Inday TrendingInday Trending
Gayong Siya Itong Nangangailangan

Gayong Siya Itong Nangangailangan

Kinamulatan na ni Nestor ang kahirapan. Kaya nais man niyang ituloy ang kaniyang pag-aaral noong kaniyang kabataan ay hindi niya magawa. Sa murang edad kasi ay kinailangan na niyang tulungan ang kaniyang ama sa pagkayod para sa kanilang pamilya. Elementarya lamang ang tinapos ni Nestor. At isang malaking hadlang ito upang makakuha siya ng magandang trabaho. Kaya tulad ng kaniyang amang si Mang Fredo ay naging kargador ng gulay sa pamilihan ang binata.

Sabay silang nagtutungo ng kaniyang ama sa pamilihinan bago pa man pumutok ang araw. Halos doon na nga sila tumira sapagkat sa madaling araw ay marami ring humahango. Umuuwi na lamang sila upang magbigay ng panggastos sa kanilang ina para sa kanilang pangkain.

Isang araw ay hindi nakayanan ni Mang Fredo ang buhat nitong mga gulay. Natumba ang matanda at isa-isang bumagsak ang mga gulay na kaniyang pasan. Agad namang nakita ito ni Nestor na may binubuhat din sa di kalayuan.

“Tay, ayos lang po ba kayo?” sambit ni Nestor. “Mabuti pa ho ay magpahinga muna kayo. Umuwi na muna kayo sa bahay at ako na ang bahala dito. Sige na ho, ‘tay. Baka lalo pang sumama ang pakiramdam ninyo,” pag-aalala ng binata.

Agad namang umuwi ang ama. Dahil na rin siguro sa katandaan ni Mang Fredo ay hindi na kinaya pa ng kaniyang katawan ang kaniyang mga kinakarga. Ngunit nagpupumilit pa rin itong magtrabaho sapagkat hindi sasapat kung si Nestor lamang ang kakayod.

“Tay, huwag na po matigas ang inyong ulo. Mas malakas po ako sa inyo. Kung kinakailangan na triplehin ko ang pagkayod para lang hindi na kayo magkargador at makapahinga na lamang po kayo dito sa bahay ay gagawin ko. Mas importante po ang kalusugan ninyo,” wika ni Nestor.

Ngunit sa loob ng binata ay kailangan niyang pag-igihang mabuti ang pagtatrabaho dahil talagang hindi sasapat ang kaniyang kinikita para sa kanilang pamilya. Nag-isip siya ng ibang paraan upang kumita ng pera. Bukod sa pagkakargador ng gulay ay umektsra din siya sa pagbabatilyo sa punduhan.

Halos hatiin na nga ni Nestor ang kaniyang katawan. Halos hindi na siya matulog matugunan lamang ang pangangilangan ng kaniyang pamilya.

Sa pag-iikot sa palengke ay nakita ni Nestor ang isang matandang hindi magkandaugaga sa kaniyang mga dalahin at tila nahihilo.

“Ako na po ang magbubuhat ng mga ‘yan,” sambit ng binata.

“Nako, iho. Kinakalungkot ko pero wala akong ibabayad sa’yo. Kanina kasi ay nalaglag ang aking pitaka. Naroon din ang aking telepono,” wika ng matanda.

“Ayos lamang po. Hindi nyo po kasi madadala ang lahat ng ito. Hayaan nyo pong tulungan ko kayo. Saan ho ba ang tungo ninyo?” tanong ni Nestor.

“Dalawang kanto lamang mula dito ay magkikita kami ng aking anak. Kung gusto mo ay hintayin mo siya at saka kita babayaran,” sambit ng matanda.

“Huwag na po. Malapit lang naman po ang pupuntahan ninyo. Hindi rin naman po ganong kabigatan ang mga ito. Sandali po at ibibili ko kayo ng tubig,” sambit niya sa matanda.

“Sigurado po ba kayo na darating ang anak ninyo? Dahil kung hindi po ay pahihiramin ko muna kayo ng pera para makauwi kayo sa inyo kung kaya n’yo na,” wika ni Nestor.

“Malapit lang ang trabaho doon ng aking anak. Sigurado ako na pupuntahan niya ako sa aming tagpuan,” tugon ng matanda.

Agad inihatid ni Nestor ang matanda sa pupuntahn nito. Dahil na din sa pagmamadali na makabalik ng palengke at madagdagan ang kita ay agad na ring umalis ang binata nang masiguro niyang maayos ang kalagayan ng matanda.

“Maraming salamat, iho. Sana ay isang araw ay masuklian ko ang kabutihan mo,” saad ng ginang.

