“Kuya, wala na naman tayong pagkain ngayon! Ano na ang balak mo?” tanong ni Jo sa kaniyang panganay na kapatid na bagong gising.
“Huwag mo nga akong tarantahin, Jo! Hindi lang ikaw ang nahihirapan at nagugutom dito! Hindi porket ako ang panganay, ako lang ang gagalaw para may makain tayo! Kumilos ka naman!” bulyaw ni Tad sa kaniya saka natalukbong ng punit-punit nilang kumot.
“Ah, gusto mo talaga ako ang kumilos?” sambit niya sa kaniyang kapatid.
“Oo!” sigaw nito dahilan upang makaisip siya ng masamang solusyon.
“Magpaalam ka na sa batugan at walang kwenta mong bunsong kapatid,” ‘ika niya saka bahagyang lumapit sa kanilang bunsong kapatid na mahimbing pang natutulog.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong nito matapos siyang makitang lumapit sa bunso. Halos napabalikwas ito nang buhatin na niya ang kanilang kapatid at doon na nagsimulang ngumawa ang paslit.
Isang kahid, isang tuka kung tawagin ang magkakapatid na sila Tad, Jo at ang kanilang bunsong kapatid na si Ives.
Noon pa man, hirap na sa buhay ang kanilang pamilya. Isang pedicab drayber ang kanilang ama habang isang labandera ang kanilang ina ngunit hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita upang matugunan ang kanilang pangangailangan.
Lalo pang naghirap ang magkakapatid nang mawala ang kanilang mga magulang dahil sa isang bagyong tumama sa kanilang lugar na talaga nga namang nagdulot ng matinding pagbaha. Sa kasamaang palad, napasama ang kanilang mga magulang sa mga natabunan ng puno’t nalunod.
Dito na sila nagsimulang sumadsad sa kahirapan. Hindi nila alam kung saan magsisimula, kung anong dapat gawin. Halos araw-araw nilang pinoproblema ang kakainin kanilang kakainin.
Noong araw ring ‘yon, agad na binuhat ni Jo ang kaniyang walong taong gulang na kapatid. Buong akala niya’y aawatin siya ng kaniyang kuya sa nais niya, ngunit laking gulat siya nang pumayag ito.
“Sige, basta ibenta mo ‘yan sa mayaman, ha?” sambit nito, hindi na niya pinansin ang sariling emosyon at tanging kalam na lamang ng sikmura ang pinagtuunan ng pansin.
Nabenta niya ang kapatid sa halagang isang milyong piso sa isang amerikanong nais magkaanak ng isang pinoy. Agad nilang pinaghatiang magkapatid ang perang nakuha.
Ngunit tila ito ang naging dahilan nang hidwaan nilang magkapatid. Nais kasi ng kaniyang kuya na mas malaki ang makuha, ‘ika nito, “Ako naman ang nagpalamon sa inyo noong mga nakaraang araw, eh. Ako dapat ang may malaking parte! Hindi ako papayag na pantay lang tayo!” na labis niyang ikinagalit.
“Ako nga ang nagbenta kay Ives, eh! Ako ang naghanap ng mayamang bibili, ako ang namuhunan sa pamasahe at higit sa lahat ako ang nangumbinsi sa kaniya na sumama sa kanong ‘yon! Kung alam mo lang kung gaano kahirap ang sitwasyon ko kanina!” sumbay niya dito.
“Edi sana hindi mo na binenta si Ives! Akin na nga ‘yang tsekeng ‘yan!” sagot ng kaniyang kapatid saka hinaltak ang hawak niyang tseke.
“Hindi pwede!” wika niya saka mabilis na hinaltak ang hawak na tseke.
“Akin na sabi, eh!” giniit pang kunin ng kaniyang kuya dahilan upang mapunit ito.
Ganoon na lamang ang panlulumo nilang dalawa nang makitang tila nahati sa gitna ang tsekeng tangi na lang nilang pag-asa. Agad na kumuha ng pandikit si Jo saka nagmadaling buuin ang nasirang tseke.
“Baka pwede pa ‘to!” ika niya, saka siya nagmadaling nagpunta sa bangko upang subukang kunin ang pera. Ngunit katulad ng inaasahan nilang magkapatid, hindi na ito pwedeng tanggapin ng bangko.
Agad niyang hinanap ang amerikanong napagbentahan niya ngunit tila karma na talaga ang sumalubong sa kaniya dahil naakalis na raw ito ng bansa kasama ang kaniyang bunsong kapatid.
Ganoon na lamang ang pagsisi ng dalawa. Labis ang kanilang panghihinayang sa grasyang nasayang bunsod ng kanilang kasakiman. Nagpasiya ang dalawa na magtrabaho sa isang karinderya na nagbigay sa kanila ng sapat na pera upang may pangkain sila. Ngunit katulad ng dati, kinakapos pa rin sila. Palagi nilang naaalala ang kapatid na palaging dumaing ng gutom, “Nakakamiss rin pala si Ives,” ika ni Jo.
Halos sampung taon ang lumipas at hindi man lang umangat sa kahirapan ang dalawa. Sambit nila, siguro nga karma nila ito sa ginawa nila sa kanilang kapatid. Ginagawa naman kasi nila ang lahat ngunit palagi silang sumasabit.
Laking gulat nila nang isang araw, bigla na lamang may isang binatang kumatok sa kanilang barung-barong. May dala-dalang mga pagkain na mamahalin, sakto dahil hindi pa sila nakakakain maghapon.
Hindi na nila pinansin ang binata at agad na nilantakan ang pagkaing bigay nito.
“Hoy, salamat, ha?” ‘ika ni Jo habang namumuwalan sa pagkain, napabalik tingin siya sa binata dahil tila namukhaan niya ito, “I-ives? Ikaw ba ‘yan?” sambit niya saka niya nabitawan ang hawak na pagkain. Agad siyang lumapit dito at sinisugaradong kapatid nga nila ito. Mangiyakngiyak niya itong niyakap nang mapatunayang si Ives nga ito. Nagmadali ring lumapit ang kanilang panganay upang sabay silang humingi ng tawad na naging dahilan nang pagbuhos ng luha sa loob ng naturang barung-barong.
Labis ang saya ng dalawa nang malamang kahit katiting hindi nagtajim ng sama ng loob ang kanilang kapatid bagkus nagpasalamat pa ito sa kanila.
“Kung hindi niyo ako binenta, malamang nanlilimos na ako, salamat pa rin sa inyo!” sambit nito saka sila muling niyakap.
Doon na sila nagsimulang makabangon. Tinulungan sila ng kanilang bunsong kapatid na makapagtayo ng sariling negosyo. Pinaayos rin nito ang kanilang tagpi-tagping barung-barong at nangakong hindi na sila hahayaang magutom kahit kailan.
Ganoon na lamang ang tuwa ni Jo, dahil sa wakas, natuldukan na ang karmang akala niya, habang buhay niyang dadalhin.
Minsan, marumi man ang intensyon mo sa isang bagay, magiging positibo ang kalalabasan nito na talaga nga namang makakapagpabago sa paningin mo sa buhay.