Hinahangaan si Simon sa Barrio Maugong. Bukod kasi sa magandang lalaki at nagtataglay ng magandang pangangatawan ay matalino rin ang binata.
Nakapagtapos siya sa kolehiyo sa Maynila at agad namang natanggap sa inaplayang trabaho bilang isang guro sa isa sa nangungunang pamantasan sa lungsod. Naisipan niyang bumalik sa barrio para magbakasyon ngunit kahit maraming humahanga sa kanya ay may ilang babae na palihim siyang pinag-uusapan. Sila ang magkakaibigang Chayong, Rebeka at Milagring. Kinukuwestyon kasi ng mga ito ang pagkalalaki ni Simon.
“Dumating na pala si Simon galing sa Maynila. Isa na pala siyang guro roon. Sayang ‘no, napakaguwapo at napakakisig pero parang may kakaiba sa kanya,” bulong ni Chayong sa dalawang kaibigan.
“Napapansin ko rin iyan. Kahit naman ‘nung nag-aaral pa siya rito sa atin ay halata ko na sa kanya na ganoon siya,” sabad naman ni Milagring.
“Mukhang pare-pareho tayo ng iniisip mga mare. Hula ko talaga may pusong babae iyang si Simon. Kahit kailan ay hindi pa nagkaroon ng nobya at napakahilig gumawa ng mga gawaing pambabae tulad ng paglalaba, pamamalantsa, pananahi, paglalagay ng kurtina sa bintana ng kanilang bahay,” gatong pa ni Rebeka.
“Mismo! Hindi rin siya sumasama noon sa mga binata rito sa atin. Hindi nga yata marunong maglaro ng basketbol e,” giit pa ni Chayong.
Samantala, tuwing naririnig naman ng malapit na kababata ni Simon na si Rodora ang mga pinagsasasabi ng tatlong tsismosang magkakaibigan tungkol sa binata ay hindi nito maiwasan na malungkot at masaktan para sa kababata ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi na niya napigilan ang sarili at kinompronta ang tatlong babae.
“Huwag naman kayong magsalita ng ganyan kay Simon. Hindi niyo dapat siya hinuhusgahan agad,” sabi niya sa mga ito.
“Pasensya na Rodora pero iyon talaga ang napapansin namin sa iyong kababata,” sagot ni Rebaka.
“Nagsasabi lang naman kami ng totoong nakita namin. Ikaw itong lubos na nakakakilala sa kanya, hindi mo ba nahahalata?” tanong naman ni Chayong.
“Oo nga, Rodora. Alam namin na may pagtingin ka kay Simon, pero hindi mo ba napapansin na parang may kakaiba sa kanya? Na hindi siya mahilig manligaw sa babae at napakahilig gumawa ng mga gawaing pambabae? Na si Simon ay isang…” hindi na natapos ni Milagring ang sasabihin dahil hindi na hinayaan ni Rodora na magsalita pa ito.
“Wala kayong karapatan na husgahan siya sa nakikita lamang ng iyong mga mata. Tama kayo na ako ang lubos na nakakakilala sa kanya at alam ko rin na mali ang iniisip niyo kay Simon!” inis na sagot ni Rodora.
Isang araw naglalakad papuntang simbahan ang tatlong magkakaibigan nang makasabay nila sa paglalakad si Simon.
“Magandang umaga! Magsisimba rin ba kayo? Sabay-sabay na tayong magtungo roon,” magiliw na sabi ng binata.
Hindi naman nakatanggi pa ang tatlo sa alok ni Simon.
Habang naglalakad ay walang imik ang tatlong babae. Napansin ng binata na tahimik at walang kakibu-kibo ang magkakaibigan kaya binasag niya ang katahimikan ng mga ito.
“Bakit ang tahimik ninyo? Masyado yata kayong seryoso,” natatawa nitong sabi.
“W-wala, Simon. N-nahihiya lang kami sa iyo,” napilitang sabi ni Chayong.
“Bakit naman kayo mahihiya sa akin? Hindi naman ako iba sa inyo, lumaki ako rito at nagka-isip. Wala kayong dapat na ikahiya.”
“E kasi isa ka nang guro sa Maynila. Samantalang kami ay narito pa rin sa barrio,” sabad naman ni Milagring.
“Sa Maynila lang naman ako nagtatrabaho e, wala namang nagbago sa akin. Ako pa rin naman ang kilala niyong Simon na taga Barrio Maugong.”
Sa kanilang paglalakad ay bigla na lamang sumulpot sa kanilang daraanan ang isang malaki at makamandag na ahas. Dali-daling kumuha si Simon ng malaking kahoy at pinagpapalo ang ahas hanggang sa mawalan iyon ng buhay.
Gulat na gulat ang tatlong babae sa pinamalas na katapangan ni Simon. Hindi nila akalain na kaya sila nitong ipagtanggol.
Napagtanto ng tatlo na hindi nila dapat kinuwestyon ang pagkalalaki nito.
“Maraming salamat, Simon at ipinagtanggol mo kami sa malaki at makamandag na ahas na iyan,” sabi ni Rebeka.
“Walang anuman. Kahit naman sinong lalaki ang nasa sitwasyon ko ay gagawin din ang aking ginawa,” sagot ng binata.
Mula noon ay hindi na nila pinagdudahan pa ang kasarian ni Simon. Mas ikinagulat pa nila nang mabalitaan nila na malapit na itong ikasal sa kababata nitong si Rodora. Napag-alaman nila na kaya pala hindi noon nanliligaw ang binata ay dahil ang kababata nitong si Rodora pala ang pinaka-iibig nito. Naisip nila na ang dalawa rin pala ang nakatadhana sa isa’t isa.


