“Patawarin niyo po sana ako mamay at papay, buntis po ako,” humihikbing pag-amin ni Danna.
Nasa ika-apat na taon na siya sa kolehiyo at ilang buwan na lang ay magtatapos na siya. Kaso’y hindi sinasadyang nabuntis siya ng kaniyang boyfriend na si Arnel na parehas niya’y graduating na rin ng kolehiyo.
“Bakit Danna? Bakit naman ganito? Sinabihan ko na kayo ni Arnel ‘di ba, na saka na lang kapag natapos niyo na ang pag-aaral ninyo? Alam mo naman kung anong klaseng hirap ang ginagawa namin ng itay mo maitaguyod lamang namin ang pag-aaral mo. Tapos ito lang ang isusukli mo sa’min,” tumatangis na wika ni Sonya.
“Saan ba kami nagkulang, Danna?” tanging tanong ng kaniyang ama na halata sa boses ang pagkadismaya.
Magsasaka lamang ang kaniyang itay habang naglalabada naman ang kaniyang inay. Pero sinikap ng mga itong pag-aralin siya upang makapagtapos ng kolehiyo sa pagbabakasakaling siya ang magiging dahilan ng pag-ahon nila mula sa kahirapan. Tumutol noon ang mga ito ng ipakilala niya si Arnel, ngunit ,as nanaig ang pagiging mabuting magulang ng dalawa at tinanggap si Arnel, kabilin-bilinan ng mga ito na huwag munang gagawa ng bagay na pwede nilang pagsisihan. Ngunit heto siya ngayon.
“Sorry po. Pinapangako ko po sa inyo na hindi ito ang magiging hadlang sa pagtupad ko sa mga pangarap ko. Sana mapatawad niyo pa rin ako mamay at papay,” tumatangis na wika ni Danna.
Hindi na muling sumagot ang kaniyang mga magulang. Nagpatuloy sa pag-iyak ang kaniyang ina habang nanatiling tulala ang kaniyang ama.
Pinanghawakan ni Danna ang binitawang pangako sa mga magulang. Kahit nahihirapan sa paglilihi ay sinisikap niya pa ring pumasok sa eskwela. Hindi naman siya pinapabayaan ng kaniyang boyfriend na si Arnel. Kahit punong-puno siya ng libak sa mga kapwa estudyante ay hindi niya pinansin. Kahit anong mangyari ay sisikapin niyang matupad ang pangarap nila noon ng kaniyang mga magulang.
Mabilis na lumipas ang panahon at ga-graduate na nga si Danna bilang isang cum laude habang pitong buwan na siyang buntis. Kinausap siya ng kaniyang adviser upang tanungin.
“Ayos lang ba talaga sa’yo Danna ang umakyat ng stage na may malaking tiyan? Hindi ka ba nahihiya o natatakot man lang na baka pagtawanan ka ng kapwa mo estudyante?” nag-aalalang tanong ni Ma’am Melba sa kaniya.
“Simula po noong nalaman kong buntis ako ma’am ay nasanay na po ako sa mga mata nilang nakatingin sa’kin na may panghuhusga. Kaya ayos lang po kahit na hanggang sa pag-akyat ko’y husgahan pa rin nila ako. Ang mahalaga sa’kin ma’am ay ang tingin ng mga magulang ko, dahil lahat ng ginagawa ko’y para naman sa kanila,” mangiyak-iyak na wika ni Danna.
“Mabuti naman Danna, good luck,” wika ng adviser niya saka siya iniwan.
Araw ng graduation…
Dahil siya ang cum laude ay kinailangan niyang magbigay ng speech sa harapan.
“Nais ko pong pasalamatan ang lahat ng mga gurong tumulong sa’kin, kung hindi dahil sa inyo ay baka wala ako rito ngayon,” nakangiting simula ni Danna. “Ang pangalawa namang pasasalamatan ko’y ang aking mga magulang,” halos mapaiyak siya nang naalala niya ang labis na pag-iyak ng kaniyang mamay nung nalaman nilang buntis siya.
“Kung hindi dahil sa sakripisyo niyo ay baka hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo. Salamat dahil kahit minsan ko na kayong nabigo ay nagpatuloy pa rin kayong nagtiwala sa’kin, para po sa inyo ito may at pay. Sorry po at maraming-maraming salamat sa lahat,” mahabang pasasalamat niya sa mga magulang bago sinimulan ang speech sa harapan.
“Minsan na akong nabigo, hinusgahan at pinagtawanan dahil sa pagkakamali kong nagawa sa buhay. Pero hindi ko hinayaan ang lahat nang iyon para sumuko ako, bagkus ay ginawa ko silang inspirasyon para magpatuloy ako sa pangarap na gusto kong marating. Alam kong hindi pa dito nagtatapos ang buhay ko dahil ito pa lang ang simula ng paglalakbay ko sa totoong buhay. Pero nasisiguro kong kahit anong unos man ang dumating sa buhay ko’y hinding-hindi ako magpapatinag, bagkus ay magpapatuloy ako dahil alam kong sa kabila ng aking paghihirap, sa dulo’y naroon ang aking minimithing tagumpay,” mangiyak-iyak na wika ni Danna. Nagpalakpakan ang lahat ng tao sa buong paligid.
Katulad ni Danna, ilang ulit man tayong madapa sa buhay dapat alam rin natin kung paano bumangon. Lahat ng problema ay may solusyon. Ang problema ay isang hakbang upang maging mas matatag tayo at maging matapang. Gaya nga ng matandang kasabihan: Habang may buhay, may pag-asa.