Inday TrendingInday Trending
Ang ‘Di Inaasahang Tagapagligtas

Ang ‘Di Inaasahang Tagapagligtas

Masigla ang kanyang anak na si Bryle nang makarating ito sa kanilang bahay.

“Ano’ng tinatago mo diyan sa likod mo? Siguro bagsak ka na naman sa pagsusulit niyo, ano?” Mataas kaagad ang boses niya nang komprontahin ang anak.

“Naku, ‘ma, hindi po! Mataas nga po ang nakuha ko sa test kaya pinuri pa ako ni Ma’am Melanie sa harap ng klase.” May pagmamalaki sa maliit na tinig ng kanyang walong taong gulang na anak.

Pinigilan naman ni Maring na mapangiti sa sinabi ng anak. Muli niyang inusisa ang bagay na itinatago nito.

“E ano nga kasi ‘yan?” Muling tanong niya sa anak.

Ngumiti ang bata bago dahan dahang inilabas ang bagay na tago tago nito.

Nang makita ni Maring ang tutang kipkip ng anak ay napalitan ng inis ang tuwang nararamdaman niya sa anak.

“Ano ba ‘yan, Bryle? Bakit mo naman iniuwi ‘yang maduming tuta na ‘yan dito? Paano kung may sakit ‘yan at mahawa pa tayo?” Galit na asik niya sa anak.

“E ‘ma, kawawa naman po! Mukhang iniwan lang ng may-ari sa kalye.” Malungkot ang mukha ng anak, habang haplos-haplos nito ang pobreng tuta.

“Naku, Bryle, sinasabi ko sa’yo, ibalik mo ‘yan sa pinagkuhanan mo, o kaya ay ipamigay mo. Ayokong may alaga tayong hayop dito sa bahay.” Matigas na sabi niya sa anak.

Walang hilig sa pag-aalaga ng hayop si Maring. Ayaw niya kasi ng makalat at madumi na bahay.

Nang lingunin niya ang anak ay agad na nahabag ang pusong ina niya sa anak na tila anumang oras ay luluha, habang nakatingin sa tuta.

“’Ma, ‘di ba po, sabi niyo, lagi akong tutulong kapag kaya ko? Kailangan po ng aso na ‘to ng matitirhan. Baka po mamat*y lang siya pag hindi natin siya inalagaan!” Humahagulhol na ang bata nang magsalita ito.

Naumid naman ang dila ni Maring. Tila napahiya, matagal na hindi nakapagsalita. Malubha rin itong nahabag sa anak. Kaya naman wala siyang nagawa kundi pagbigyan ang gusto ng nag-iisang anak.

“Sige.” Napipilitang pagsang-ayon nito sa anak. “Pero ayokong nandito ‘yan sa loob ng bahay natin. Mamaya, pag-uwi ng papa mo ay papagawaan natin ng bahay ‘yang tuta sa labas.”

“’Ma, Brownie po ang ipapangalan natin sa kanya.” Maningning ang mata ng bata nang muli nitong haplus-haplusin ang tuta.

“Oo na, Brownie na kung Brownie. Maghugas ka ng kamay mo at iwan mo na muna si Brownie sa bakuran. Gumawa ka na ng assignments mo para makakain na tayo pagdating ng papa mo.”

“Opo, ‘ma! Thank you po!” Yumakap pa sa kanya ang anak bago nagtatakbo papasok ng bahay.

Napailing na lamang siya. Hindi niya talaga kayang tiisin ang anak.

Papasok sa siya ng bahay nang maramdaman niya ang mabining pagdila ng tuta sa kaniyang tsinelas. Sa inis ay sinipa niya ito, dahilan upang mag-iiyak ang tuta. Binigyan niya ito ng nandidiring tingin bago pumasok sa loob ng bahay.

Kailangan kong makagawa ng paraan para mawala ang asong iyon. ‘Yun ang tumatakbo sa kanyang isip habang naghahanda siya ng hapunan.

Sa lumipas na mga araw, mas lalong napalapit ang loob ng kanyang anak sa aso, na araw araw nito kalaro, bagay na ipinag-alala ni Maring.

Plano niya kasing iligaw ang aso upang mawala na ito.

Naaawa siya sa anak subalit hindi niya talaga maatim na may alagang hayop sa bahay, dahil sa tingin niya ay nakapandidiri ang aso, at matrabaho itong alagaan. Ayaw niya ng karagdagang trabaho, at stress, dahil sumusubok sila ng kanyang asawa na magkaroon ng pangalawang anak.

Ayaw niya lang ipaalam ang saloobin sa anak dahil alam niyang iiyak na naman ito.

Isang araw ay isinakatuparan niya ang maitim na balak.

Alas kwatro pa lamang ay gumising na siya at dinala ang aso sa isang bakanteng lote na may kalayuan sa kanilang bahay.

