
Puwede Bang Tayo na Lang Ulit?
Bukas na ang kasal ni Stephanie sa lalaking ipinagkasundo sa kaniya ng kaniyang mga magulang at habang siya ay nagpapalipas ng oras sa paborito niyang tambayan ay isang hindi inaasahang nilalang ang bigla na lang sumulpot sa kaniyang harapan, ang lalaking buong puso niyang minahal noon ngunit bigla na lang naglaho na parang bula kung kailan niya ito kailangan.
“Anong kailangan mo? Sa pagkakaalam ko ay wala na tayong dapat pag-usapan. Kung inaalala mo ang nangyari noon wala kang dapat na ipag-alala. Tapos na iyon. Nakaraan na. Kinalimutan ko na,” walang ganang pahayag ng dalaga.
“Talaga bang magpapakasal ka sa kaniya kahit hindi mo siya mahal?” tanong ni Lander. Aminado ang lalaki na malaki ang kasalanan niya sa dalaga. Nasaktan niya ng sobra si Stephanie. Ngunit kung bibigyan siya ng pagkakataong baguhin ang nakaraan ay pipiliin pa rin niya na iwan ang kaniyang nobya. Dahil labis niya itong mahal. Mas mahalaga si Stephanie kaysa sa sarili niyang buhay.
“At paano ka nakakasiguro na hindi ko siya mahal? Limang taon na ang nakalipas. Sapat na ang panahong iyon para muling buksan ang aking puso sa iba. Para kalimutan ka. Para magmahal ng taong mas karapat-dapat na pagbigyan ng aking puso,” tugon ni Stephanie.
Sigurado si Lander na hindi mahal ni Stephanie ang kaniyang mapapangasawa. Kilalang-kilala niya ang dalaga. Mas alam niya ang saloobin nito kaysa sa magulang ng babae. Kapag nagmahal si Stephanie ibinibigay niya ang puso niya ng buong-buo at permanente niyang itinatatak ang pagkatao ng kaniyang minamahal sa kaniyang sistema. Hindi niya ito pinakakawalan ng basta-basta kahit gaano pa siya nito nasaktan. Sa lalim ng sugat na iniwan ni Lander sa dalaga hindi na nakapagtataka na sumang-ayon itong magpakasal sa taong hindi naman nito mahal makalimutan lang ang lalaking tunay na nagmamay-ari ng kaniyang puso.
“Nagbalik na ako. Hindi na ako aalis na hindi ka kasama. Hindi ba puwedeng tayo na lang ulit?” nagsusumamong pakiusap ni Lander.
“Sabihin na nating may pagmamahal pa rin akong natitira para sa’yo. Mas nangingibabaw pa rin ang galit sa puso ko nung iniwan mo ako. Buntis ako nung bigla ka na lang nawala! Sa sobrang pag-aalala ko na baka kung napano ka na, sa sobrang pag-iisip ko sa kung ano ba ang nagawa kong kasalanan at basta mo na lang akong iniwan, sa sobrang pagdaramdam ko na mukhang ako lang ang nagmahal sa ating dalawa, napabayaan ko ang sarili ko. Nalagay sa alanganin ang buhay ko. Nawala ang bata sa sinapupunan ko! Malalim ang pagkakaturok mo ng kutsilyo sa puso ko! Sabihin mo sa akin. Paano ko maaatim na makipagbalikan sa’yo gayong nagdurugo pa rin ang sugat na iniwan mo?” mangiyak-ngiyak na pag-amin ni Stephanie.
Alam ni Lander na masasaktan niya ang kaniyang nobya nung iniwan niya ito ng walang pasabi. Ngunit mas malalagay sa peligro ang buhay ng dalaga kung isasama niya ito sa kaniyang pag-alis. Kaya kahit na masakit sa kaniyang kalooban ay napagdesisyunan niyang magpakalayo na lang muna kasama ang kaniyang pamilya hangga’t wala pang kasiguraduhan ang kanilang kaligtasan. Gayunpaman ay nagtiwala siya sa kanilang pagmamahalan at umasa siya na kapag maayos na ang lahat ay mayroon pa siyang babalikan. Hindi niya inasahan na dahil sa kaniyang pag-alis ay nalagay pa rin sa peligro ang buhay ng kaniyang minamahal. Maliban pa doon ay nawala sa kanila ang bunga ng kanilang pagmamahalan.
“Mukhang hindi ko na mababago ang isip mo. Sana ay mahalin ka niya ng higit pa sa pagmamahal ko. Sana ay maging masaya ka sa piling niya. Sana ay hindi ka niya saktan tulad ng ginawa ko sa’yo. Patawad, Stephanie. Habang buhay kong dadalhin ang sakit na idinulot ng naging desisyon ko. Pero hinding-hindi ko pagsisisihan ang ginawa kong pag-iwan sa’yo. Sana ay paniwalaan mo ako. Ayaw kong saktan ka. Iniwan kita dahil labis ang pagmamahal ko sa iyo,” malungkot na saad ni Lander bago siya tuluyang namaalam sa dalaga.
