Inday TrendingInday Trending
Palo ni Nanay ang Kinalakihan Ko!

Palo ni Nanay ang Kinalakihan Ko!

“Ading!!!” umaalingaw-ngaw sa buong lugar nila ang malakas na sigaw ni Aling Saling. “Uuwi ka o uuwi ka?” gigil na gigil na tawag nito sa pasaway nitong anak na si Ading.

“Uuwi na po ako ‘nay, basta huwag niyo lang akong papaluin,” mangiyak-iyak na pakiusap ni Ading.

Ngunit kahit makiusap pa si Ading ay hindi na niya na nailagan pa ang palo ng kaniyang inang si Aling Saling. Kaya umiiyak ma tumakbo si Ading patungo sa kanilang bahay.

“Hindi ba’t sinabi ko na sa’yo na unahin mo ang gawain dito sa bahay bago ka gumala? Ano’t nakauwi na lamang ako’y wala ka pang nagagawa ni isa man lang sa inutos ko,” dere-deretsong litanya ni Saling sa anak na himas-himas ang tinamaan ng kaniyang pamalo.

“Hindi na po mauulit, inay,” humihikbing wika ni Ading.

“Tumayo ka na at ayusin mo ang sarili mo. Alam mo naman na ayokong napapalo ka Ading, pero sadyang matigas ang bungo mo,” emosyonal na wika ni Aling Saling.

“Patawad po, inay,” umiiyak pa rin na wika ni Ading.

Napangiti na lamang si Ading ng balikan niya ang parteng iyon ng kaniyang kabataan. Napapangiwi pa rin siya kapag naaalala niya ang ekspresyon ng mukha niya kapag lumalapat na sa kaniyang katawan ang dala-dalang pamalo ng ina. Sa sobrang pagkapasaway niya noon na mas inuuna ang laro kaya nakakalimutan niya ang mga utos ng kaniyang ina, kaya lagi na lamang siyang hinahabol nito ng pamalo. Kung ano lang ang mahawakan nito ay iyon na ang lalapat sa kaniyang katawan.

Bitbit sa kanang kamay ang malaking supot na may lamang siopao, habang sa kaliwang kamay naman ang 1.5 liters na softdrinks ay nagmamadaling umuwi si Ading upang pagsaluhan nilang pamliya ang kaniyang dalang pagkain.

“Nay, nandito na ang anak niyong maganda,” masayang wika ni Ading ng mabungaran ang nakangiting mukha ng ina.

“Mabuti naman at nakauwi ka na Ading,” wika ni Aling Saling. “Ano ‘ga iyang bitbit mo?” tukoy nito sa bitbit niya.

“Ang paborito ng lahat,” sagot niya.

Magiliq naman na ngumiti ang kaniyang ina at agad na inihanda sa mesa ang kaniyang dalang pasalubong. Masayang kumakain ang lahat nang bigla niyang maalalang magtanong.

“Nay, naalala ko nga pala noong bata pa ako. Lagi mo akong pinapalo kapag nagkakamali ako. Tanong ko lang ngayon kung ano ang pakiramdam mo noon kapag pinapalo mo ako o kami ng mga kapatid ko?” tanong ni Ading na agad namang sinang-ayunan ng dalawa pa niyang kapatid.

“Gusto niyong malaman kong ano ang pakiramdam ko noon kapag napagbubuhatan ko kayo ng kamay?” ulit ni Aling Saling sa tanong niya. “Siyempre nasasaktan ako kapag nakikita kong nasasaktan kayo. Pero kinailangan kong gawin iyon upang disiplinahin kayo. Paano kayo magtatanda kung hindi ko kayo didisiplinahin?” paliwanag nito.

“Ang sakit ng disiplina niyo ‘nay ah,” nakangiting sambit ni James, ang kanilang bunsong kapatid.

Natawa naman si Aling Saling bago muling nagsalita. “Pasensya na kayo mga anak kung masyadong masakit ang palo noon ni nanay. Kung hindi ko ginawa iyon, sino ang gagawa nun para sa inyo? Nauna nang magpahinga ang itay niyo at iniwan kayo sa’kin. Kung hindi ko kayo dinisiplina ng ganoon, ano ang ugaling mayroon kayo ngayon? Baka si Ading ay naging sakim at malditang ate sa inyong dalawa,” tukoy ni Aling Saling sa panganay na anak.

“‘Tsaka baka isang barumbado ngayon si James, dahil nawalan ng direksyon ang buhay kasi hindi ko nadisiplina ng maayos,” tukoy naman ni Aling Saling sa bunsong anak na lalaki.

“Tapos si Helen naman, baka maaga itong nabuntis noon dahil sa barkada,” tukoy naman nito sa pangalawang anak. “Sa t’wing nasasaktan ko kayo triple ang sakit na dulot nun sa’kin. Iniiyakan ko iyon ng palihim. Ayokong masaktan kayo pero kung hindi ko gagawin baka mawalan na kayo ng respeto sa’kin.

Sabi nga ng marami ay mas maiging putulin ang sungay habang maliit pa para hindi na humaba. Nasa magulang ang pagdidisiplina. Kung paano kayo lumaking mga mabubuting tao dahil iyon sa pagdisiplina ko sa inyo noon. Hindi madali ang maging magulang, pero sa nakikita ko ngayon na ugaling mayroon kayo ay masasabi ko naman na naging mabuting magulang ako sa inyo,” mangiyak-iyak na wika ni Aling Saling.

“Oo naman ‘nay. Bilib na bilib nga kami sa inyo e, kasi ikaw na nanay namin ikaw pa ang tatay namin. At saka tatlo kaming mga matitigas ang ulo tapos ikaw mag-isa ka lang pero tignan mo naman kami ngayon,” proud na wika ni Ading sabay yakap sa ina.

“Tama si Ate Ading ‘nay, napalaki mo kaming tatlo ng maayos,” singit ni Helen.

“Dahil sa palo mo kaya kami ganito ngayon,” dugtong naman ni James, kaya nagtawanan na lang silang lahat.

Hindi natin maiintindihan ang nararamdaman ng mga magulang natin hangga’t hindi tayo nagiging magulang. Laging tatandaan, dinidisipilina nila ang mga anak nila dahil wala silang ibang hangarin kung ‘di ang maging mabuting tao ka. Kaya huwag magtanim ng galit sa kanila dahil ang tanging gusto lang naman nila ay mapabuti ka.

Advertisement