Isang madaling araw ay malaki ang kinita ni Nestor. Bukod pa dito ay binigyan siya ng kaniyang amo ng isang kilong isda upang may ulamin silang mag-anak. Masaya siyang uuwi sa kanilang tahanan. Habang naglalakad ay nakarinig siya ng iyak ng isang bata sa ‘di kalayuan. Agad niya itong hinanap.

“Ne, anong ginagawa mo sa ganitong oras dito sa labas? Nasaan ang magulang mo?” pagtataka ni Nestor.

“Dito ba ang bahay ninyo? Gusto mo katukin ko para makapasok ka na,” dagdag pa ng binata ngunit walang tigil pa rin sa pag-iyak ang bata at hindi siya nito sinasagot.

Dahil malapit na rin ang kanilang bahay at ayaw niyang pabayaan ang bata ay naisip niyang ihatid muna ang pera at ulam sa kaniyang pamilya saka niya ihahatid ito sa baranggay upang maibalik sa kaniyang mga magulang.

Walang tigil sa pag-iyak ang bata. Maya-maya ay laking gulat na lamang niya ng bigla na lamang may pumaligid sa kaniyang mga pulis. Agad inagaw mula sa pagkakakapit sa binata ang batang tangan nito.

“Saan mo dadalhin ang anak ko! Walang hiya ka!” sambit ng babae. “Dem*onyo ka, akala mo ata ay hindi ka mahuhui ng mga pulis. Hulihin nyo na po ang walang kunsensyang taong iyan. Gusto nyang gawan ng masama ang anak ko!” sigaw pa ng babae.

Dahil sa takot at sobrang pagkalito ay nagpumiglas si Nestor ng tangkaing damputin siya ng mga pulis.

“Sandali ho, mali po ang iniisip niyo. Hindi ko po kinuha ang batang ‘yan. Hayaan nyo muna akong magpaliwanag!” giit ni Nestor. Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga pulis. Pagdating sa prisinto ay agad siyang ikinulong. Ni hindi alam ng mga magulang ni Nestor ang nangyari sa kanila.

Hanggang marating na nga ang balita sa kaniyang pamilya. Lubusan ang pagtangis ng kaniyang ina habang umiiyak sa presinto. Wala silang magawa dahil wala silang pera upang mailabas ang kawawang binata.

Dahil sa kaguluhan ay agad na lumabas ang hepe ng pulisya at inalam ang pangyayari.

“Wala boss, hindi lang nila matanggap yung ginawa ng anak nila. Kami na po ang bahala dito,” sabi ng isang pulis.

Papasok na muli sana sa kaniyang tanggapan ang hepe ng dumating ang kaniyang ina na may dalang baon para sa kaniya.

“Ma, pumasok na po kayo sa opisina ko. Aayusin ko lang po ang gulo dito,” saad ng hepe.

Napansin ng matanda ang isang pamilyar na mukha.

“Iho, ano ang ginagawa mo rito?” pagtataka ng matanda.

“Napagbintangan po akong kinidnap ko daw po ang isang bata. Ayaw po nila akong pakinggan. Hindi ko po magagawa ‘yon,” walang tigil sa pag-iyak si Nestor.

“Anak,” sambit ng matanda sa hepe. “Siya ang binatang sinasabi ko sa’yo na tumulong sa akin at hindi nanghingi ng anumang kapalit. Hinihiling ko na sana ay ikaw ang humawak sa kaso niya upang mag-imbestiga sapagkat naniniwala ako na hindi magagawa ng batang ito ang nasabing kasalanan niya,” pakiusap ng ina.

Dahil sa sinabi ng matanda ay agad gumawa ng aksyon ang hepe ng pulisya. Sa kaniyang pag-iimbestiga ay napatunayang tama nga ang sinasabi ng binata. Nakalabas ng ‘di namamalayan ng mga magulang ang bata at kung saan-saan ito napadpad. Napag-alaman ding nabayaran ang mga pulis upang idiin ang binata sa kaso.

Agad napawalang bisa ang ibinibintang na kaso kay Nestor at agad siyang pinalaya. Laking pasasalamat naman ng binata sa matandang babaeng tumulong din sa kaniya. Marami ang nakaalam ng kwento ni Nestor at dahil dito ay marami rin ang nagbigay ng kanilang tulong sa binata at pamilya nito.

Hindi naging balakid kay Nestor ang pagtulong sa likod ng kaniyang kakulangan sa edukasyon at panghuhusga ng iba dahil sa kaniyang katayuan sa buhay. Kaya naman ngayon ay inaani niya ang lahat ng bunga ng mga itinanim niyang kabutihan.

Advertisement