Ilang linggo nang namamalagi si Lander sa Palawan. Dumiretso ang lalaki sa paboritong lugar nila ng dati niyang kasintahan matapos ng kanilang pag-uusap. Araw-araw pinagmamasdan ng binata ang paglitaw at paglubog ng araw sa may dalampasigan habang ginugunita niya ang mga masasayang alaala nila ni Stephanie. Sa bawat alaalang sumasagi sa kaniyang isipan ay hindi niya mapigilan ang tuloy-tuloy na pagtulo ng kaniyang mga luha. At kadalasan ay nakakatulugan na niya ang kaniyang pag-iyak kung saan dinadala siya ng kaniyang diwa sa isang masayang panaginip kasama ang babaeng isinisigaw ng kaniyang puso. Sa kasawiang palad, tuwing imumulat niya muli ang kaniyang mga mata, ang ilusyon ni Stephanie ang palagi niyang nakikita. Nanunumbalik ang labis na kalungkutan na kaniyang nararamdaman.
“Oo na. Alam kong kailangan ko nang gumising. Ilusyon ka lang. Hindi totoong kasama kita ngayon,” bulong ni Lander sa kaniyang sarili matapos niyang magising sa kaniyang pagkakatulog.
“Hindi ka namamalik-mata. Ako ‘to, Lander. Sabi ko na nga ba, dito lang kita matatagpuan, eh,” saad ni Stephanie.
Hindi pa rin makapaniwala ang binata sa kaniyang nakikita. Nasa kaniyang harapan ang babaeng kaniyang sinisinta. “Anong ginagawa ni Stephanie rito? Nasaan na ang asawa niya?” tanong ni Lander sa kaniyang sarili.
“Umatras ako sa kasal. Nabalitaan ko sa mga dati nating kaklase kung ano ang nangyari sa’yo. Bakit hindi mo sinabi sa akin ang dahilan kung bakit bigla ka na lang nawala nung huli tayong nagkita? Bakit hindi mo sinabi sa akin na tumiwalag sa sind*kato ang kapatid mo? Na napilitan kayong mag-alsa balutan, na hinahabol kayo ng sindikato dahil tumestigo laban sa kanila ang kapatid mo? Bakit hindi mo ipinaalam sa akin na nawala ang buong pamilya mo nang isinuplong kayo ng isang traydor na pulis sa mga taong gustong kitil*n ang inyong buhay? Bakit hanggang sa huli ay sinasarili mo ang lahat ng problema? Wala ba talaga akong silbi sa buhay mo? Kung talagang mahal mo ako dapat ibinabahagi mo sa akin ang lahat ng pinagdaraanan mo! Dapat katuwang mo ako sa pagharap sa lahat ng problema mo! Dapat magkasama nating susuungin ang bawat pagsubok na darating sa buhay natin!” sigaw ni Stephanie kay Lander habang humahagulgol ng iyak. Hindi na niya napigilan ang kaniyang damdamin na ilang linggo din niya kinimkim habang hinahanap niya ang pinagtataguan ng lalaki.
Nang mahimasmasan na si Stephanie ay malambing niyang tinitigan si Lander. “Salamat sa Diyos at nakaligtas ka sa kapahamakan. Huwag mo na akong iiwan ulit, ha? Ayoko nang mabuhay kung wala ka. Hindi ko na kakayanin pa ang mawalay sa piling mo.”
Sunud-sunod na tango ang tanging naging sagot ng binata.
Kahit sigurado na si Lander na hindi isang ilusyon ang kaniyang nakikita ay hindi pa rin siya makapaniwala na kasama na niya ulit si Stephanie. Ang akala niya ay tuluyan nang nawala sa kaniya ang dalaga. Handa na sana niyang tanggapin na habang buhay na siyang mamumuhay sa kalungkutan ngunit may ibang plano ang tadhana. Ang lahat ng pagdurusang kaniyang naranasan ay napawi lahat ng mahigpit na yakap at mainit na halik ng babaeng nagmamay-ari ng kaniyang puso.
“Hindi ako nananaginip, ‘di ba? Talaga bang tayo na ulit?” paninigurado ni Lander. “Magkasama nating isasakatuparan ang ating mga pangarap. Magkasama nating haharapin ang bawat bukas. Magkasama nating lulutasin ang bawat problema. Walang iwanan. Habang buhay tayong magsasama at magmamahalan,” masayang pahayag ni Stephanie sa kaniyang kasintahan.