Inday TrendingInday Trending
Ang Nobyo Kong Playboy

Ang Nobyo Kong Playboy

“Babe? Nakikinig ka ba?”

Napapitlag si Tim nang kalabitin siya ng kaniyang nobyang si Patricia. Nalingunan niyang nakabusangot ang maganda nitong mukha.

“Ha?” Gulat niiyang tanong sa nobya.

“Kanina pa ako salita nang salita dito, hindi ka naman nakikinig.” Inis na sabi ng kaniyang nobya. “Ano ba kasi ‘yang pinagkakaabalahan mo at hindi mapuknat ang tingin mo diyan sa cellphone mo?”

Bahagya siyang nataranta ngunit agad na nakaisip ng magandang palusot.

“Ah, yung boss ko kasi, may tinatanong tungkol dun sa presentation ko kanina.”

Tumango-tango naman ito. Tila mabilis na nakumbinsi sa paliwanag niya, dahilan upang makahinga siya nang maluwag.

Ang totoo, halos maghapon niya nang hinihintay ang mensahe ni Trisha, babaeng nakilala niya mula sa website. Ang kaniyang matalik na kaibigan ang nagkumbinsi sa kaniya na sumali sa dating website.

Nabanggit niya kasi sa kaibigan na nababagot na siya sa relasyon nila ni Patricia. Mahigit siyam na taon na kasi silang magkasintahan.

Alam na nito ang lahat ng tungkol sa kaniya, at ganun din ito sa kaniya. Wala nang bago. Kaya naman may mga sandaling nababagot na siya sa relasyon nila.

Naalala niya pa ang huling pag-uusap nila ng kaibigang si Santi, na nagtulak sa kaniya na maghanap ng excitement sa buhay.

“Bro, magsa-sampung na taon na kayo ni Patricia, ‘di ba? Wala pa kayong plano magpakasal?” ani Santi.

“Wala pa bro, pareho pa kaming hindi handa. Magastos magpakasal at magpamilya, kaya patuloy kaming nag-iipon.” Sagot niya sa kaibigan.

“Napakatagal niyo na magkasama ni Patricia pare, bilib na bilib na ako sa pagiging loyal mo.” Tatawa-tawa nitong komento.

“Nangako na ako sa kaniya na siya ang magiging una at huli. Saka pare, tingnan mo naman si Patricia. Maganda, mabait, matalino, responsable. Nasa kaniya na ang lahat. Wala na akong mahahanap pang kagaya niya.” Paliwanag niya sa kaibigan.

“Wala naman akong sinasabing hindi siya ang pakasalan mo. Ang sinasabi ko lang e dapat bago ka matali, maranasan mo naman makasama ang ibang babae. Ayaw mo ba ng ganun? Exciting. ‘Wag mo sabihin sakin na sa tagal niyo na magkasama ng nobya mo, hindi ka nakaranas man lang nag pagkabagot sa relasyon niyo?” Mapanghamon ang ngisi nito.

Umiwas ang tingin niya sa kaibigan. Kilalang-kilala talaga siya nito.

Sa huli, wala rin siyang nagawa kundi umamin dito na paminsan-minsan ay nakararamdam nga siya ng pagkabagot sa relasyon nila ni Patricia.

“Walang hiya ka, dinamay mo pa ako sa pagka-playboy mo!” Sikmat niya sa kaibigan habang gumagawa ito ng profile niya sa dating site.

“Hindi naman malalaman ni Patricia, pare.” Sulsol pa nito.

Bumalik ang diwa niya sa kasalakuyan nang mag-vibrate ang kaniyang cellphone.

May nagpadala ng mensahe sa kaniya. Pinigilan niyang ngumiti dahil baka magduda na naman ang nobya.

Nanlumo siya nang makitang hindi kay Trisha nanggaling ang mensahe.

“Pat, baka pwedeng umuwi na tayo. Medyo masama kasi pakiramdam ko dahil sa stress sa trabaho.” Pagdadahilan niya sa nobya.

Dahil likas na maunawain, pumayag naman ito agad.

“Magpagaling ka kaagad, babe.” Kumakaway na sabi pa nito bago ito pumasok sa loob ng bahay.

Saka lamang siya nakahinga ng maluwag.

Nang makauwi siya sa bahay, agad niyang inisa-isa ang mga mensaheng natanggap niya mula sa dating website.

Sa dami ng mensahe doon, isang pangalan lamang ang nahanap ng mata niya – si Trisha.

Isang linggo na ang lumipas mula nang una niyang makausap si Trisha. Ito ang pinaka-interesanteng babaeng nakilala niya mula sa dating site.

Masaya at magaan ito kausap. Sa katotohanan, nabanggit niya rito ang kasalukuyang nadarama niya sa relasyon nila ni Patricia.

Marami silang pagkakapareho ng babae. At ramdam niya na may koneksiyon siya sa babae. Kaya naman gusto niya itong makilala nang personal. Ayaw man niyang aminin sa sarili, alam niyang nakaramdam siya ng atraksiyon sa babae

Napangiti siya nang makita ang sagot nito sa paanyaya niya na magkita sila.

