“Hay naku! Nag-aaral pa pero may boyfriend na? Pustahan tayo ay maagang mabubuntis ‘yang anak niya o! Kapares sa kaniya na nabuntis ng tambay lang diyan sa kanto,” malakas na kwento ni Rosalinda sa harap ng kanilang tindahan nang araw na iyon. Dumaan kasi sa harap nila ang dalagang si Lyn kasama ang ina at gwapo nitong nobyo. Kilalang masipag ang batang iyon sa pag-aaral, ngayong may nobyo pa itong gwapo ay ewan ba ay kung ano-ano na kaagad ang nasasabi ng mga tsismosa sa kanilang barangay.
“Tapos iyan pang si Myrna mga kumare? Naku! Niloloko na ng asawa ay ayaw pa ring makipaghiwalay. Aba’t isa’t kalahating ta*nga rin eh no?” pairap na sabi pa ni Rosalinda sa mga kapitbahay ng nakatanghod at sumasang-ayon lang sa lahat ng sasabihin niya. Kumbaga, siya kasi ang pinaka-reyna sa kanilang lahat dahil siya ang walang takot at walang preno sa pagsisimula ng mga tsismis sa kanilang barangay. Lahat ay napupuna niya, walang nakakatakas sa talas ng kaniyang mata at tabil ng kaniyang dila.
Kinagabihan pagdating ng kaniyang anak na binata mula sa eskwela, malungkot nitong ibinalita sa kaniya na mababa ang iskor na nakuha nito sa isa nitong pagsusulat. Agad nakatikim ng ratrat ito sa ina.
“Aba Angelo! Pag-aaral na nga lang ang inaatupag mo ay sesemplang ka pa? Hindi ko matatanggap ‘yan, siguraduhin mong makakahabol ka ha! Inutil na ‘to!” Ang malakas na pagsermon ng ina ang naabutang eksena ng kaniyang mister na noon ay kauuwi lang din mula sa trabaho.
“Rosalinda! Aba’y kung makaduro ka naman diyan sa bata ay wagas,” mahinahon ngunit madiing wika ni Dindo sa asawa.
“Naku! Dumagdag pa ang kunsintidor na ito. Oh katapusan ngayon, nasaan ang sweldo mo aber?” nakapamaywang na sabi ni Rosalinda sa asawa. Si Angelo naman ay nakayukong pumasok na sa kaniyang kwarto upang makaiwas sa masasakit na salita ng ina. Agad namang inabutan ng pera ng mister ang misis. Nang bilangin iyon ni Rosalinda ay katulad ng inaasahan ay nagreklamo na kaagad ito.
“Eto lang?! Ano ba naman ‘yan, Dindo! Eh mabuti pa yung kumpare mong construction worker ay mas malaki ang naiiintrega sa kumare ko. Tapos ikaw? Ito lang ang sweldo mo?” patuloy na ratrat ng misis sa mister. Nang mapuno ang mister sa reklamo at pangungumpara ng misis ay nauwi na naman sila sa pagtatalo.
“Ikaw, Rosalinda! Kada bubuka iyang bibig mo ay puro reklamo at tsismis ang lumalabas. Tingnan natin kung saan ka dadalhin niyan!” sigaw nito at saka lumabas ng bahay. Hindi naman nagpatalo ang misis sa sigawan, kaya sinundan niya pa ito ng mga insulto hanggang makalabas ng pintuan.
Ganito madalas ang eksena sa bahay nina Rosalinda ngunit hindi napapansin ng ginang na lubos nang naaapektuhan ng kaniyang pagiging matabil ang dila ang kaniyang pamilya. Wala siyang pakialam dahil katwiran niya ay karapatan niya iyon bilang isang ina at asawa. Hindi nakikita ni Rosalinda ang mali sa kaniyang gawi ngunit isang araw ay tadhana na ang kumilos upang turuan siya ng leksyon.
Umuwing b*gbog sar*do ang kaniyang anak na si Angelo isang gabi, bitbit ito ng isang nagpupuyos na lalaki. Kasunod ng lalaki ay ang isang babae na tila ba asawa nito at anak na babae na walang tigil sa pag-iyak. Naeeskandalong lumabas si Rosalinda ng tindahan nang marinig ang komosyon sa labas.
“Itong anak mo! Kailangan niyang panagutan ang dinadala ng anak ko! Kung hindi ay talagang tutuluyan ko ‘yang tarant*dong iyan!” galit na galit na sabi ng lalaki. Nakaluhod naman si Angelo sa harap ng ina at umiiyak na humingi ng tawad. Dahil sa galit at pagkapahiya ay nakatikim pa ito ng sapok sa ina. Naayos din ang lahat nang wala nang nagawa si Rosalinda kung hindi pumayag sa gusto ng pamilya ng dalagitang nabuntis. Puro masasakit na salita ang pinatikim ng ina sa anak dahil dito.
May kasunod pa pala ang dagok na ito sa kanilang pamilya. Nahuli lang naman ni Rosalinda ang asawa sa isang bar na mayroong kasamang ibang babae! Galit na sinugod niya ng sabunot ang babae at matagal bago siya naawat ng lasing na asawa at mga gwardiya doon.
Pagdating sa tahanan ay pinaulanan ni Rosalinda ng mura at banta ang asawa. Nagpaliwanag ang asawa na boss nito ang kasama at nagkakamali ng iniisip si Rosalinda ngunit hindi na nakinig ang ginang at bunganga na lang ang pinagagana.
“Tama na, Rosalinda! Sawang-sawa na ako sa bunganga mo! Tingnan mo nga ang nagyari sa pamilya natin dahil sa walang humpay mong sermon! Ni hindi ka man lang maringgan ng mabubuting salita, nakakapagod ka!” Hindi naman nagpatalo si Rosalinda at akmang sasagot pa nang makaramdam ng paninikip ng dibdib.
Agad itong isinugod sa ospital at napag-alamang nagkaroon ito ng mild na atake sa puso. Bilang resulta ay namanhid ang dila nito pati na ang kaliwang bahagi ng mukha. Hirap na itong magsalita at hindi rin makanguya ng maayos. Dahil walang nasabing maganda sa mga kapitbahay ay iyon din ang naging sukli kay Rosalinda. Siya naman ngayon ang naging tampulan ng tsismis na dati siya ang pasimuno.
Sa kabila ng lahat ng hinanakit ng pamilya ay inalagaan pa rin ng anak at mister ang ginang. Hindi katulad ng dati ay wala nang sermon ang maririnig dito, ang naiwan na lamang ay dalawang salita na lagi nitong sinasabi sa mag-ama.
“P-patawad.. sal-lamat..” paulit-ulit na sambit ng ginang.
Araw-araw ay inalagaan ng mag-ama ang ginang. Ilang araw lang ay nakapagbabantay na ulit to ito sa kanilang maliit na tindahan. Ngayon ay malaki na ang pinagbago nito. Hindi na bunganga ang pinaiiral bagkus ay lubos na ipinapakita na nito ang pagmamahal sa pamilya sa pamamagitan ng pagkilos. Sa yakap, ngiti, at paghahanda sa lahat ng pangangailangan ng mga ito ng walang reklamo.
Napagtanto ni Rosalinda na mali nga ang kaniyang ginagawa noon, ngunit binigyan siya ng Diyos ng isa pang pagkakataon na magpakita ng pagmamahal at pasasalamat sa pamilya, na hindi nagsawang alagaan siya kahit naging mapanakit siya sa kaniyang mga salita noon.