
Paano Po Tayo Aahon Sa Hirap?
“Inay, wala na pong laman itong bigasan natin,” tawag ni Kaloy sa inang nasa labas ng kanilang bahay. Wala siyang suot na saplot sa paa dahil sa pagmamadaling puntahan si Aling Kakay sa binggohan.
“Umuwi ka na nga roon at hintayin nʼyo ang ama mo! Mamalasin ako rito sa ginagawa mo, e!” pahiyaw namang sagot ng kaniyang ina kay Kaloy.
Napasimangot ang labing-apat na taong gulang na si Kaloy dahil doon. Kumakalam na ang kanilang sikmura. Alas dos na ng hapon ngunit wala pa silang umagahan at tanghalian. Nag-aalala na siya sa isang taong gulang na bunsong kapatid na ngayon ay malakas nang pumapalahaw dahil sa gutom.
Wala nang ibang pagpipilian si Kaloy kundi basagin ang kaniyang alkansya, na inilalaan niya sana para sa pambili ng bagong sapatos para sa susunod na pasukan, ngunit hindi niya naman kayang tiising magutom ang mga kapatid na labis na ngang nangangayayat. Nang hapong iyon ay nairaos nilang magkakapatid ang gutom hanggang hapunan.
Umuwi ang kaniyang ama, ngunit wala pa rin itong dalang pera o ni pagkain man lang sana nila. Ang tanging bitbit nito ay isang bote ng alak at isang kahang sigarilyo na inilapag nito sa mesa.
“Wala bang dumating na relief?” tanong ni Mang Sergio sa anak na si Kaloy habang hinihithit ang paubos na niyang sigarilyo.
“Wala po,” tipid namang sagot ng binatilyo dahil masama ang loob nito.
Inaasahan pala ng kaniyang mga magulang ang relief na ipinamimigay ngayon ng kanilang barangay, dahil sa nagdaang bagyo? E, sa kamag-anak pa lang ng mga nagtatrabaho sa barangay at munisipyoʼy ubos na ʼyon!
“Lintik talaga ʼyang si kapitan! Hinahayaang magutom tayong mahihirap dito sa lugar niya!” dinig niyang anas ng kaniyang ama na nagpailing kay Kaloy.
“Magkakano ho iyang alak at sigarilyong binili nʼyo, ʼtay?” sa inis niyaʼy pagalit na tanong niya. “Alam nʼyo ho ba na ni hindi man lang kami nag-umagahang magkakapatid? Samantalang kayo ni inay, pasugal-sugal at painom-inom lang habang sinisisi sina kapitan kung bakit tayo gutom?” isang patak ng luha ang nag-umpisang umagos sa pisngi ni Kaloy.
Biglang napipi ang kaniyang ama. Napatitig sa hawak na alak at sigarilyo. Galit ang mukha nito noong una, ngunit lumambot din kalaunan.
“Itay, kung tutuusin ay mas mahirap pa sina Sandra sa atin!” tukoy pa ni Kaloy sa kanilang kapitbahay. “Ang tinitirhan nila ay tanging mga retaso ng kahoy na itinayoʼt tinagpian lamang ng trapal, samantalang tayoʼy nakatira sa simentadong bahay, ngunit bakit tayo ang hindi man lang nakakain nang tama sa oras at tatlong beses isang araw?” tuloy-tuloy pang tanong ni Kaloy sa ama na ngayon ay humahagulhol na.
“Paano po tayo aahon sa hirap?” ang huling binatawang tanong ng binatilyong si Kaloy bago niya sinimulang pumasok sa kanilang kwarto at umiiyak na matulog na lang.
Kinabukasan, nagising si Kaloy sa halimuyak ng mabangong amoy ng iginigisang bawang sa mantika. Mukhang masarap. Agad niyong pinakalam ang kaniyang sikmura.
Bumangon ang binatilyo at dumiretso sa kanilang banyo upang maghilamos. Pagkatapos ay agad na dumiretso sa kusina upang sanaʼy mag-init ng kapeng gawa sa bigas, ngunit naabutan niya roon ang kaniyang ina.
Nagluluto ito ng sinangag, habang sa kanilang hapag ay may nakahain nang limang pirasong itlog at ginisang sardinas. May timplado na ring kape na ngayon ay hindi na lang purong kulay itim dahil ang aroma nito ay singbango ng kapeng three-in-one.
Napatingin si Kaloy sa ina. Kiming ngumiti naman ito sa kaniya.
“Kain na, anak,” sabi nito na agad nakapagbigay ng ngiti sa pisngi ni Kaloy. Tinakbo niya ang kinatatayuan ni Aling Kakay at niyakap niya ito. Matapos ʼyon ay muli siyang bumalik sa kwarto nilang magkakapatid upang gisingin ang mga ito.
Paglabas ni Kaloy at ng kaniyang mga nakababatang kapatid sa kwarto ay nasalubong naman nila ang kanilang ama. Kapapasok lamang din nito sa bahay nila, bitbit ang isang palangganang may lamang mga tilapiang mukhang bagong huli pa!
“Pasensiya ka na, anak, ngayon lang kami natauhan.” Nagsusumamong ngumiti si Mang Sergio sa panganay na anak na sinuklian naman siya ng isang matamis na ngiti.
Sa pagsulyap pa ni Kaloy sa gilid ng kanilang pintuan ay namataan niya ang isang sakong bigas na katabi ng transparent na plastic bag na naglalaman ng ilang delata, instant noodles, kape, asukal, biscuit at itlog. Tila inilulutang sa hangin ang pakiramdam ni Kaloy.
“Pasensiya, pagsisikap at pagtutulungan lang pala ang kailangan upang umahon sa hirap… maraming salamat po, Panginoon,” taimtim pang dasal ni Kaloy sa kaniyang isipan habang sinusubuan ng almusal ang kaniyang bunsong kapatid.