Tulala ang dalagang si Rhoda na nakaupo sa kaniyang kama habang malalim na pinagninilay-nilayan ang mga pangyayaring naganap sa kaniya noong mga nakaraan. Karugtong nito ang kaniyang panaginip kanina lamang.
Dalawang beses na kasing nagkakatotoo ang kaniyang mga panaginip. Ang una’y nang mapanaginipan niya ang mga numerong lumabas sa lotto, pangalawa naman ay ang promotion ng kaniyang kaibigan sa trabaho.
Kumurap-kurap siya at iniling-iling ang kaniyang ulo upang alisin sa isip ang kaniyang panaginip kanina. Tungkol kasi iyon sa kaniyang ina na sinugod sa ospital dahil sa sakit na high blood pressure. Ayaw niyang maniwala na iyon ay magkakatotoo kaya naman para sa kaniya ay nagkataon lamang iyon.
“Hindi iyon totoo. Hindi!” Muli niyang pag-iling.
Tumayo na siya at naghanda para sa kaniyang trabaho. Pumasok siya nang maluwag ang isip at damdamin na walang ibang iniisip na masama. Hinarap niya ang araw na iyon na masaya.
Pagkarating ng hapon, umuwi na rin siya kaagad kahit na nagyayaya pa ang mga ka-opisina niyang lumabas at uminom. Nakatingin lamang siya sa bintana ng sinasakyang bus at muling naisip ang kaniyang panaginip.
“Kalokohan, sobrang kalokohan,” pangisi niyang sabi sa sarili.
Pagkaraan ay nakarating na siya sa kaniyang apartment. Pagod siya nang araw na iyon kaya naman dumiretso siya kaagad sa kaniyang kama. Ngunit maya-maya ay may biglang tumawag sa kaniyang cellphone. Ito ay ang kaniyang ama na binabalita na na-ospital daw ang ina niya dahil na-high blood! Hindi makapaniwala si Rhoda nang marinig iyon. Sa kabila ng pagkahapo, mabilis naman siyang pumunta sa ospital upang bisitahin ang ina. Tutal naman ay sabado na bukas at wala siyang pasok.
Pagkarating ay sinalubong siya ng ama niya habang ang kaniyang ina ay nakahiga sa kama ng ospital. Pinakinggang niya ang kwento ng ama at ina hanggang dulo. Subalit imbes na maiyak, gulat na gulat ang dalaga dahil ganoon din ang nangyari sa kaniyang panaginip. Ayos naman na ang kalagayan ng ina at walang dapat na ipag-alala.
Nahihiwagaan talaga siya sa mga pangyayari. Dahil sa sobrang pagod at labis na pag-iisip, maya-maya’y hinila din siya ng antok habang katabi ang ina at hawak-hawak ang kamay nito.
Nagising na lamang si Rhoda na hinahabol ang kaniyang paghinga. Kitang-kita ang kaniyang malaking ngiti sa mukha matapos magkaroon ng magandang panaginip. Sa pagkakataong ito, desidido siyang magpasiya base sa kaniyang mga panaginip at paniwalaan ang mga iyon.
Sa kaniyang panaginip, nakita niya na darating ang lalaking katrabaho na matagal na niyang gusto matapos mabalitaan na na-ospital ang kaniyang ina. Doon ay mas naging malapit daw sila at pinakita nito ang pagmamalasakit at nagtapat ng pag-ibig sa kaniya. Sigurado siyang mangyayari iyon. Mali, dapat iyong mangyari, aniya!
Masigla siyang tumayo upang umuwi na muna at mag-ayos ng sarili. Dapat ay maganda siya kapag nangyari iyon. Bumili pa siya ng bagong damit upang masigurong maayos ang kaniyang kasuotan.
Agad siyang nagtungo sa opisina upang ibalita ang nangyari sa kaniyang ina sa mga ka-opisina. Marami naman ang nagbigay ng kanilang pakikisimpatya. Isa na rito ay si Dan, ang lalaking gustong-gusto niya. Kilig na kilig si Rhoda nang mabasa ang text ng ama na bumisita raw ang binata sa ospital at hinihintay siya.
Hindi magkamayaw ang kaniyang pagkasabik. Nang makarating na sa ospital, agad siyang sinalubong ng ama na nasa labas ng tapat ng emergency room.
“Pa, bakit nandito ka? Sino kasama ni mama? Nasaan iyong kasamahan kong nagpunta dito?” tanong niya sa ama.
“Si mama mo, Rhoda… Si mama mo…” nanghihinang tugon nito sa kaniya.
Nabitawan niya ang dala-dala niyang pagkain na binili niya upang pagsalu-saluhan sana nila nang marinig na inatake daw sa puso ang ina at ngayon ay nire-revive ng mga doktor. Umatungal siya nang malakas dahil hindi niya iyon inakala. Inaalalayan siya ng kaniyang ama nang makita niya sa ‘di kalayuan si Dan kasama ang isang babae. Subalit nawala na ang sabik sa kaniyang mga mata. Napalitan na iyon ng lungkot at mga luha.
Nilapitan siya ng lalaki at inabot sa kaniya ang sobre bilang tulong mula sa kumpanya na pinagtatrabahuan. Kaunting kamustahan lamang ang kanilang naging usapan. Ganoon din ay pinakilala nito ang kasama na nobya daw niya at saka umalis na rin kaagad.
Naiwang nakatulala si Rhoda kasama ng ama. Pagkaraan ng ilang minuto, lumabas na ang doktor at binalitang ayos na ang kaniyang ina at hihintayin na lamang na gumising. Tumaas lamang ang presyon nito kung kaya nagresulta ito sa atake sa puso.
Nakahinga naman siya nang maluwag nang marinig ang balita na iyon mula sa doktor. Subalit nananatili pa rin sa kaniyang isipan kung gaano siya pinaniwala ng kaniyang huwad na panaginip. Na kahit masamang sitwasyon ng ina ay kaniyang ginamit para lamang matupad ang kaniyang makasariling nais. Sa pagkakataong ito, alam niya na ang panaginip ay manananatiling malayo sa katotohanan. Magkatotoo man ito o hindi, isa lamang iyong panaginip.