Trisha: Sige, Tim. Gusto rin kita makita nang personal. Magkita tayo sa Macy’s Restaurant bukas ng alas otso.

May kumurot sa kaniyang puso nang makita ang lugar na pagkikitaan nila ni Trisha. Ang restaurant na ito kasi ang paboritong kainan ng nobya niya.

Subalit mabilis itong natabunan ng excitement dahil makikita niya na sa wakas ang babaeng gumugulo sa kaniyang isipan.

Kinabukasan, umaga pa lamang ay excited na si Tim. Kinansela niya ang lahat ng lakad niya ng araw na iyon upang maghanda sa pagkikita nila ni Trisha.

Maging ang paanyaya ng kaniyang nobya ay tinaggihan niya nang walang pag-aalinlangan.

Alas siyete pa lamang ay nasa Macy’s Restaurant na siya. Kipkip ang isang bungkos ng bulaklak, umupo siya sa parte kung saan madalas sila umupo ng kaniyang nobya.

Mag-aalas otso na ng makatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang nobya. Hindi niya ito sinagot. Nang tumawag itong muli, nakaramdam siya ng inis kaya naman napilitan siyang sagutin ang tawag nito.

“Babe, nasaan ka?” Tanong nito.

“Nasa trabaho ako, Pat.” Pigil ang inis nang sumagot siya sa nobya.

“Binibigyan kita ng huling—” Agad niyang pinutol niya ang tawag ng makita ang pagpasok ng isang magandang babae. Sa tingin niya ay ito na si Trisha.

Nakaramdam siya ng panghihinayang nang kinawayan ito ng isang lalaki na sa tingin niya ay kasintahan nito.

Ipinako niya ang tingin sa entrance upang abangan ang pagdating ni Trisha.

Ganun na lamang ang panlalaki ng kaniyang mata nang ang kaniyang nobyang si Patricia ang sumunod na pumasok. Tinangka niyang magtago mula dito ngunit agad itong napatingin sa kinauupuan niya, at napako ang tingin nito sa bulaklak sa mesa.

Dahan-dahan itong naglakad papunta sa kaniya.

Namumula ang mata ng babae, halatang galing sa pag-iyak, na agad niyang pinag-alala.

Umupo ang babae sa silyang kaharap ng kinauuupuan niya. Muli ay may bumaling na luha mula sa mga mata nito.

“Tim, saan ba ako nagkulang?” Tanong ng babae.

Hindi nakapagsalita si Tim. Walang maapuhap na salita, dahil alam niyang walang sagot sa tanong nito, dahil hindi si Patricia ang nagkulang. Siya ang nagkulang.

“Binigyan pa kita ng pagkakataong magbago ng isip, Tim. Pero binigo mo ako.” Sabi ng babae matapos ang ilang sandali.

“Anong ibig mong sabihin?” Naguguluhang tanong ni Tim.

“Kaninang, umaga, niyaya kitang lumabas. At ngayon ngayon lang, bago kita kausapin.” Sagot ni Patricia.

Nanatiling nakakunot ang noo ng lalaki. Hindi pa din nauunawaan ang sitwasyon.

“Walang Trisha, Tim. Ako si Trisha.” Paliwanag niya.

Matagal na hindi nakapagsalita ang lalaki. Hindi makapaniwala sa katotohang tila bomba na sumabog sa kaniyang harapan.

“Ibig sabihin, alam mo na may ibang babae?” Hindi pa rin makapaniwala si Tim.

“Oo, nagduda na ako. Sa tagal nating magkakilala, alam ko na pag may itinatago ka, Tim.”

Napayuko ang lalaki. Hiyang-hiya sa kasintahan.

“Sana mapatawad mo ako, Pat.”

Malungkot na ngumiti ang babae.

“Siguro kaya kong patawarin ka. Pero hindi ko kayang kalimutang ang pagtataksil mo.”

Tila isa na namang bomba sa pandinig ni Tim ang sinabi ng babae. Matagal na silang magkasama ng babae, kaya hindi niya inaasahan na makikipaghiwalay ito sa kaniya. Natulala siya at lumuha nang ‘di niya namamalayan.

Nang mahimasmasan ang lalaki, wala na si Patricia sa harap niya. Luminga-linga siya ngunit hindi niya nakita ang babae.

“Wala na siya dito. At wala na siya sa buhay ko.” Mapait na sabi ng lalaki.

Napangiti siya ng mapait ng maalala si Trisha – o si Patricia, na sa pangalawang pagkakataon ay nagawang bihagin ang puso niya.

Ngunit wala na ang babae, at alam niyang kailanman ay hindi na ito babalik sa buhay niya.

Naisip ni Tim na tama nga yung madalas niyang naririnig na kasabihan. “Malalaman mo lamang ang halaga ng isang tao ‘pag wala na siya sa buhay mo.”

At wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang sarili.

Advertisement