Inday TrendingInday Trending
Tutol Masyado si Ama

Tutol Masyado si Ama

Hindi makasundo ni Ross ang kaniyang amang si Fernan. Bata pa lamang kasi ang binata ay mahigpit na ang pagtutol ng kaniyang ama na mapalapit siya sa musika. Sa tuwing nalalaman ni Fernan na tumutugtog ang kaniyang anak lalo ng gitara ay agad niya itong pinapatigil.

“Hindi bagay sa’yo ang gitara o kahit anong uri ng instrumento. Bakit hindi ka na lamang sumubok ng kahit anong isports, sayang ang pangangatawan mo. Baka mamaya ay makakuha ka pa ng iskolarship sa magandang unibersidad,” sambit ng ama.

“Ngunit masaya ako sa musika, papa. Ito ang gusto kong gawin,” paliwanag ni Ross.

“Tama na ang usapan na ito. Basta hindi ka tutugtog ng kahit anong instrumento simula ngayon,” giit ng ama.

Matagal nang namayapa ang ina ni Fernan kaya naiwan na lamang sila ng kaniyang bunsong kapatid na babae sa pangangalaga ng kanilang ama. Dahil bata pa silang magkapatid masyado noon ay ang tanging natatandaan lamang nilya ay namayapa ito dahil sa isang matinding karamdaman. Ito din ang sinasabi ng kanilang mga kamag-anak.

Sa tuwing nagtatalo ang mag-ama ay ganoon na lamang ang pagka-miss ni Ross sa kaniyang ina. Sa tingin kasi nito ay susuportahan siya ng ina sa kaniyang hilig.

Lubusan ang sama ng loob ni Ross sa kaniyang ama. Kaya sa kaniyang paglaki ay palihim na lamang siyang tumutugtog ng gitara. Sa katunayan nga, lingid sa kaalaman ng kaniyang ama na kasali siya sa banda ng kaniyang pinapasukang unibersidad.

Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag. Sa tagal ng kaniyang pagtatago sa ama ay nalaman din nito ang sikreto ng anak.

“Binabati kita, Fernan,” sambit ng isa niyang kumapre. Malaki namang pagtataka ang naging sagot ng ginoo.

“Napanood ko kagabi ang mini-concert sa unibersidad na pinapasukan ng mga anak natin. Wala ka ba kagabi? Napakagaling tumugtog ng anak mo. Wala pa akong nakitang ganoong kagaling sa kaniyang edad,” patuloy nitong pagkukwento.

Hindi pa tapos sa paglalahad ang lalaki nang biglang umalis na si Fernan upang umuwi ng bahay. Doon ay nadatnan niya ang anak na si Ross na paalis ng bahay papasok ng paaralan.

“Kailan ka pa nagsisinungaling sa akin, Ross?” galit na sigaw ni Fernan.

“H-hindi ko po alam ang sinasabi niyo, pa. Ano pong nagsisinungaling?” pagmamaangmaangan ni Ross.

“Tumigil ka na sa pagbabalatkayo mo, Ross. Alam ko na ang lahat. Tumutugtog ka pala sa eskweklahan n’yo? Hindi ba sinabi ko na sa’yo na walang gandang idudulot ang pagtugtog mo na ‘yan? Bakit hindi mo na lang ituon sa pag-aaral ang sarili mo?! Simula ngayon ay ititigil mo na ‘yang kalokohan mo na ‘yan! Walang musikero sa loob ng tahanang ito!” halos mapatid ang ugat ni Fernan sa pagsigaw sa kaniyang anak.

“Kung ganon ay hindi na ako nakatira sa bahay na ito. Aalis na ako, pa. Tutal bata pa naman ako ay ayaw n’yo na sa lahat ng ginagawa ko. Minsan nga naiisip ko baka hindi nyo talaga ako tunay na anak dahil sa trato n’yo sa akin,” tugon na pabalang ng binata.

“Kaya ngayon, pa. Mawawalan na kayo ng sakit sa ulo. Aalis na ako sa pamamahay na ito. Kaya kong buhayin ang sarili ko!” pagmamalaki pa ni Ross.

“Kung ‘yan ang tingin mo, sige, umalis ka at hindi kita pipigilan. Ngunit tandaan mo kapag nasira ang buhay mo sa pagbabanda ay huwag mo sabihing hindi kita binalaan,” wika ni Fernan.

