakit magpahid ka na lang ng Efficascent oil,” saad ni Miguel.

Hindi makapaniwala si Patty sa naging tugon ng lalaki. Buwan ng Mayo pa lang ngayon. Anim na buwan pa ang kailangan niyang hintayin bago siya ipagamot ng kaniyang asawa. Sa bawat araw na lilipas ay kailangan niyang magtiis ng sobra bago mabigyang lunas ang kaniyang karamdaman.

“Bakit kailangan ko pang maghintay nang matagal? At bakit parang ayaw mong maglabas ng pera para sa pagpapagamot ko? Hindi naman tayo namumulubi, ah. May naitabi naman tayong pera sa bangko at kumikita rin ang negosyo natin,” inis na reklamo ni Patty.

“Alam mo namang matagal ko nang pinaplano ang pagpapalawak ng negosyo ko. Kung babawasan natin ang perang itinaan ko para doon ilang taon na naman ang hihintayin ko para lang makabuo ng sapat na pondo para sa negosyo ko,” katwiran ng lalaki.

Nauunawan ni Patty ang rason ng kaniyang asawa. At dahil nais niyang suportahan si Miguel na maisakatuparan ang pangarap nito para sa kanilang negosyo ay hindi na niya ipinagpilitan pa na gamitin ang naipon nilang pera para sa kaniyang pagpapagamot sa halip ay iminungkahi niya na ibenta na lang ang ilan nilang sasakyan at lupain para may magamit silang pera para sa kaniyang operasyon.

“Bakit pinupuntirya mo ang mga sasakyan na koleksyon ko? Pati ang mga lupain na pinundar ko pinakikialaman mo! Bakit hindi iyong mga alahas mo ang ibenta mo o ‘di kaya isanla mo para may panggastos ka sa pagpapagamot mo?” buwelta ni Miguel.

Nagpanting ang tenga ni Patty sa kaniyang narinig. Tila nagising siya sa katotohanang matagal nang ipinamumukha sa kaniya ng kaniyang pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Pera lang ang habol sa kaniya ng lalaki. Hindi siya mahal ni Miguel.

Inalala ni Patty ang kanilang nakaraan. Simula noong magkasintahan pa lamang sila ay siya na ang mas mapagbigay sa kanilang dalawa. Ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isipan na sinasamantala na siya ng lalaki. Noong ikinasal sila ni Miguel ay mas malaki ang inilabas niyang pera para maidaos ng maayos ang kanilang kasal. Ang bayad para sa bahay na kanilang tinitirahan ay nagmula sa sarili niyang dugo at pawis. Pati ang puhunang ginamit para sa pagpapatayo ng negosyo ng kaniyang asawa ay nagmula sa perang minana niya mula sa kaniyang mga magulang. Lahat ng hilingin ni Miguel ay walang pagdadalawang-isip niyang ibinibigay. Lahat ng luho ng lalaki ay buong pagmamahal niyang iginagawad.

Dahil mas pinahalagahan ng lalaki ang mga materyal na bagay na ibinigay niya kaysa ang isalba ang kaniyang buhay ay napatunayan ni Patty na hindi talaga siya mahal ni Miguel. Banko lang ang tingin sa kaniya ng kaniyang asawa.

“Maghiwalay na tayo! Kakausapin ko ang abogado ko sa lalong madaling panahon para maasikaso na niya ang annulment natin. Sobra-sobra na ang ibinigay ko sa iyo. Siguro naman ay panahon na para isipin ko naman ang sarili ko. Mahal na mahal kita pero kailangan ko ring mahalin ang sarili ko. Matututunan ko ring mabuhay na wala ka sa tabi ko. Mas mahalaga sa akin ang buhay ko kaysa ang maramdaman ang pagmamahal mong hindi naman totoo!” buong tapang na pahayag ni Patty sa kaniyang asawa.

Ilang beses sinuyo si Patty ng kaniyang asawa ngunit desidido ang babae na tuldukan na ang kanilang relasyon. Ngayong nagising na siya sa katotohanan ay ayaw na niyang muli pang magpabulag sa pagmamahal niya sa lalaki. Tapos na ang mga panahong nagpakat*nga siya dahil sa pag-ibig.

Pagkaalis ni Patty sa kanilang bahay ay nagtungo siya agad sa Japan kung saan naninirahan ang kaniyang mga kapatid kasama ang kani-kanilang pamilya. Ipinaubaya na niya sa kaniyang abogado ang pag-aasikaso sa annulment nila ni Miguel. Doon na rin siya nagpagamot sa kaniyang sakit at sa awa ng Diyos ay naging matagumpay naman ang kaniyang operasyon. Nang maaprubahan na ng korte ang kanilang annulment, sa kagustuhan ni Patty na tuluyan nang putulin ang ano mang kaugnayan niya sa dating asawa, ibinenta ng babae ang lahat ng nakuha niyang parte sa kanilang mga ari-arian. Ang ilang mumurahing kagamitan na iniregalo sa kaniya ng dati niyang asawa ay ipinamigay niya sa mga nangangailangan.

Bagama’t hindi na niya kapiling ang lalaking minahal niya ng buong puso at pinaglaanan niya ng kaniyang buhay ay naging masaya naman si Patty sa panibagong yugto ng kaniyang buhay. Dahil sa pagkakataong ito ay kasama na naman niyang muli ang mga taong tunay na nagmamahal sa kaniya. Walang iba kung ‘di ang kaniyang pamilya.

Advertisement