Inday TrendingInday Trending
Nasa Tabi Ko Lang Pala Ang Tunay Na Nagmamahal

Nasa Tabi Ko Lang Pala Ang Tunay Na Nagmamahal

Sanay na si Janine sa malamig na pakikitungo sa kaniya ng kaniyang kabiyak na si Gilbert. Ipinagkasundo lamang kasi sila ng kani-kaniyang mga magulang. Dahil na rin sa hiya ni Janine kay Gilbert ay hindi na niya ito pinakikialaman sa kaniyang mga desisyon.

Magkasama sila sa iisang bubong ngunit hindi sila magkatabi kung matulog. May kaniya-kaniya rin silang mga ginagawa. Ang higit na hindi alam ng kanilang mga pamilya ay sa loob ng 6 na buwan nilang pagsasama ay minsan lamang sa isang linggo kung umuwi ang mister ni Janine. Madalas ay sa sarili nitong condo siya nanunuluyan. Kaya laking gulat ng babae na umuwi ito minsan sa kanilang bahay.

Hindi alam ni Janine ang kaniyang ikikilos. Hindi naman kasi siya ‘yung tipo ng babaeng marunong magluto. Laki sa yaman ng kaniyang pamilya kaya mayroon silang taga-silbi. Ngunit simula ng magsama sila ni Gilbert ay nagpasya siyang walang kasambahay upang walang makaalam ng kanilang set-up.

“Hindi ko inaasahan ang pagdating mo. Pasensya ka na at wala akong nailuto. Kumain ka na ba? Gusto mo bang ipagluto kita kahit pasta?” natatarantang sambit ni Janine.

“Ano ba ang kinakain mo? Kahit ano na lang ang nariyan. Maliligo lang ako saglit,” malamig na tugon ni Gilbert.

Napagdesisyunan ni Janine na gumawa na lamang ng pasta para sa asawa. Tutal madali lamang itong lutuin at ito ang pinakamasarap niyang niluluto. Pagkatapos ni Gilbert na mag-ayos ng sarili ay agad itong tumungo sa kusina upang samahan si Janine sa pagkain.

“A-anong naisipan mo at umuwi ka ngayon?” pagtataka ng misis.

“Wala naman. Bahay ko rin naman ito. Pwede akong umuwi kung kailan ko gustuhin ‘di ba?” tugon ni Gilbert. “Hayaan mo kung may ginagawa ka ay hindi ako makakaistorbo sa iyo. Sa guest room ako matutulog tulad ng dati,” dagdag pa niya.

“Ayos lang naman kahit araw-araw kang narito. Wala ‘yun sa akin. Ang punto ko lang ay sana nag-text ka man lang para nakapaghanda ako ng makakain mo agad,” nahihiyang wika ni Janine.

Hindi na tumugon pa si Gilbert at ipinagpatuloy na lamang ang kaniyang pagkain. Ilang sandali pa ay hindi na napigilan ni Janine na basagin ang katahimikan.

“Ilang buwan na lamang ang ipagtitiis mo, Gilbert. Ilang buwan na lang ay pwede na tayong bumalik sa kaniya-kaniya nating buhay at malaya ka nang ibigin ang sino mang gusto mo,” nakayukong sambit ni Janine.

Ilang malamig na titig lamang ang naging tugon ng ginoo.

“Salamat, Gilbert. Kung hindi dahil sa pamilya nyo hindi makakabawi ang pamilya ko. Salamat at pumayag ka sa sitwasyon natin ngayon. Tatanawin ko itong utang na loob,” sambit muli ni Janine.

“Tama na ang pasasalamat. Nakulong ka rin naman sa ganitong sitwasyon at hindi mo rin naman gusto na magpakasal ka sa akin. Parehas lang naman tayong naging biktima ng pamilya at negosyo. Tama, ilang buwan na lamang at makakalaya ka na,” wika ni Gilbert.

Ngunit sa totoo lamang ay mahal talaga ni Janine si Gilbert. Bata pa lamang sila ay pangarap na niyang maikasal dito. Ngunit kung aakalain ng iba na natupad na pangarap ito para sa kaniya ay isang pagkakamali. Ayaw niyang sa ganitong paraan niya mapangasawa si Gilbert sapagkat alam niyang malabong mapasakaniya ang puso nito.

Masakit din sa kaniya ag katotohanan na may ibang minamahal si Gilbert. Sa katunayan nga ay hindi pa rin nito magawang makipaghiwalay sa kaniyang dating kasintahan. Kaya kahit na mag-asawa sila sa papel ay alam niyang kahit kailan ay hindi siya mamahalin nito. Sapagkat alam niyang isa siyang malaking hadlang.

Nagtungo na sa kwarto si Gilbert upang magpahinga. Habang si Janine naman ay nag-aayos ng kusina. Plano niyang matulog na rin pagkatapos ng kaniyang mga gawain. Habang naghuhugas ng pinggan ay nag-isip siyang mabuti.

“Mahal ko si Gilbert pero hindi niya ako makukuhang mahalin kung wala akong ginagawang paraan. Dapat yata ay sabihin ko na sa kaniya ang katotohanan. Kung hindi nya tatanggapin ay ayos lang dahil nakatakda naman na rin kami maghiwalay sa loob ng anim na buwan pa. Mahaba pa ang panahon na ito para matutunan niya akong mahalin,” sambit niya sa sarili.

“Pwede kaya yun? Yung maturuan ang puso na magmahal?” bulong pa niya.

Tamang-tama naman na nakatanggap sila ng tawag mula sa mga magulang ni Gilbert na inaaya silang magbakasyon. Kahit na parehas silang tumanggi sapagkat baka sila ay mabuko ay wala na silang nagawa pa pagkat buo na ang pasya ng mga magulang ng ginoo. Makalipas ang dalawang araw ay kasama sila na lumipad patungong ibang bansa.

