Inday TrendingInday Trending
Bakit Galit sa Diyos si Boss?

Bakit Galit sa Diyos si Boss?

“That’s it. Aasahan ko ang mga report ninyo sa meeting natin sa linggo,” pinal na sabi ni Sir Josef bilang hudyat ng pagtatapos ng meeting nila nang araw na iyon. Lihim namang napailing ang mga empleyado nang marinig na linggo ang kanilang meeting. Iyon na nga lang ang pahinga nila ay kukunin pa rin ng trabaho. Sabi ng iba ay gwapo sana ang treinta anyos na lalaki ngunit halimaw naman kung magpatrabaho.

Nakita ni Josef ang isang babaeng empleyado na nagtaas na kamay ngunit tuloy lang siya sa paglabas sa conference room at hindi iyon pinansin.

Hindi niya inaasahan na susundan siya nito hanggang sa kaniyang opisina kaya napilitan siyang pakinggan ang sasabihin nito.

“Sir, Yang po from marketing department.. Mayroon ho kasi akong mahalagang aktibidad sa simbahan sa linggo. Maaari ho bang mahuli ako ng kaunti sa meeting? Kahit tatlumpung minuto lang po,” pagpapaalam nito at saka nahihiyang ngumiti.

“Bakit mas mahalaga ba ‘yang simbahan kaysa sa trabaho? Walang kwenta naman ‘yan, anong mapapala mo sa diyos diyos na ‘yan? Papasahurin ka ba niyan?” istriktong tanong niya habang ang pansin ay sinasadyang ituon sa laptop. Mahabang katahimikan ang sumunod, napilitan tuloy si Josef na mag-angat ng tingin sa kausap. Nagulat siya dahil imbes na nakabusangot na reaksyon ay mabait pa rin ang ngiting nakapaskil sa labi nito.

“Mahalaga po ang trabaho para sa akin Sir at mataas rin po ang respeto ko sa inyo bilang boss, pero sana ho ay bigyan niyo rin ng respeto ang paniniwala ko,” sabi ni Yang.

“Huwag mo na sayangin ang oras ka sa mga walang kabuluhang bagay. Kung hindi ka pupunta ay hindi ko masisiguro ang posisyon mo sa kompanya,” sagot ng boss sa isang makapanginig-tuhod na tinig. Ngunit, bagkus na manginig sa takot ang babae ay seryoso itong nagpaalam sa boss at nagpasalamat pa. Hindi mawari ni Josef kung bakit lalo siyang nainis. Ayaw na ayaw niya talaga sa mga taong ganoon, eh niloloko lang naman nila ang mga sarili nila sa kanilang paniniwala.

Nang sumapit ang araw ng linggo ay nagulat si Josef nang madatnan doon ang mga empleyado na sabay-sabay na nagdadasal. Galit na galit siya nang makita na ang empleyadong babae nakasagutan niya noong isang araw ang pasimuno ng lahat ng iyon!

Pagsambit ng “amen”, nagulat ang lahat nang salubungin sila nang mukha ng galit na galit na boss.

“Anong akala niyo sa opisina ko? Simbahan?! Ikaw Ms. Yang, lumayas ka ngayon din sa lugar na ito dahil you’re fired!” namumula ang mukhang wika ni Josef.

“Pero s-sir, hindi pa naman ho oras ng meeting–” magdadahilan pa sana si Yang ngunit napatalon sa gulat nang ibagsak ng boss ang palad sa lamesa. Wala nang nagawa ang babae kung hindi ang lumabas ng kwarto. Awang-awa naman ang mga katrabaho nito ngunit wala ring nagawa kung hindi sundan ito ng tingin.

Lalong sumama ang timpla ni Josef sa mga narinig na report sa kanilang meeting. Ang kanilang magasin kasi ay nauungusan na ng isa pang kompanya sa kita at kasikatan. At ngayong bumubuo sila ng konsepto para makabawi ay halos walang nagsasalita sa kaniyang mga empleyado dahil sa takot na masigawan. Hanggang sa may naglakas ng loob na magpasa ng isang folder kung saan nakapaloob ang isang bagong plano para maisalba ang kanilang magasin.

Nang tiningnan ni Josef ang plano ay agad niya iyong nagustuhan dahil makabago ang mga ideya ngunit hindi mahirap gawin.

“Eh may nagiisip rin pala sa inyo eh! Salamat Mr. Lorenz sa ideya mo, ito na ang gagamitin natin– oh ano iyon?” tanong ng boss nang muling magtaas ng kamay ang nasabing Mr. Lorenz.