Nang iiwan niya na ang aso ay narinig niya pa ang impit nitong pag-iyak, na tila may isip ito at hindi gustong maiwan sa madilim na lugar na iyon.

Nakadama siya ng mumunting awa, na agad niyang isinantabi at walang lingon likod na naglakad papalayo.

Naghahanda na siya ng almusal nang makarinig siya ng mahinang pagtahol sa kanilang bakuran.

Siguro nagkamali lang ako ng rinig, dahil sanay na ako kay Brownie. Sa isip isip niya.

Nang muling madinig ang pagtahol ay lumabas siya, at laking gulat niya nang makita ang tuta sa labas ng bahay.

“Mukhang kailangan ko pa mag-isip ng ibang paraan para idispatsa ang asong ‘yun.” Inis na bulong niya sa sarili, habang minamasahe ang sentido na nagsisimula na namang sumakit.

“Bibisita nga ako sa dok—” Bago pa niya matapos ang sinasabi ay nakaramdam siya ng pagkahilo, at agad na binalot na ng kadiliman ang kanyang kamalayan.

Nang magmulat siya ng mata ay pawang puti ang kaniyang nakita.

Nadinig niya ang pamilyar na kahol ni Brownie, at sa tabi nito ay ang kaniyang anak na naalimpungatan sa pagkakahimbing.

“Mama!” Nanlalaki ang mata nitong tumakbo papalapit sa kanya.

“Mama, bakit po kayo nahim*atay?” Umiiyak na tanong ng kanyang anak.

“Okay na ako, anak, ‘wag ka nang umiyak.” Pinunasan niya ang luha sa mga pisngi ng anak.

Bumukas ang doktor at kasunod nitong pumasok ang kanyang asawa.

“Mahal!” Anito nang makita siyang may malay na.

“Dok, ano hong nangyari sa akin?” Tanong niya agad sa doktor, habang piping humihiling na sana wala siyang malubhang karamdaman.

“Ang nararamdaman niyo hong pagkahilo ay normal lamang para sa mga nagdadalantao.”

Napamulagat si Maring. “Ho?”

“Mahal, buntis ka! Sa wakas, magkakaroon na ng kapatid si Bryle!” Masayang kumpirma ng kaniyang asawa sa kanyang narinig mula sa doktor.

Napaluha naman si Maring sa magandang balita. Halos magtatatlong taon na din kasi sila sumusubok na magka-baby. Sa wakas ay natupad na ang matagal nilang ipinagdarasal.

“Wow! Magkakaroon na ako ng kapatid!” Nagtatatalong sigaw ni Bryle, bakas ang galak sa mga mata nito.

“Oo, magkakaroon ka na ng kapatid.” Natatawang sabi ng doktor sa kanyang anak. “Magpasalamat ka kay Brownie dahil iniligtas niya ang mama mo at kapatid mo.” Dagdag ng doktor.

“Ano hong ibig niyong sabihin?” Naguguluhang tanong ni Maring sa butihing doktor.

“Mahal, kasi nung mahim*atay ka, walang tigil na kumahol si Brownie, na parang humihingi ng saklolo. Kaya naman nagising ang kapitbahay natin at nakita kang nakahandusay sa bakuran. Kaya naisugod ka agad namin sa ospital.” Paliwanag ng asawa niya.

“Mabuti na lamang at mabilis na rumesponde si Brownie, dahil kung hindi ay baka hindi natin naisalba ang baby, at maging ikaw mismo, misis.” Dagdag ng doktor.

Sa narinig ay tila kinurot naman ang puso ni Maring. Naalala niya ang mga masasamang bagay na ginawa sa pobreng aso. Hindi niya namalayan na lumuluha na siya.

“Naku, misis, ‘wag ho kayong umiyak, makakasama ho ‘yan sa baby.” Paalala ng doktor.

Sising-sisi si Maring hindi pag-aalaga ng mabuti kay Brownie. Ito pa pala ang magliligtas sa kanya, kahit na hindi niya ito pinahalagahan.

“Salamat Brownie, utang ko sa’yo ang buhay namin ni baby. Babawi ako sa’yo.” Tumingin siya sa aso na kalong-kalong ng kaniyang anak.

Kumahol naman ang aso bilang pagsagot, bagay na ikinangiti ni Maring.

Nang makauwi si Maring mula sa ospital ay agad niyang pinagawaan ng bahay si Brownie sa loob ng bahay, bagay na ikinatuwa ng kaniyang anak.

Siniguro niya din na may sapat na bitamina, pagkain, at kung ano-ano pa ang pinakamamahal nilang aso na itinuring nilang miyembro ng kanilang pamilya – ang superhero na nagligtas sa kanya sa tiyak na kapahamakan, si Brownie.

Advertisement