Upang hindi sila mahalata ay sa iisang silid lamang sila natutulog at magkatabi sa kama. Todo rin ang pag-aasikaso nila sa isat-isa. Alam ni Janine na nagpapanggap lamang si Gilbert sa kaniyang mga ginagawa ngunit bakit parang natural sa ginoo ang pagmamalasakit nito sa kaniya. Sa kabilang banda naman ay tunay ang pakikitungo ni Janine kay Gilbert. Ito na kasi ang matagal niyang hinihintay na pagkakataon upang maipakita sa asawa ang tunay niyang pagtangi rito.

Sa bawat araw na magkasama sila ay hindi nila naiwasan na magkuwentuhan tungkol sa kaniya-kaniyang buhay. Sa tagal ng panahon na rin na magkakilala sila ay ngayon lang nila masasabing tunay nilang nakikilala ang isa’t-isa. Masaya na sana ang gabing ito para kay Janine. Nais na sana niyang sabihin dito ang kaniyang tunay na nararamdaman. Ngunit habang masaya silang nagkukwentuhan sa tabing dagat ay patuloy ang pag-ring ng telepono ni Gilbert. At alam na niya kung sino ito- ang tunay na kasintahan ng kaniyang asawa. Masakit man sa kaniya ay patuloy niyang pinagmamasdan si Gilbert habang nakikipag-usap sa telepono nito. Pagbalik ng ginoo ay tila walang nangyari. Maaliwalas ang mukha ni Gilbert at muling tumabi sa kaniya at patuloy na nakipagkwentuhan.

“Sana ay huwag ng matapos ang gabing ito,” matapang na sambit ni Janine dala ng kaniyang pagkalasing.

“Bakit mo naman nasabi ‘yan?” natatawang tugon naman ng ginoo.

“Masaya ako ng ganito tayo. Sa totoo lang, gusto ko talaga na ganito tayo. Mahal kasi kita noon pa man kaso alam kong may nagmamay-ari sa’yo. Tanggap ko naman ‘yun. Alam ko kung saan ako lulugar. Kunwari mo lang naman ako asawa,” pagpapatuloy ng langong-lango nang si Janine.

Hindi pa natatapos ang kaniyang sinasabi ay nawalan na ito ng malay. Kaya wala nang nagawa pa si Gilbert kundi buhatin ang asawa patungo sa kaniyang silid. Habang inihihiga ni Gilbert si Janine sa kama ay muli niya itong pinagmasdan. Sa pagkakatong ito, nakita niya ang tunay na ganda ng kaniyang misis na matagal na niyang binabalewala.

“Mahal kita,” sambit ni Janine.

Hindi na napigilan pa ni Gilbert na halikan ang misis. Alam niyang hindi tama ngunit iba na rin ang kaniyang nararamdaman para sa asawa. Unti-unti na rin siyang nahuhulog dito. Ngunit ayaw niyang sa ganitong paraan niya makuha si Janine.

Kinabukasan, pagkagising ni Janine, ay takang-taka siya sa lahat ng pangayayari. Naalala niya na umamin na siya kay Gilbert at ngayon ay wala na siyang mukha pang maihaharap dito. Nakita na naman niyang muli si Gilbert na may kausap sa telepono at dito ay nakapagpasya na siya na palayain na lamang ang asawa. Alam niyang imposible na maging sila sa totoong buhay.

Pagkauwi nila sa kanilang tahanan ay agad sinabi ni Janine ang kaniyang nasasaloob.

“Huwag na natin paabutin pa ng isang taon ‘to. Pwede na tayong maghiwalay,” pinipigil ni Janine ang kaniyang pag-iyak. Lubusan ang pagtataka ni Gilbert.

“May nagawa ba akong mali? Pag-isipan mo muna ito. Paano ang negosyo ng pamilya mo? Paano ang kasunduan?” wika ng ginoo.

“Ako na ang bahala doon, Gilbert. Ang mahalaga sa akin ay maging masaya ka na. Ayaw na kitang makitang nahihirapan dahil sa sitwasyon natin. Mahal kita at kung ano ang ikakaligaya mo ay doon ako,” wika ni Janine.

Lumapit si Gilbert at dali-daling niyakap ang asawa. “Tama ang aking naging pasya. Ikaw talaga ang para sa akin,” sambit niya.

“A-anong ibig mong sabihin?” pagtataka ni Janine.

“Nakipaghiwalay na ako sa aking kasintahan. Wala kasing araw na isinusumbat niya sa akin ang sitwasyon natin. Ang malala pa roon ay kahit na pinatutunayan ko na siya ang mahal ko ay nagawa pa niya akong ipagpalit. Hindi ko akalain na ang hinahanap ko pala ay nasa harapan ko na, matagal na,” malumanay na wika ni Gilbert.

“Hindi ko na rin maiwasan na mahulog ang loob ko sa’yo, Janine. Nandito ako ngayon sa harapan mo para pormal na hingin muli ang kamay mo upang magsimula tayo muli. Pakakasal ka bang muli sa akin?” tanong ng ginoo.

Laking tuwa ni Janine at buong galak siyang sumagot ng “oo”. Hindi niya akalain na ang matagal na niyang tinatangi ay siya rin palang kaniyang makakasama sa kaniyang mga kinabukasan.

Puno ng pag-ibig ang dalawa. Muli silang ikinasal at sa pagkakataon ito ay malaya na silang ipahayag sa isat-isa ang kanilang tunay na nararamdaman.

Advertisement