“Eh s-sir, hindi po ako ang gumawa niyan. N-naiwan po ni Ms. Yang iyang folder na iyan kanina. Nakita ko po na maganda kaya ipinakita ko ho sa inyo,” kamot-ulong sabi ng lalaki.

Natigilan naman si Josef sa narinig. Dahil likas na businessman ay alam niyang hindi dapat siya magpadala sa kaniyang emosyon katulad ng nangyari kanina, kung maisasalba ng proyektong ito ang kaniyang kompanya ay alam niyang dapat niyang ibalik si Ms. Yang.

“Call her,” iyon lang at tinapos na ni Josef ang meeting.

Hindi naman nagkamali ng desisyon ang boss na muling ibalik sa trabaho ang dalaga. Nang mailunsad ang bagong proyektong orihinal nitong likha ay lumobo ang kita ng kanilang kompanya at nanatili silang pinakasikat sa industriya.

Bilang isang magaling na boss, nilunok niya ang pride at pumunta sa pwesto ni Ms. Yang upang batiin ito sa tagumpay nila. Ngunit nagulat siya nang makitang umiiyak ito habang may kausap sa telepono.

“Sige ho at pupunta kaagad ako…” anito at saka ibinaba ang telepono. Nang makita siya ay agad nitong pinunasan ang luha at saka bahagyang ngumiti sa kaniya. Nagpaalam itong magpapasa ng leave of absence dahil may emergency daw ito sa bahay. Tango lang ang naisagot nya dahil mukhang maiiyak na naman ito, at hindi siya komportable sa mga ganoong sitwasyon.

Napag-alaman niya sa pinasa nitong sulat na namayapa na ang kapatid nito sa isang aksidente at ang ama naman nito ay nagkaroon ng malubhang sakit. Ito na lang ang inaasahan ng pamilya ngunit hindi ito makakapasok sa trabaho dahil sa pag-aasikaso ng burol. Nakaramdam naman ng awa ang boss dito kaya binisita niya ito.

Naabutan niya itong nagdarasal kasama ang mga kapitbahay sa labasan kung saan nakaburol ang kapatid nito.

“Naku Sir! Nakakahiya naman at nag-abala ka pang pumunta,” sabi nito at inestima siyang mabuti. Matapos makita ang kalagayan nito ay hindi mapigilan ni Josef na matanong dito.

“Naniniwala ka pa rin ba na may Diyos? Kung totoo nga siya ay bakit niya hahayaang mangyari ito sa iyo?” seryosong tanong niya dito.

“Sir, ang Diyos ang pinagmulan ng lahat kaya Siya rin lang ang may karapatang bumawi noon. At hindi natatapos ang pagmamahal Niya sa buhay na ito lang, mayroon pa po sa langit,” nakangiting sabi ng dalaga. Hindi malaman ni Josef kung bakit ngunit natagpuan niya ang sariling nagkukwento dito.

“Nagkaroon din ako ng nobya dati, sobrang maka-Diyos niya. Paladasal, marangal ang pamumuhay, ngunit napagsamantalahan siya at pumanaw habang tumutulong sa isang mahirap na komunidad sa Maynila. Simula noon ay hindi na ako naniniwalang mabuti nga ang Diyos.”

“Sigurado akong mabuti ang pinatunguhan ng nobya niyo, sir. Masakit mawalan ng minamahal sa buhay ngunit umaasa akong makakapiling ko sila sa kabilang buhay. Sana sir mas makilala mo rin ang pag-ibig ng Diyos, tiyak kong maiintindihan mo ang lahat.” Niyaya siya ng babae na magdasal kaya hindi na siya nakatanggi.

Matapos ang karanasan niyang iyon ay unti-unting nagbago ang kaniyang pananaw. Lagi na niyang kinakausap ang Diyos, una ay nagtatanong lamang siya dito at minsan nagrereklamo, ngunit ngayon ay nagpapasalamat na rin siya. Binabasa niya na rin ang bibliya upang lalo itong makilala. At doon niya napatunayan na totoo at buhay nga ito.

Simula noon ay mas naging mabuting lider si Josef sa kaniyang kompanya. Mas naging maintindihin siyang boss. Higit sa lahat ay natagpuan niya ang katahimikan ng loob nang pakawalan niya ang galit sa kaniyang puso at tanggapin ang pag-ibig ng Maykapal na matagal niyang itinanggi.

Advertisement