Inday TrendingInday Trending
Bingi Ako Sa Pangungutya

Bingi Ako Sa Pangungutya

“Jen, ikaw na ang susunod na magii-speech. Mag-ready ka na, ha?”

“Okay, Charee, thank you!” Ngumiti ang dalagang si Jen at marahang tinanguan si Charee, ang event organizer na siyang namahala sa nagaganap na selebrasyon ngayon para sa anibersaryo ng kaniyang alma mater. Inihanda na niya ang sarili. Inayos niya nang kaunti ang kaniyang buhok upang mas magmukhang presentable kapag tumayo na siya sa gitna ng stage.

Hindi maiwasan ni Jen, na hindi magbalik-tanaw sa mga alaala niya sa unibersidad na iyon kung saan siya nagtapos ng pag-aaral. Karamihan man sa mga ʼyon ay hindi ganoon kasaya, itinuturing pa rin niya iyong kayamanan dahil ang mga ʼyon ang isa sa nagturo sa kaniyang kung paano maging matatag sa buhay.

“Oh my gosh! Putol ʼyong mga kamay niya?”

“Ang chaka naman ni Jen, seryoso ba siyang lalaban siya sa art competition? E wala nga siyang mga kamay. Paano siya magpipinta?”

“Pinahihirapan lang niya ang sarili niya.”

Dinig ni Jen ang ilang mga bulungan ng mga nasasalubong niyang kapwa estudyante habang papunta siya sa auditorium ng kanilang university kung saan gaganapin ang art competition na balak niyang salihan. Ilan lang ang mga iyon sa napakaraming negatibong komento ng karamihan tungkol sa kaniyang pagsali, ngunit nananatiling buo ang kaniyang loob na ipanalo ang labang ito para sa kaniyang scholarship.

Nilampasan ni Jenny nang nakangiti at taas noo ang mga nagbubulungang estudyante, kahit pa nga puno ng pangungutya ang mapanuri nilang mga mata.

Dumating siya sa auditorium at isa-isa nang tinawag ang mga pangalan ng kalahok. Kitang-kita ng dalaga kung paanong naningkit ang mata ng ilan sa mga hurado nang siya ay umakyat ng stage at makita ng mga ito ang kaniyang kapansanan.

Ipinanganak si Jen na putol ang mga kamay, ngunit hindi iyon naging hadlang sa dalaga para kahiligan niya ang pagpipinta. Noong bata pa siya ay aksidente niyang nadiskubre ang kaniyang talento nang subukan niyang gumuhit gamit ang kaniyang bibig at doon na nagsimula ang kaniyang passion.

Lahat ay nabigla nang maipanalo ni Jenny ang kompetisyon. May mga natuwa naman, ngunit nakatanggap pa rin siya ng mapangutyang komento, tulad ng:

“Baka idinaan lang niya sa pagpapaawa.”

Ngunit muli ay ni hindi man lang nʼon natinag ang kompiyansa ni Jen sa kaniyang sarili. Iwinagayway niya ang kaniyang tagumpay sa pamamagitan ng pagsali pa nang pagsali sa ibaʼt ibang kompetisyon sa larangan ng pagpipinta. Sunod-sunod ang naging panalo ni Jen, kahit pa nga bawat puntahan niyang event ay nakadirinig siya ng pangungutya mula sa ibang tao.

Sa patuloy na pagsali ng dalaga sa mga ganitong aktibidad ay nakaabot siya sa ibaʼt ibang lugar. Halos nalibot na niya ang buong Pilipinas na talaga namang ikinamangha rin ng karamihan. Nanatiling bingi si Jen sa pangungutya at pinanatili ang paniniwala sa sarili, hanggang sa umabot na siya sa pagsali sa mga kompetisyon sa ibang bansa!

Unti-unting gumawa ng pangalan si Jen na kinilala hindi lang sa sarili nating bansa, kundi pati na rin sa buong mundo. Milyon ang naging halaga ng kaniyang mga obra, na talagang dinarayo pa ng ibaʼt ibang art collectors!

Ngayon nga ay patuloy na naghahatid ng karangalan si Jen, bilang “ang pintor na walang mga kamay” lalo na sa unibersidad kung saan niya unang naipamalas ang kaniyang galing at talento. Sa unibersidad kung saan siya natutong huwag makinig sa pangungutya, ngunit bukas naman para sa kritisismo upang siya ay matuto.

Bumalik si Charee sa kasalukuyan nang marinig na ina-announce na ng emcee ang kaniyang pangalan. Tumayo siya at naglakad patungo sa stage at nagsimulang magsalita.

“…At kung may magtatanong sa inyo kung ano ang sikreto ko sa pag-abot ng aking pangarap, iyon ay ang pagiging bingi ko sa mga negatibong bagay na ibinabato sa akin ng kapalaran. Maniwala ka lamang sa sarili mo,” ang nakangiting pagtatapos ni Jen sa kaniyang speech.

Pinuno ng ingay ng masigabong palakpakan ang buong auditorium ng dati niyang pinasukang unibersidad. Mga palakpak ng humahangang naroroon na ang ilan ay dati pang nangutya sa kaniya noon. Talagang pinatunayan ni Jen sa kanila na hindi sapat ang mga pangungutya upang itaob ang isang taong determinado at may pangarap. Isang taong kinulang man sa pisikal na kaanyuan ay binusog naman ng talento at matatag na kaloobang paniwalaan ang kaniyang sarili sa kabila ng pagdududa ng marami.

Advertisement