Inday TrendingInday Trending
Legal Kaming Pamilya ni Tatay

Legal Kaming Pamilya ni Tatay

“Karen, ngayong wala na ang asawa ko’y nais ko na siyang kunin,” pursigidong wika ni Guada sa pangalawang asawa ng kaniyang asawa.

“Guada, hindi naman namin ipagdadamot sa inyo si Gardo, pero pakiusap ko lang sana’y hayaan niyo muna kaming magluksa kahit na tatlong araw lang,” nagsusumamong pakiusap ni Karen.

“Karen, nakasama mo na si Gardo ng halos labing-limang taon mula noong iniwan niya kami. Ito na lang ang pinapakiusap ko ngayon. Ilang araw lang namin siyang makakasama ng mga anak ko. Sana naman ipaubaya niyo na siya ngayon sa’min, ngayong pumanaw na siya,” wika ni Guada.

“Guada, naiintindihan ko naman ang pinupunto mo. Pero sana naman unawain mo rin ang pinapakiusap ko sa’yo,” patuloy na pakiusap ni Karen.

“Hindi na Karen! Kung tutuusin ay ako ang mas may karapatan kay Gardo, dahil ako ang una niyang pinakasalan,” matigas na wika ni Guada.

“Pinakasalan din ako ni Gardo, Guada. Hindi ko naman pinagdadamot sa’yo ang labí ni Gardo, kaunting pakiusap lang naman. Sana magbigayan naman tayo,” nakikiusap pa ring wika ni Karen.

“Sa mata ng batas ay kami ng pamilya ko ang mas may karapatan kaysa sa’yo Karen!” galit na wika ni Guada. “Hanggang bukas na lang ang labí ni Gardo sa inyo, dahil bukas sa ayaw at sa gusto mo ay kukunin ko na ang asawa ko,” bigay diin ni Guada sa huling sinabi.

Nanlulumong napahinuhod si Karen sa sinabi ni Guada. Kasal man sila ni Gardo ay nagiging walang bisa iyon sa mata ng batas dahil naunang pinakasalan ng asawa si Guada. Mas minahal siya ni Gardo, sila ang magkasama hanggang sa huling hininga nito, kaya napakasakit isipin na ngayong wala na ito’y para na lamang silang saling-pusa na walang karapatang makapiling ito.

“Jemma, wala tayong magagawa kung ‘di ang ibigay si papa mo sa una niyang pamilya,” walang magawang wika ni Karen.

“Naiintindihan ko naman ‘yon ma, pero sana naman kahit papaano bigyan naman nila tayo ng karapatan. Kahit kami na lang na mga anak rin ni papa,” mangiyak-iyak na wika ni Jemma.

Walang magawang niyakap na lamang ni Karen ang dalawang anak. “Hayaan niyo na anak,” mahinang sambit ni Karen.

Kinabukasan ay walang magawa sina Karen at mga anak niya nang kinuha na talaga nila Guada ang b*ngkay ni Gardo.

“Tita Guada, sana naman po hayaan niyo kaming makita si papa kahit sa huling pagkakataon na lamang,” umiiyak na pakiusap ni Ken ang bunsong anak nila ni Gardo.

“Ken, mula noong inaakit ng nanay mo ang asawa ko, hanggang sa mam*tay si Gardo ay kayo ang nakasama niya. Baka naman ngayong wala na si Gardo ay hayaan niyo munang makapiling naman namin siya ng mga anak ko,” wika ni Guada.

“Hayaan niyo muna sa’min si papa,” pakiusap ng panganay na anak ni Guada.

Mula noong kinuha nina Guada ang labì ni Gardo, hanggang ngayon ay wala na silang naging balita rito. Nalaman na lang nilang nailibing na ito. Nakaramdam man ng inis ay wala silang nagawa kung ‘di ang manahimik na lang dahil sa banta ni Guada na kapag nanggulo pa sila’y hindi ito magdadalawang-isip na sampahan ng kaso si Karen.

“Alamin na lang natin ang puntod ng ama ninyo upang madalaw natin siya,” malungkot na wika ni Karen. “Huwag kayong magagalit sa papa niyo Jemma at Ken, pati na kay Guada at sa mga kapatid niyo sa ama. Sapat na sa’kin ang mga panahong masaya nating nakasama ang Papa Gardo niyo. Hindi naman niya tayo pinabayaan noong nabubuhay pa siya. Mas napabayaan pa nga niya ang una niyang pamilya kaysa sa’tin,” paliwanag ni Karen.

“Naiintindihan ko po kayo, ma. Kaso ‘di ba dapat hingin natin ang karapatan natin kay papa,” wika ni Jemma.

“May karapatan kayo sa papa niyo kahit walang bisa ang kasal namin ni papa mo. Pero ibigay na lang natin sa kanila ang gusto nila mga anak at huwag na lamang natin silang guluhin pa. Para matahimik na rin ang kaluluwa ng papa niyo,” wika ni Karen.

“Sabagay ate mas nakasama naman natin si papa kaysa sa kanila kaya hayaan na lang natin ang nangyari. Hilingin na lang natin na sana dumating ang araw na matanggap na rin nila tayo bilang mga kapatid nila,” sabat ni Ken.

“Sabagay tama ka, Ken,” wika ni Jemma sabay kabig sa bunso upang akbayan ito. “Hindi naman mahalaga kung legal tayo o hindi. Ang mahalaga, naipadama ni papa sa’tin na mahal niya tayo noong nabubuhay pa siya. Kaya karapat-dapat lang din siguro na ipaubaya muna natin si papa sa kanila. Bisitahin na lang natin sila pati na ang puntod ni papa kapag naging maayos na ang lahat,” magaan na ang pakiramdam na wika ni Jemma.

“Tama ka ate,” sang-ayon naman ni Ken.

Mahirap kapag nagmula ka sa isang kumplikadong pamilya. Mahirap intindihin kung sino ba ang mas may karapatan o wala. Minsan mas maiging palawakin ang pang-unawa upang hindi na mas maging magulo ang lahat. Matutong tumanggap at umintindi upang hindi pa madagdagan ang kumplikasyon. Legal ka mang anak o bastarda, basta alam mo ang salitang bigayan ay magiging maayos ang lahat.

Advertisement