“Anak, Henry, hindi magagalit si mama kung magsasabi ka ng totoo. Kinuha mo ba ‘yung pera sa pitaka ni mama?” mahinahong tanong ni Aling Fatima sa kaniyang bunsong anak.
“Kasi, mama, gusto ko lang naman bumili ng pagkain. Sabi kasi ni Aling Benya ay isasara na raw lahat ng kalsada pati mga palengke tapos wala na raw lahat,” sagot ng batang si Henry, walong taong gulang.
“Anak, ‘wag ka masyadong magpapaniwala sa mga sinasabi ng mga kapitbahay natin. Hindi naman totoo ‘yun, hindi ‘yun ang sinabi ng presidente natin. Basta ang sabi niya lang ay hindi muna papasok ang mga may trabaho at wala munang mga sasakyan,” paliwanag ni Aling Fatima.
“Paano na ‘yan, mama, paano tayo makakapagbenta ng mga mani kung wala ng mga andar ang jeep tapos bawal na tayo lumabas? Paano na tayo, mama?” malungkot na saad ni Henry sa kaniya.
“Matatapos din ito, anak. Magtiwala ka lang at makakaraos din tayo. Pero ‘wag mong ibahin ang usapan, lagi mong tatandaan na masama ang pangungupit o pagkuha ng kahit na ano na hindi sa’yo. Kaya ayaw ko nang maulit pa ‘yung ginawa mo kanina, ha? Naiintindihan mo ba ako?” paliwanag muli ni Aling Fatima sa bata. Tumango naman si Henry tsaka ito humingi ng tawad sa kaniya.
Bitbit ni Aling Fatima noon ang isang sakong pag-asa na rito makakaahon sa Maynila kaya naman nakipagsapalaran sila ng kaniyang anak. Ngunit, mabilis na naubos ang kaniyang pag-asa dahil sa hirap ng kanilang buhay rito. Mas mahirap pa sa daga ‘ika nga. Naranasan na din niyang magpulot ng pagkain sa basura may maipanglaman lamang sa sikmura.
“Fatima, ano nang gagawin natin ngayon? Tang*nang buhay ‘to! Mamamat*y tayo nito sa gutom, wala akong pera, tapos hahabulin pa tayo ni Piyo sa utang. Bwisit talaga!” galit na galit na salubong ni Mang Randy, ang bagong kinakasama ng ale.
“Anong magagawa natin, gobyerno na ang naglabas ng utos. Hayaan mo, makakautang naman tayo niyan sa iba,” sagot ni Aling Fatima rito. Kabado man ngunit nilalakasan na lamang niya ang kaniyang loob kahit na siya ay natatakot din sa community quarantine na pinalabas ng presidente.
Ilang araw palang ang nakakalipas at nararamdaman na nila Aling Fatima ang hirap. Walang nagpapautang sa kanila at kailangan din nilang magtago para sa mga naniningil sa kanila. Dahil sa ilalim ng tulay lamang nakatira ay hindi rin sila naabutan ng kahit anong tulong.
“Basta, papasukin ko ‘yung grocery roon sa kabilang kanto. Tang*na, hindi masama ang magnakaw lalo na sa ganitong panahon!” galit na galit na saad ni Mang Randy sa kaniya.
Napapailing man ngunit hindi na rin matiis ng ale ang kumakalam nilang sikmura. Tatlong araw na silang asin ang ulam at ubos na rin ang bigas nilang imbak. Wala na rin silang gasul at wala nang pwede pang maluto.
“Basta, ngayon lang natin gagawin ito. Kuhanin mo lahat ng makukuha mo, aabangan kita para ako ang magtitingin kung may tao o wala,” sagot ni Aling Fatima.
Tatayo na sana ang dalawa ngunit napahinto ito nang makita niyang nakikinig pala si Henry sa kanilang usapan.
“Nay, sabi niyo, masama ang magnakaw? Bakit niyo gagawin? Huwag niyo na lang po akong pakainin, ‘wag lang kayong magnakaw, ‘nay,” umiiyak na wika ni Henry sa kaniya.
“Bahala ka riyan sa buhay mo! Basta ako, kukuha ako ng pagkain, bahala kayong mag-ina mag-iyakan diyan!” baling naman ni Mang Randy.
“Anak, kasi, ano,” putol-putol na wika ng ale.
“Sabi niyo magtiwala lang tayo, bakit kayo magnanakaw? Ibig sabihin ba nun, mama, pwede na ako magnakaw rin?” pahayag ni Henry sa kaniya.
“Hindi, anak, hindi,” sagot ni Aling Fatima at naiyak na lamang ito. Hindi niya alam ang kaniyang nararamdaman dahil pinalaki niya sa mabuting asal ang anak na si Henry kahit nga gaano pa kahirap ang buhay ngunit dahil sa takot na baka bukas makalawa ay lamunin na sila ng gutom kaya naiisip niya ang mga ganitong bagay.
Kinagabihan ay hindi sumama si Aling Fatima sa balak ni Mang Henry at dinaan na lamang niya sa dasal ang nararamdamang gutom.
“Ma, may pagkain na tayo!” saad ni Mark sa kaniya habang ginagising ito. Pupungas-pungas pa man ngunit nakita kaagad ng ale ang balot ng bigas at ilang mga delata.
“Saan galing ‘yan, anak?” gulat na tanong nito.
“May namimigay po roon sa labas, sabi naman sa’yo, mama, magtiwala ka lang. Hindi natin kailangan magnakaw,” masayang wika ni Henry at niyakap siya.
Mahirap nga siguro ang kanilang buhay ngunit ngayon niya nakita na hindi naman siya nagkulang sa pagpapalaki ng tama sa kaniyang anak. Kaya naman dapat siya rin mismo ay gumawa ng tama. Dahil ang pagnanakaw ay hindi kailan man magiging mabuti sa mata ng Diyos.