Inday TrendingInday Trending
Ang Bistadong Nobyo

Ang Bistadong Nobyo

“Happy 1st monthsary, Mahal! Call me kapag gising ka na. Love you!”

Napangiti si Sofia nang mabungaran ang text sa kaniya ng nobyong si Joshua. Kaybilis ng panahon. Parang kailan lang, nagkukulitan lamang sila ni Joshua sa dating app kung saan sila nagkakilala. Swipe left, swipe right, at nagmatch sila. Isang buwang kulitan, isang buwang pagkikita at pagde-date. Nahulog ang loob ni Sofia kaya hindi na niya pinatagal pa. At ngayon, isang buwan na silang magkarelasyon.

Sabik na pinindot ni Sofia ang call button at tinawagan ang kasintahan. Makalipas ang 30 segundo, sinagot nito ang tawag niya.

“Good morning, Mahal! Happy monthsary!” kahit hindi nakaharap ay abot-tenga ang ngiti ni Sofia. Kahit sandaling panahon pa lamang ang pagkakakilala nila ni Joshua, alam niya sa sarili niyang mahal niya ito. Pangalawa pa lamang si Joshua sa mga naging nobyo niya. Ang una niyang naging kasintahan ay niloko lamang siya. Ipinagpalit siya sa kasamahan nito sa trabaho.

“Hindi pa ‘ko nagbe-breakfast pero parang busog na ‘ko kasi nakita na kita. Good morning, Mahal! Happy first!” nakangiting bati ni Joshua. Kinilig si Sofia. Gwapo talaga ang kaniyang nobyo. Kahit nakaputing t-shirt lamang ito, fresh pa ring tingnan kahit bagong gising. Gusto niya ang feature ng mukha nito, lalo na ang singkiting mga mata.

“Bolero ka talaga, Mahal! Maghilamos ka na nga at magsepilyo…” sabi ni Sofia sa nobyo.

“Kahit hindi pa ko naliligo o nagsesepilyo, fresh ‘to no… ‘di ba?” pagpapa-cute ni Joshua sabay kindat. Pakiramdam ni Sofia ay mahuhulog ang kaniyang puso dahil sa kilig, subalit hindi niya pinahalata.

“Diyan ka magaling sa pambobola! Anong plano mo?” tanong ni Sofia.

“Dinner? Pasyal? Watch movie? Ano at saan ang gusto mo?” tanong ni Joshua.

“Ikaw na ang bahala. You’re the boss,” sabi ni Sofia.

“Sure kang ako na ang bahala at ako na ang boss?” nakangiting tanong ni Joshua. Natunugan ni Sofia ang kahulugan ng pilyong ngiti ng nobyo kaya hindi niya maiwasang mamula.

“Bakit nagba-blush ang Mahal ko? Naisip mo ba ang naisip ko? Papayag ka na ba, Mahal? Is it a yes?” tanong ni Joshua.

Halos dalawang linggo pa lamang simula nang sinagot ni Sofia si Joshua ay hinihingi na nito na magcheck-in sila sa isang motel, subalit hindi pumayag si Sofia dahil wala pa siyang karanasan.

“Tumigil ka diyan, Joshua. Wala pa nga tayong isang taon, o kaya anim na buwan. Patunayan mo muna na karapat-dapat ka. Ikaw talaga…” pagsusuweto ni Sofia. Ang totoo, nakararamdam din siya ng mga kakaibang init sa katawan, subalit pinipigilan niya ito dahil naniniwala siyang ibinibigay lamang iyon sa lalaking magiging asawa niya at makakasama habambuhay. Old school at corny man, subalit iyon ang paniniwala ni Sofia simula pagkabata pa, na hanggang ngayon ay patuloy niyang pinanghahawakan.

Kitang-kita ni Sofia ang paglamlam ng mukha ni Joshua. Subalit muli naman itong sumigla.

“Handa naman akong maghintay. For sure bibigay ka rin sa akin. Joke! Sige na, babangon na ako, at kita tayong mamayang gabi. I love you!” sabi ni Joshua habang kumakaway.

“I love you! See you later,” nakangiting pamamaalam ni Sofia sa kasintahan habang nagpa-flying kiss pa siya.

Dahil isang buwan na sila, isang balak ang naisipan ni Sofia. Nadala na siya sa panloloko ng kaniyang unang nobyo, kaya isang pagsubok ang gagawin niya kay Joshua. Hindi alam ni Joshua na may isa pa siyang cellphone. Kunwari, magpapakilala siyang textmate. Gusto niyang subukin kung papatol ang kasintahan kung halimbawang magpapakilala siyang “maharot” na babae.

“Hi…” pagpapadala niya ng text.

Bumilang siya ng isang minuto, at kagyat na tumugon ang kasintahan.

“Who’s this?” tanong ni Joshua.

