Inday TrendingInday Trending
Pananghalian sa Banyo

Pananghalian sa Banyo

“Sharlie, halika na, break tima na, kain na tayo!” sambit ni Ibeth sa katrabaho nilang aligaga pa rin sa pagpipipindot sa kompyuter sa harapan nito.

“Naku, Ibeth, mauna na kayo, may kailangan pa akong tapusin, eh,” sagot ni Sharlie nang hindi man lang tumungin sa mga katrabahong nakapalibot sa kaniya.

“Naku, Sharlie, palagi ka na lang may dahilan kapag niyaya ka namin, ayaw mo ba kaming kasabay kumain? Nakakatampo ka, ha! Sa loob ng anim na buwan natin sa trabaho, hindi ka pa namin nakakasabay kumain!” ika naman ng isa pa niyang katrabaho dahilan upang mapatigil siya pagpipipindot.

“Naku, pasensya na kayo, nagkakataon lang talagang may ginagawa ako. Pangako, babawi ako! Sige na’t baka malipasan pa kayo ng gutom!” paliwanag niya sa mga ito saka siya ngumiti nang malaki. Nasingitan naman ang kaniyang mga katrabaho’t tila nabawasan ang tampong nararamdaman.

“O, sige, dito na kami, ha? Kumain ka!” paalam ni Ibeth saka na sila umalis lahat.

Isang probinsyana ang dalagang si Sharlie. Katulad ng iba, akala niya ring ang pagluwas sa Maynila ang sasagot sa kanilang kahirapan sa probinsya. Ngunit kahit tapos siya ng apat na taon sa trabaho, sa call center ang kaniyang bagsak dahilan upang ganoon niya tipirin ang sarili upang malaki ang maipadala sa kaniyang pamilya sa probinsya.

Umuupa lamang siya nang bahay at mag-isang sinusuportahan ang sarili. Bukod pa dito, siya rin ngayon ang nagpapaaral sa kaniyang mga kapatid at taga-bayad sa lahat ng kanilang bayarin sa bahay.

Kaya naman, lahat na ng pagtitipid ay kaniyang ginagawa. Sa katunayan, hindi siya sumasabay sa pagkain sa kaniyang mga katrabaho dahil ika niya, mapapagastos lang daw siya.

Binabaon niya na lamang ang tira niyang pagkain sa almusal upang makamenos sa pananghalian. Madalas, tuyo, o itlog ang kaniyang baon na palagi niyang kinakain sa loob ng banyo. Nahihiya kasi siyang ipakita ito sa mga katrabaho. Ayaw niya ring kaawaan siya kaya hanggat maaari, patago siyang kakain.

Madalas napapaiyak na lamang siya habang nginunguya ang matigas niyang kaning bahaw. Lalo na kapag naiisip niya ang kaniyang mga katrabahong masayang kumakain ng sama-sama sa harap ng masasarap na pagkain habang siya, tanging inodoro at basurahan sa loob ng cubicle ang kasalo.

Noong araw na ‘yon, nang tuluyan nang nakaalis ang kaniyang mga katrabaho, agad niyang kinuha ang supot na naglalaman ng kaniyang pananghalian saka nagmadaling pumasok sa banyo.

Agad niyang ikinandado ang banyo saka sumalampak sa inidoro. Binuksan niya ang supot at nilantakan ang bitak-bitak na kaning bahaw saka isang itlog maalat.

Patapos na siyang kumain nang may biglang may kumatok sa cubicle na kinakainan niya. Dali-dali niyang itinapon sa basurahan ang natitira niyang pagkain saka binuksan ang pintuan ng cubicle.

“O, Sharlie, ikaw pala ang tao sa loob! Akala ko naman kung sino, ang tagal, eh, ihing-ihi na ako,” sambit ni Ibeth sa kaniya dahilan upang bahagya siyang mapakamot, “Teka, halika ka dito, may kanin ka sa buhok mo!” sambit nito at bahagyang tinanggal ang kanin sa kaniyang buhok saka na ito tuluyang pumasok sa nasabing cubicle.

Hinintay niya itong matapos upang balikan ang pagkaing nasa basurahan, hindi pa kasi sapat ang kaniyang kinain at tila nagugutom pa siya.

Maya-maya pa, lumabas na ito, agad-agad naman siyang pumasok muli upang tignan ang basurahan ngunit bigla siyang nalungkot nang makitang basa na ang naturang basurahan.

“Hindi mo naman kailangan kumain sa banyo dahil lang nahihiya ka sa ulam mo o natatakot kang kaawaan namin, pamilya na rin tayo dito, andito kami para tumulong sa’yo!” sambit nito na labis niyang ikinagulat saka siya hinila sa kaniyang upuan.

Laking gulat niya nang tumambad sa kaniya ang limpak-limpak na mga grocery items, isang kabang bigas at mga inumin.

“Huwag mong tipirin ang sarili mo masyado, tandaan mo, katawan ang puhunan natin sa trabaho!” ika pa ng isa niyang katrabaho dahilan upang ganoon na lamang bumuhos ang kaniyang luha.

Mangiyakngiyak niyang hinawakan ang mga naturang pagkain sa kaniyang lamesa.

“Ngayon lang ako nakakita ng ganitong karaming pagkain,” isip-isip niya.

Simula noon, lalo pang ginanahan magtrabaho ang dalaga. Upang may kasabay rin siyang kumain, nagpasiya ang kaniyang mga katrabahong magbaon na lang rin ng kanilang mga pananghalian nang sa gayon, makatipid din sila.

Hindi na muling kumain sa banyo si Sharlie simula noon. Labis ang kaniyang saya dahil sa wakas, mga tao na ang kasabay niyang kumain. Masaya, at tila walang harang na mga pader.

Madalas sa sobrang nais nating makatulong sa ating pamilya, labis nating natitipid ang sarili. Nawa’y buksan natin ang ating isip na ang katawan natin ang ating puhunan upang makapagbigay tulong sa kanila, kapag ito’y napagod at naabuso, makakadagdag ka pa sa pasanin ng iyong pamilya.

Advertisement