Daig ng Maagap ang Masipag

“Monica dear! Long time no see!”

Napalingon si Monica sa pamilyar na tinig ng kaniyang kaibigang si Vanessa. Nasa coffee shop si Monica at katatapos lamang mamili ng mga pangunahing pangangailangan sa kanilang bahay.

“Kumusta? Ganda mo ngayon ah…” kiming bati ni Monica sa kaibigan. Magkaibigan sila simula noong college pa. Nang makagraduate, madalang na lamang silang magkita, kasama ng iba pa nilang mga kabarkada, dahil naging abala na sila sa kani-kanilang mga trabaho.

Umupo sa harapan niya ang magandang kaibigan, sa bakanteng upuan na nasa harap niya. Sa tingin ni Monica ay lalong naging maganda si Vanessa, mukhang fresh at walang iniintindi sa buhay. Lumapit ito sa kaniya at nagselfie sila.

“Hindi yata tayo friends sa social media kaya hindi ako updated sa mga nangyayari sa iyo. Namiss kita… anong balita sa iyo?” tanong ni Vanessa sa kaibigan.

“Hindi naman kasi ako mahilig sa social media. Heto busy sa work,” tipid na sabi ni Monica.

“Mukha nga… parang stressed out ka yata friend? Anong nangyari sa iyo? Huwag ka masyadong magpabusy sa trabaho mo, get a life!” komento ni Vanessa sa kaniya. Noon pa man, matabil na talaga ang dila nito. Walang preno ang bibig. Happy-go-lucky rin ito at mahilig sa night life.

“Grabe ka naman, Vanessa! Hindi ka pa rin talaga nagbabago ‘no? Prangka ka pa rin. Wala kasi akong panahon para sa pag-aaksaya ng oras. Alam mo namang kapag wala ako sa trabaho, nasa bahay lang ako. Ako ang nag-aasikaso sa parents ko dahil may mga trabaho na rin ang mga kapatid ko,” paliwanag ni Monica.

Advertisement

“Alagaan mo rin ang sarili mo. Huwag mong problemahin ang mga bagay na hindi mo pa dapat pinoproblema. Tingnan mo ako… hindi ko pinoproblema ang future. Kung ano lang ang nangyayari ngayon, iyon lang ang inaalala ko,” sabi ni Vanessa.

Nahalata yata nito na naiirita na siya, kaya ito na mismo ang nag-iba ng usapan.

“Dami mong pinamili ah?” untag ni Vanessa sa kaniyang mga pinamili.

“Ah oo… stock sa bahay. Alam mo na, nabalitaan mo naman siguro ang tungkol sa unti-unting paglaganap ng virus dito sa Pilipinas. Magbilang pa tayo ng araw o buwan, kapag lumala iyan, for sure na magkakaroon ng lockdown,” paliwanag ni Monica. Sadyang matalino at futuristic si Monica simula high school pa lamang, na ibang-iba sa ugali ni Vanessa.

“Ano naman ang posibleng mangyari kung ilalagay tayo sa lockdown?” inosenteng tanong ni Vanessa.

“Lilimitahan, o babawalan ang mga tao na lumabas ng kanilang mga bahay para mapigilan ang pagkalat ng virus. Kaya kung ako sa iyo, kahit pakonti-konti, bumili ka na ng stocks sa bahay ninyo para hindi mo na kailangang lumabas,” sabi ni Monica. Palabasa siya at palanood ng balita kaya alam niya ang gagawin sa mga posibleng mangyari sa hinaharap.

Natawa naman si Vanessa. “Iyan ka na naman friend eh! Masyado mong tinatakot ang sarili mo. Huwag ka ngang nega! Hindi mangyayari iyan. Imposible iyan,” sabi ni Vanessa.

“Mas mabuti na yung handa, kaysa wala,” nasabi na lamang ni Monica.

Advertisement

“Okay fine! Sige na Monica, add mo na lang ako sa Facebook ah. Need ko na rin umalis at may gagawin pa ako. It was nice seeing you again!” tumayo si Vanessa at niyakap si Monica. Tinanaw lamang ni Monica ang palayong kaibigan. Hindi pa rin talaga ito nagbabago.

Makalipas ang tatlong buwan at hindi nga nagkamali si Monica. Lumaganap ang virus sa buong bansa, na naging dahilan upang isailalim ang bansa sa total lockdown. Ipinagbawal ng pamahalaan ang paglabas ng mga tao kahit sa kalsada. Mga opisyal ng barangay ang nagsilbing frontliners sa pagdedeliver ng pagkain at mga pangangailangan ng tao sa bawat kabahayan.

Natigil ang mga paaralan at mga trabaho. Naparalisa ang lahat. Tumagal ito ng halos tatlong buwan. Subalit hindi nangamba si Monica. Marami silang stock sa bahay, hindi dahil nagpanic buying siya, kundi pinaghandaan nilang mag-anak ang mga posibleng mangyari. Kahit wala pang outbreak ng virus, talagang mapag-impok at laging handa na si Monica. Magmula sa mga gamot, pagkain, load, at iba pang mga kailangan, hindi sila mauubusan kahit tumagal pa ang lockdown ng isang taon.

Nakakatulong din si Monica sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa iba’t ibang mga pribado at pampublikong sektor na naglalayong matulungan ang mga frontliners na sinusuong ang panganib upang masugpo ang mapaminsalang sakit.

Isang araw, habang nagbabasa ng balita sa kaniyang social media account ni Monica, napansin niyang may nagpadala sa kaniya ng mensahe sa messenger, na hindi niya kaibigan. Nang tingnan niya kung sino ito, ito ay si Vanessa! Binasa niya ang mensahe nito.

“Monica, si Vanessa ito. Tama ka. Dapat pala nakinig ako sa iyo. Pwede ba akong makahiram sa iyo ng kahit 2,000 pesos lang? Naubos kasi ang pera noon sa kaka-good time. Pangako, babayaran ko sa iyo kapag natapos na ito,” sabi ni Vanessa.

Tumugon dito si Monica. “Mas mabuti talaga ang handa sa lahat ng bagay, friend. Prevention is better than cure, ‘ika nga. Sige, ipapadala ko sa iyo ang pera. Ingat ka,” paalala ni Monica sa kaniyang kaibigang bulagsak.

Tumagal ng apat na buwan ang lockdown, at dahil sa pagsunod na rin ng mga tao, nasawata ang paglaganap ng sakit. Muling nagkita sina Monica at Vanessa. Binayaran siya nito. Nangako si Vanesa na makikinig na sa payo ng kaibigang si Monica upang hindi na maulit ang nangyari sa kaniya. Tama nga naman na daig ng maagap ang masipag.