Inday TrendingInday Trending
Ang Tatay Kong Frontliner

Ang Tatay Kong Frontliner

“Anak, baon mo…”

Napalingon si Cheska sa kaniyang tatay na si Mang Pilo, 51 taong gulang. Iniaabot ng mga payat nitong palad ang isang baunang nakabalot pa sa loob ng plastik. Kumpleto na rin ang kutsara at tinidor. Kahit hindi tingnan ni Cheska ang ulam, alam niyang dalawang maliliit na paksiw na galunggong na pinirito ito at isang pirasong nilagang itlog, na tinanggalan ng balat.

May ilang segundong pinakatitigan ni Cheska ang iniaabot sa kaniya ng tatay, bago alumpihit na bumalik upang kunin ito. Mabilis niyang kinuha ang baunan, inilagay sa loob ng pink na backpack, saka napipilitang nagpaalam sa kaniyang tatay. Ni hindi niya ito tinapunan man lamang ng sulyap. Narinig pa niya ang pahabol na bilin nito.

“Anak, umuwi ka kaagad mamaya. Huwag na maglakwatsa. Delikado ang panahon ngayon.”

Maagang naulila sa nanay si Cheska. Breast c*ncer, sabi ng doktor. Ang kaniyang mga kuya at ate ay nagsipag-asawa na. Bumukod at nagpakalayo-layo. Naiwan si Cheska sa kaniyang tatay. Ang kaniyang tatay na ikinahihiya niya. Sino ba naman ang matutuwa sa tatay na hindi na nga marunong magsuklay at maghilamos, baduy pa manamit at bungal?

Ni minsan ay hindi ipinakilala ni Cheska ang kaniyang tatay sa kaniyang mga kaklase at kaibigan. Bukod sa hitsura nito, labis pa niyang ikinahihiya ang trabaho nito. Janitor sa isang ospital. Matagal na itong naninilbihan doon, wala pa man silang magkakapatid. Doon na umano nanganak sa kanilang magkakapatid ang kanilang nanay.

Si Cheska ay nasa ika-sampung baitang na. Malapit nang matapos ang taong pampanuruan. Nangangahulugan, nalalapit na rin ang Moving Up Ceremony ng kanilang paaralan. Hindi niya problema ang susuuting pambayad sa toga. Ang pinoproblema niya, siyempre kailangan niyang isama ang kaniyang tatay sa seremonya, at makikita na ng lahat ang kaniyang tatay.

Kaya naman, kinausap niya nang mabuti ang kaniyang tiyahing si Tiya Zenaida, kapatid ng kaniyang nanay. Ito ang lagi niyang pinakikiusapang pumunta sa paaralan kapag may event, tulad ng teacher-parent conference o pagkuha ng report card. Hindi niya rito sinasabi noon na kaya ito ang pinakikiusapan niya ay dahil nahihiya siyang makita ng kaniyang mga kaklase at guro ang kaniyang tatay. Ang dahilan niya, abala kasi ito sa trabaho at hindi maaaring lumiban.

“Tita, ikaw na lang ulit ang dumalo sa Moving Up Ceremony namin. Ikaw po ang ilalagay ko sa invitation ha?” pakiusap ni Cheska sa kaniyang tiyahin. Kausap niya ito sa cellphone.

“Bakit hindi ang tatay mo?”

“Eh tiya…” nangingiming sabi ni Cheska.

“May problema ba kay Kuya Pilo?” tanong ng kaniyang tiya.

“Ikaw na lang po, tiya. Baka hindi kaya ni Tatay, baka hindi siya payagan ng boss niya sa ospital, lalo na sa panahon ngayon, naka-alerto po ang mga ospital dahil sa maaaring banta ng virus.”

“Alam mo Cheska, tiyak na aabsent si Kuya Pilo para dumalo sa Moving Up Ceremony mo. Pangarap ng sinumang magulang na makita ang kanilang mga anak na tumatapak sa entablado ng paaralan. Tiyak na matutuwa ang tatay mo. Huwag mong ipagkait iyon sa kaniya.”

“Eh kasi tiya, tingnan mo naman si tatay, kung manamit ang baduy-baduy, parang pugad ng ibon ang buhok kasi hindi man lang nagsusuklay o nagpapagupit. Ano na lang ang sasabihin ng mga kaklase ko kapag nakita nila si tatay?” hindi na napigilan pa ni Cheska ang kaniyang bibig.

“Ano bang klaseng dahilan iyan, Cheska? Hindi magandang ikinahihiya ang tatay mo! Anuman ang hitsura o trabaho niya, dapat mo siyang ipagmalaki dahil sa marangal na trabaho ka niya binubuhay. Tigilan mo ang ganyang pag-iisip,” pangaral ni Tiya Zenaida.

Nang gabing iyon, inihayag ng pangulo ang pagsasailalim sa buong bansa sa community quarantine. Sinuspinde rin ang mga klase nang halos isang buwan. Ito ay upang mapigilan ang paglaganap ng virus na nananalasa sa buong bansa at buong mundo.

Isang text ang natanggap ni Cheska. Mula sa kaniyang tatay.

“Anak, hindi muna ako makakauwi. Nakaalerto kaming lahat sa ospital. Alam kayong wala kayong pasok. May mga pagkain pa naman diyan. Alagaan mo ang sarili mo,” mensahe ng kaniyang tatay.

Sa una, natuwa siya dahil siya lamang mag-isa. Dumaan ang isang linggo. Hindi pa rin umuuwi ang kaniyang tatay. May kung anong pumasok sa kaniyang isipan na daanan ito sa ospital. Isinabay niya ito sa pamamalengke. At nakita niya ang kaniyang tatay. Nakasuot ng face mask na nagdidisinfect at naglilinis ng harapan ng ospital. May kurot na naramdaman si Cheska. Napakasipag ng kaniyang tatay. Matiyaga nitong pinupunasan ang mga bakal na hawakan ng mga hagdanan.

Pagkauwi, tinawagan at kinumusta ni Cheska ang kaniyang tatay. Unang beses niya itong ginawa.

“T-Tay, kumusta po? Kailan po kayo uuwi?” pangungumusta ni Cheska kay Mang Pilo.

“Anak, ayokong umuwi riyan kasi baka may dala akong virus at mahawa ka pa. Magpapadala na lang ako ng pera sa iyo diyan. May mga pasyente kasing dinadala rito na may virus. Lagi kang mag-iingat. Mahal kita, anak…”

“I-ingat din po kayo ‘tay. Mahal ko rin po kayo,” nasambit ni Cheska sa kaniyang tatay. Kahit hindi nakikita, alam niyang masaya at nakangiti ang kaniyang masipag at butihing tatay sa kaniyang mga sinabi, na hindi niya masabi-sabi rito noon.

Hindi siya makapaniwala na dahil sa virus na iyon, nakaramdam ng pagmamalaki si Cheska para sa uri ng trabaho ng kaniyang tatay. Ang pagiging janitor ay isa sa mga frontliners, katulad din ng mga doktor, nurses, pulis, sundalo, mga kahera at staff ng groceries. Sila ang mga humaharap upang masugpo ang virus. Hindi na siya makapaghintay na mayakap ang tatay. Nasasabik na siyang maisama ang tatay sa Moving Up Ceremony, kapag tapos na ang lahat.

Advertisement