
Kahit Kumakalam ang Sikmura
“Ano, Raul, game ka?”
Napalunok si Raul sa tanong na iyon ng kakikilala pa lang niyang kaibigang si Utoy. Katulad niya ay palaboy ito sa kalye. Simula kasi nang takasan ni Raul ang kaniyang mapagmalupit na tiyahin ay nagpalabuy-laboy na siya sa kung saan-saan. Katuwiran niya ay mas maganda nang ganoon, kaysa araw-araw ay nakatitikim siya ng sakit ng katawan sa kaniyang tiyahin, na siyang nag-alaga sa kaniya simula nang pumanaw ang kaniyang ama noong isang taon, dulot ng sakit na TB.
“Huwag kang kabahan, Raul. Ilang taon na rin naman naming ginagawa ito kaya sanay na sanay na kami. Hindi tayo mahuhuli!” nakangisi pang dagdag na pangungumbinsi ni Utoy sa binatilyong si Raul. Inaaya siyang sumama mamaya sa gagawin nilang pang-ii-snatch ng bag upang makakuha ng perang ipangtatawid gutom nila ng ilang araw.
Muli na namang narinig ni Raul ang matinding kalam ng kaniyang sikmura. Nasapo niya ang bahaging iyon ng kaniyang tiyan. Simula kahapon ay isang pirasong tinapay lamang na napulot niya sa basurahan ang kaniyang kinain at hanggang ngayon ay hindi na iyon na sundan pa. Kayaʼt labag man sa kaniyang kalooban ay napipilitang tinanguan ni Raul si Utoy.
“Ayos ʼyan! O siya, tara na. Umpisahan na natin agad para makakain na tayo pagkatapos,” sabi pa ni Utoy na tila walang kabagay-bagay lamang ang balak nilang isagawa. Napailing na lamang si Raul.
Nakapuwesto na sina Raul, Utoy at tatlo pa nilang kasabwat sa isang eskinita. Nag-aabang na sila ng mabibiktima.
“Tandaan ninyo, ang target natin ay ʼyong matatandang hindi na kayang humabol kapag tayoʼy tumakbo. Para sure ball na agad!” pagpapaalala pa ni Utoy sa kanila. Tahimik lamang na nakinig si Raul na ngayon ay nagdadalawang-isip na.
Maya-maya pa ay hayan na! May una na silang bibiktimahin. Paparaan sa kanila ang isang matandang may bitbit na bag. Nakapustura ito at tila may kaya, ngunit ang lakad nito ay mabagal na, dahil siguro sa kaniyang edad. Si Raul ang nakatokang sumalo ng bag kapag nai-snatch na ito ni utoy. Ipapasa naman niya ito sa isa pa nilang kasama upang itakbo iyon at nang hindi na mahabol pa ng biktima.
Mabilis ang mga pangyayariʼt agad nakuha ni Utoy ang bag ng matanda. Simbilis din ng kidlat nitong inihagis iyon papunta kay Raul na matagumpay naman niyang nasambot.
Tila sinisipa ng kabayo ang dibdib ni Raul nang sa wakas ay hawak na niya ang bag na magsasalba sa kaniyang kumakalam na sikmura… ngunit bakit ba tila ayaw kumilos ng kaniyang mga kamay upang ipasa ito sa iba, nang sa ganoon ay maitakas na nila? Lalo pa ngang nanlambot ang puso ni Raul nang makitang umiiyak na ang matandang kanilang dinukutan dahil sa sobrang pagkataranta at panghihinayang.
At doon, kahit kumakalam ang kaniyang sikmura ay mabilis na tinakbo ni Raul ang puwesto ng matanda upang isauli ang bag nito. Narinig niyang napamura sina Utoy at ang kanilang mga kasama bago ang mga itoʼy nagtatakbo palayo. Siguradong lagot siya kapag nagkasalubong muli ang kanilang mga landas.
“Salamat nang marami sa iyo, hijo!” Labis na nagpapasalamat kay Raul ang matanda, ngunit hindi niya magawang ngitian ito o ni tingnan ito sa mata. Nakadarama siya ng pagsisisi dahil alam niya sa sariling kasabwat siya sa muntik nang pagkawala ng gamit nito.
Hindi kinaya ng konsensiya ni Raul na itago pa ang kaniyang sikreto, kaya naman maya-maya pa ay umiiyak siyang umamin.
“Kasabwat po ako ng mga nagtangkang magnakaw sa inyo. Sana po ay mapatawad ninyo kami, ale. Talaga lang pong hindi na namin matiis ang kalam ng aming sikmura,” paliwanag niya na ikinagulat ng matanda.
“Kung ganoon, bakit mo isinauli ang bag ko?” takang tanong nito. Mahigpit siyang sinusuri.
“N-nakonsensiya po ako. Hindi po kaya ng kalooban kong gawin ito. Hindi ko po kayang makitang nagpaiyak ako ng ibang tao,” taos-puso namang sagot ni Raul.
Doon ay napangiti ang matanda. Lingid sa kaalaman ni Raul, ay handa siya nitong bigyan ng gantimpala.
Isa palang tagapangasiwa ng charity para sa mga batang ulila ang matanda. Doon ay nakapag-aaral ang mga bata at nabibigyan ng kanilang mga pangangailangan. Kinupkop siya nito at doon ipinasok. Laking tuwa ni Raul dahil napakabuti ng mga taong naroon. Laking pasasalamat niya at nagawa niyang umiwas sa masamang gawain, kahit kumakalam ang kaniyang sikmura.