
‘Nay, May Sasakyan!
“Anak! May uwi akong paborito mong chicken joy!” maligayang wika ni Aling Gina na kakauwi lamang sa kanilang bahay.
“Wow! Chicken! Salamat po, mama,” mabilis na lumabas ang bunsong anak ng ale na si Mark, pitong taong gulang. Kinuha kaagad nito ang dalang pasalubong at umupo sa mesa.
“Inulit niyo na naman ba, mama?” seryosong tanong ni Mika, ang panganay na anak ng babae, 13 anyos.
“Hindi naman ako nasaktan, anak, at saka sa malayo naman ako nagpunta kaya hindi ako makikilala. ‘Wag ka nang magalit diyan! Tingnan mo, ang saya-saya ng kapatid mo,” dipensa naman kaagad ng ale sa kaniya.
“May kinikita naman tayo sa paglilinis ng bote, bakit kailangan niyo pang gawin ‘yan? Paano kapag nalaman ni Mark ‘yan, aber? Paano kung kamulatan din niya ang kalokohan niyo? Hindi po ba kayo nahihiya?”mahina ngunit may diing sinabi ito ni Mika sa kaniyang ina.
“Hiya? Bakit napapakain ka ba ng hiya? Tsaka isa pa, kulang na kulang ang kinikita natin sa mga lintik na bote na ‘to. Kaya ka nga hindi nakapag-aral ‘di ba? Dahil mahirap lang tayo, walang maayos na makain, walang pera, walang maayos na tirahan, wala kayong tatay na dapat katulong ko sa paghahanap buhay sa inyo. Hanggang kailan ko ba ipapaliwanag sa’yo na ito lang ang kaya kong gawin!?” baling ng ale sabay sipa sa mga bote na nasa sahig.
Paglilinis ng bote ang pinagkakakitaan ng mag-anak. Maliit ang kita kaya naman hindi na nagawa pang makapag-hayskul ni Mika. Bukod sa kinakapos na sila sa pagkain at bayarin sa bahay ay magsisimula nang pumasok si Mark sa elementarya na mas gusto na lamang nilang paglaanan ng pansin.
“Ang manloko ng tao,” saad ni Mika.
“Mali, ang manloko ng mayayamang tao. Anak, ‘wag ka na kasing magalit sa akin, okay naman ako. Walang nangyaring masama. Kumain na lang tayo, sige na,” pahayag ni Aling Gina rito.
Hindi na sumagot pa si Mika at umiling na lang saka lumabas ng bahay. Masama man sa kaniyang kalooban ngunit kinalakihan na ni Mika ang iba pang pinagkakakitaan ng kaniyang nanay. Ito ay ang pagpapabundol sa mga mamahaling sasakyan at panghihingi ng pera bilang kabayaran. Akala niya noong bata siya ay aksidente lamang palagi ang nangyayari ngunit nang magkamuwang sa mundo at nakita na niya kung paano ito ginagawa ng kaniyang nanay ay roon na nagsimula ang galit sa kaniyang puso.
Bukod sa bayarang babae si Aling Gina dati at magka-iba ang tatay nila ni Mark ay hindi na niya naramdaman pa ang pagiging nanay ng ale. Lumaki siya sa sariling mga paa at sa pag-aalaga sa kaniyang kapatid. Marami siyang pangarap na hindi niya alam kung paano matutupad dahil sa walang direksyon ng kaniyang nanay.
Lunes na at hindi pa rin siya kinakausap ni Mika, kaya naman napagdesisyunan ni Aling Gina na isama si Mark.
“Kailangan kong gawin ‘to. Nang makita niyang wala namang mali at mas makakatulong ‘to sa amin,” isip-isip ng ale saka niya kinuha si Mark at isinama ito.
“Anak, kapag nasagasaan si mama sigaw ka kaagad ng tulong, ha?” wika ng ale sa kaniyang anak.
“Ha? Masasagasaan po kayo, mama?” nagtatakang tanong naman ng bata sa kaniya.
Hindi na sumagot pa si Aling Gina at hinintay na munang magkaroon ng traffic ang daan saka siya namili ng sasakyan at iniwan sa isang tabi si Mark. Mabilis siyang tumakbo sa gitna at nagpabundol sa isang pulang sasakyan. Malakas din ang sigaw ni Mark na mas gugulantang sa kanya.
“Mark!” sigaw ni Aling Gina na kumaripas ng takbo mula sa pagkakabundol niya sa isang sasakyan dahil tumakbo rin pala ang kaniyang bunsong anak. Parang nawalan ng panrinig ang ale sa kaniyang nakita at tanging sigaw na lamang niya ang kaniyang naririnig. Paulit-ulit siya sa pagsabi ng tulong ngunit nakaalis na ang nakabangga kay Mark.
Dumating naman kaagad ang ambulansya at nadala ang bata sa ospital, wala itong malay dahil sa dami ng dugo na nawala sa bata.
“Bakit pati si Mark dinamay niyo!” sigaw sa kaniya ni Mika.
“Gusto ko lang naman ipakita sa kapatid mo ‘yung ginagawa ko. Gusto ko lang ipaliwanag sana sa kaniya kung paano ako nagkakapera pero hindi ko naman lubos akalain na susunod siya sa’kin,” naluluhang saad ni Aling Gina.
“Walang dapat ipaliwanag ‘nay! Dahil walang dapat ipaliwanag sa hanapbuhay niyo kasi mali, maling-mali,” baling muli ni Mika saka niya iniwan ang kaniyang nanay.
Labis na pinagsisisihan ni Aling Gina ang nangyari, hindi na nila nahabol pa ang nakabangga kay Mark kaya naman wala silang nakuhang pera mula rito. Mabuti na lamang at nagmagandang loob ang ibang kabarangay nila at mga kagawad para magbigay ng tulong sa pagpapagamot ng bata. Simula noon ay hindi na inulit pa ni Aling Gina ang pagpapabundol upang magkapera dahil baka sa susunod, mas mahal na ang singilin sa kaniya ng karma.