Tuluyan na ngang lumayas ng kanilang tahanan si Ross. Pakiramdam niya ay nakalaya na siya sa paghihigpit ng kaniyang ama. Upang matustusan ang kaniyang pag-aaral ay nagbanda ito tuwing gabi. Tumutugtog siya sa mga bar kasama ang kaniyang mga kabanda.

Hindi nagtagal ay hindi na rin kinaya ng katawan ni Ross ang pagtatrabaho sa gabi dahil lagi siyang puyat. Dahil nga gusto niya ang kaniyang ginagawa ay mas pinili niya ang pagbabanda at huminto na sa pag-aaral. Tutal pagkatapos niya sa kolehiyo ay ito rin naman ang nais niyang gawin. Inisip na lang niya na mas napaaga.

Ilang taong hindi nagparamdam si Ross sa kaniyang pamilya. Wala na rin siyang balita. Dahil na rin sa kaniyang mga nakakasalamuha ay unti-unti na rin siyang naimpluwensyahang uminom at hindi naglaon ay nakatikim na rin siya ng droga.

Isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang kapatid.

“Kuya, uwi ka na. Si papa…” wika ng kapatid.

“Wala na akong ama. Matagal ko ng kinalimutan ang tatay natin. Para sa akin ay matagal na siyang namayapa kagaya ni mama,” pagmamatigas ni Ross.

“Kuya, huwag ka namang ganyan. Pumunta ka na rito bago mahuli ang lahat. May kailangan ka rin malaman,” muling paanyaya ng kapatid.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin kay Ross ay matigas ang kaniyang puso. Nakalipas ang ilan araw at nabalitaan niyang binawian na ng buhay ang kaniyang ama. Dahil na rin sa pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot ay natiklo siya ng mga pulis. Nang malaman agad ito ng kapatid ay agad siyang pinuntahan.

“Ano na ang nangyari sa buhay mo, kuya?” umiiyak na sambit ng kapatid. “Hindi ko akalain na dito tayo muli magkakatagpo. Wala na si papa,” patuloy ito sa paghagulgol.

“Wala akong pakialam sa kaniya. May pera ka ba d’yan? Piyansahan mo naman ako,” sambit ni Ross sa kapatid.

“Kuya, hindi pwedeng piyansahan daw ang kaso mo. Pero ihahanap kita ng abugado,” tugon ng dalaga. “Ito na nga ang kinakatakot ni papa,” patuloy pa niya.

“Pwede ba? Itigil mo na ngang banggitin siya sa usapan natin! Sinabi nang kahit anong mangyari sa kaniya ay wala na akong pakialam! Wala akong ama!” giit ni Ross.

“Tumigil ka, kuya! Kailangan mong malaman ang totoo!” sigaw ng kapatid niya. “Ginawa ni papa ang lahat upang ilayo ka sa pagbabanda dahil takot siyang pumares tayo sa tunay nating ama!” pag-amin ng dalaga.

“Oo, hindi niya tayo tunay na anak. May unang asawa ang mama natin bago niya ito nakilala. Musikero rin ito at lulong sa ipinagbabawal na gamot. Hiniwalayan ito ng mama natin dahil sa masasama niyang ginagawa ipinagbubuntis pa lamang niya ako. Kaya si Papa Fernan na ang kinagisnan nating ama. Naging tatay s’ya sa akin kahit hindi niya tayo tunay na anak. Kinupkop niya at minahal niya tayo na parang sarili niya,” paglalahad ng dalaga.

“Alam mo ba paano nawala ang mama? Kinit*lan siya ng buhay ng ating sariling ama saka nito kin*til ang sarili niyang buhay dahil wala na siya sa kaniyang katinuan! Lahat ng ito ay inilihim niya sa atin upang mabuhay tayo ng normal! Kaya huwag na huwag kang magsasalita ng masama sa kaniya!” sambit niya.

Laking gulat ni Ross sa kaniyang narinig. Tila binuhusan siya ng malamig na tubig at bigla niyang napagtanto ang lahat. Laking sakit pa ng kaniyang damdamin na hindi na siya makakahingi pa ng kapatawaran sa lalaking tumayong kaniyang ama sapagkat huli na ang lahat.

Naliwanagan siya at nang makita niya kung ano ang kinalalagyan niya ngayon, laking pagsisisi niyang hindi na lamang siya sumunod sa kaniyang ama.

Advertisement