Natawa si Sofia. Kapag nagkamali ng sagot ito, agad niyang hihiwalayan ang nobyo, hanggang maaga pa.

“Mae here from Quezon City. Wanna have fun?” tugon ni Sofia.

Wala pang limang segundo ay agad na tumugon si Joshua.

“Nope. Sorry. I’m not interested.”

Natuwa naman si Sofia sa tugon ni Joshua. ‘Faithful ang kumag!’ sa isip-isip niya.

“Why? Taken? Married? Kunwa’y tanong ni Sofia.

“Single but committed. In a relationship,” tugon ni Joshua.

Halos pumalakpak naman ang mga tainga ni Sofia. Mukhang seryoso nga sa kaniya si Joshua. Hindi na niya tinugunan ang sagot na iyon ng nobyo.

Pumasok sa kani-kanilang trabaho sina Sofia at Joshua. Nagtatrabaho sa isang BPO company si Joshua habang si Sofia naman ay teller sa bangko. Matapos ang kanilang mga trabaho, nagkita sa isang mall sa Ortigas ang magkasintahan. Kumain sila sa isang restaurant, at nanood ng sine pagkaraan. Dahil last full show ang pinili nila, wala na masyadong nanonood. Habang nasa kalagitnaan ng panonood, naramdaman ni Sofia ang paggapang ng isang kamay ni Joshua sa kaniyang mga hita. Agad niyang tinampal ang mapangahas na kamay nito.

“Hindi po popcorn ang hita ko, Kuya…” bulong niya sa nobyo.

“Sige na kasi… pumayag ka na Mahal… mag-iingat tayo…”

Dumaiti ang mga labi ni Joshua sa leeg ni Sofia, kaya nagulat si Sofia at awtomatikong umangat ang isa niyang kamay at dumapo sa pisngi ng nobyo. Napapitlag si Joshua sa pagsampal ng kasintahan. Kahit madilim, nabanaagan niyang naningkit ang mga mata nito.

Wala silang kibuan hanggang sa matapos ang palabas. Dahil may motor naman, inihatid ni Joshua sa Sofia sa tinutuluyan nito.

“Sorry kanina,” paghingi ng paumanhin ni Joshua.

“Okay na iyon, huwag lang mauulit,” sabi ni Sofia. Ginawaran niya ng halik sa pisngi ang nobyo at pagkaraan ay nagpaalam na rito.

Nang makapag-evening routine at makahiga na si Sofia, handa na sana siyang matulog nang biglang tumunog ang isa niyang cellphone. Bumangon siya at kinuha ito. Nagulat siya dahil text ito mula kay Joshua.

“Hi Mae. Still up? Ano bang fun ang sinasabi mo? Baka okay sa akin.”

Namula si Sofia at hindi siya makapaniwala sa text ni Joshua. Akala niya ay faithful sa kaniya ang nobyo, subalit ano itong mensaheng ito? Tinugunan ito ni Sofia.

“Why are you still contacting me? I thought you are already committed,” tugon ni Sofia na nagpapanggap bilang Mae.

“Wala eh. KJ ng girlfriend ko. I just thought na baka puwede ka tonight? Let’s have fun?”

Tuluyan nang napatayo si Sofia. Hindi niya malaman ang mararamdaman niya. Pakiramdam niya ay nahulog siya sa hukay na siya mismo ang gumawa upang malaman kung tapat ba sa kanya ang si Joshua. Sa kabilang banda, naisip niyang sadyang manloloko rin si Joshua kaya naisip niyang makipaglaro dito.

“Sure. Let’s meet now,” sagot ni Mae.

Matapos magbigay ng detalye sa lugar na kanilang pagkikitaan, buo na sa isip ni Sofia na gulatin si Joshua. Ilang minuto lamang at nagkita na sila sa lugar na iyon. Subalit bago tuluyang magpakita si Sofia, tinext muna niya at kinumusta si Joshua. Tumugon ito na matutulog na. ‘Sinungaling!’ sa isip-isip ni Sofia.

Laging gulat ni Joshua nang makita si Sofia sa lugar kung saan sila magkikita ni “Mae”.

“M-Mahal.. anong ginagawa mo rito?” nauumid na tanong ni Joshua.

Nakangising nameywang si Sofia. “Hi… I’m Mae nga pala. Nagulat ka ba? Puwes, ako rin nagulat. Hindi ako makapaniwala na isa kang assh*le, isa ka ring manloloko! Mabuti na lang at maagang nangyari ito bago mo pa mabilog ang ulo ko. Break na tayo!” sabi ni Sofia, sabay talikod. Walang nagawa si Joshua. Natameme ito at hindi makapaniwala sa mabilis na mga pangyayari.

Ipinangako ni Sofia sa kaniyang sarili na hinding-hindi na siya magpapaloko sa sinumang lalaki, lalo na sa mga lalaking atat na atat na makuha ang kanilang mga gusto.

Advertisement