Ang Boyfriend Kong Beki

“Hoy Nikkie, ano na naman iyan?! Kailan ka ba makaka-move on kay Neil?” pagsaway ni Isha sa kaibigan nang mahuli itong nitong nakatitig sa litrato ng kanilang kaibigang si Neil.

“Beh, Kailan mo ba mare-realize na hindi ka gusto niyan at hindi ka magugutuhan niyan? May itsura ka naman, sexy ka pa! Bakit hindi ka na lang humanap ng iba? My gosh girl, may mga nagpaparamdam naman sa’yo pero tinatarayan mo, at si Neil pa talaga yung hinahabol mo. Shunga ka ba talaga?” dagdag pa ni Isha.

“Alam teh, ewan ko ba. Hindi ko naman kasi kontrolado itong puso ko. Tanda mo dati, ang crush ko yung prof natin na 38 years old na? Ilang taon din akong nabaliw doon. Buti na nga lang at lumipat na ng university iyon, kung hindi, nako baka hanggang ngayon ay nahihibang pa rin ako.” tugon ni Nikkie habang natatawang binabalikan ang nakaraan.

Parehas estudyante sina Nikkie at Isha sa isang sikat unibersidad sa Maynila. Parehas din sila ng kursong kinukuha at miyembro ng theater guild kung saan nila nakilala si Neil. Sa unang tingin naman talaga ay hindi mo magugustuhan si Neil, pero dahil sa galing niya sa pakikisama at pagpapatawa ay unti-unting nahulog ang loob ni Nikkie rito.

“You’re nothing but a second rate, trying hard copy cat!”

“Bullsh*t!”

“Imbecile!”

“Sh*t! Ano yung imbecile?”

Advertisement

“Walang sa’yo Nicole! Akin lang ang asawa ko!”

“Pero hindi mo siya pag-aari!”

“OMG! Okay ka lang ba Neil? Grabe yung sampal sa’yo. Ang galing-galing niyo umarte,” pambungad na bati ni Nikkie kay Neil nang lumabas ito sa entablado matapos and isang eksena sa kanilang theater play.

“Sanayan lang talaga kapag umaarte ka. Kaya dapat maging handa ka lagi. Kasi sa theater, hindi mo pwedeng iwasan ang sampal. Kahit batid mo na, hindi dapat ito mababakas sa mukha mo,” tugon naman ni Neil.

“Teka, hala! Bakit may dugo yung pisngi mo? Wait lang, napalakas ata ang sampal sa iyo?” pag-aalala ni Nikkie nang makita ang sugat sa pisngi ni Neil.

“Ah, wala ito. Pumutok lang yung tigyawat ko nung sinampal ni ate kanina,” natawang sabi ni Neil kay Nikkie upang kumalma ito.

Nagtawanan ang dalawa dahil dito at hindi sinasadyang nakatawag ng atensyon sa ibang kasamahan nila sa back stage. Tumawa din naman ang iba nang marining ang nangyari.

Sa hindi sinasadyang pangyayari ay biglang nabanggit ni Nikkie na ang mga salitang “kaya crush na crush kita e. Loko ka talaga!” biglang tumigil sa pagtawa si Neil. Kahit na iniisip niya na nagbibiro lang si Nikkie ay hindi siya mapakali, pero sa halip na tumigil ang mga kasamahan ay mas lumakas pa ang tawanan nila.

Advertisement

Dahil sa pangyayaring ito ay naging madalas na ang pagbibiro ng ibang miyembro ng theater guild kay Neil. May mga oras din na mababakas sa mukha ni Neil ang pagkainis sa tuwing bibiruin siya tungkol kay Nikkie. Hindi naman ito napapansin ni Nikkie at sa halip ay mas lumakas pa ang loob niya na ipakita ng kanyang tunay na nararamdaman, rason kung bakit mas tumindi ang galit ni Neil.

Lumipas ang panahon at unti-unting lumayo ang loob ng binata kay Nikkie. Halata sa kilos nito na ayaw niyang pansinin ang dalaga at madalas hindi niya iniimik si Nikkie hangga’t hindi siya kakausapin nito. Nang lumaon ay napansin na rin ito ni Nikkie at nagpasya siya na kausapin na si Neil.

“Neil, pwede ba tayong mag-usap? Galit ka ba sa akin?” tanong ni Nikkie.

“Hindi naman. Naiirita lang ako sa pang-aasar nung mga kasama natin” malamig na tugon ni Neil.

“Kasi simula nung sinabi kong crush kita, nag-iba na yung trato mo sa’kin” dagdag pa ni Nikkie.

“Ayun na nga ang problema. Hindi kasi nakakatuwa yung biro mo. Bakit kailangan mong sabihin yon?” naiinis na sagot naman ng binata.

“E anong magagawa ko? Ikaw ang gusto ko. Hindi ko alam basta gusto kita!” pag-amin pang muli ng dalaga.

Tumigil na sa pagsasalita si Neil dahil sa inis, ngunit patuloy pa rin sa pangungulit si Nikkie. Dahil dito, nagpasya si Neil na umuwi na, pero hindi ito ang nagpatigil kay Nikkie.

Advertisement

Dahil sa sobrang gusto niya na magka-ayos sila at magustuhan din siya ng lalaki ay sinundan niya ito pauwi sa kanilang bahay.

Nang malapit na makauwi ng bahay si Neil ay napansin niya na sumunod pala sa kanya ang dalaga. Sa sobrang galit ay nasigawan niya ito.

“Ano ba?! Hindi na ako natutuwa sa ginagawa mo ha?! Hindi mo ba alam kung gaano ka creepy ‘yang ginagawa mo?!”

“Sorry Neil, sorry! Sorry kung nagalit ka, pero hindi ko na kasi mapigilan ‘tong nararamdaman ko sa’yo. Mali ba na minahal kita? Hindi ko naman mapipigilan ito…” tugon ni Nikkie habang umiiyak.

“OO! Maling mali, kasi hindi porket may gusto ka sa akin ay obligado na akong gustuhin ka din. Hindi ako masamang tao, Nikkie pero nakakahiya na iyang ginagawa mo. Hindi pa ba halata na b*kla ako?!” galit na pagtatanong ni Neil.

“Nagbabakasakali lang naman ako Neil. Kasi tanggap naman kita e. Tanggap ko kung ano ka!” sambit ni Nikkie.

“Kung tanggap mo, bakit mo ba ako pinapahirapan ng ganito? Beh, b*kla ako oh! Mas makapal pa ang make-up ko sa’yo. Mas mahaba pa buhok ko sa’yo. Mas malandi pa ako manamit sa iyo. Pusong babae ako, at lalaki ang gusto ko! Kung tanggap mo ako, bakit mo ko pinapahiya sa harap ng maraming tao?” sagot ni Neil.

Parang sinampal ng katotohanan si Nikkie sa mga salitang binitiwan ni Neil. Kahit masakit sa kanyang puso ay humingi na lamang siyang ng paunmahin at umalis na. Dahil doon, umalis muna sa teatro ang dalaga at pinilit niyang lumayo para kalimutan ito.

Advertisement

Makalipas ang ilang buwan na bakasyon, balik eskwela na ang mga estudyante. Huling semester na rin para kay Nikkie dahil ga-graduate na siya. Huling pagtatanghal na rin ang kanilang gagawin para sa mahal na organisasyon.

“Nikkie, may nagpapabigay sa’yo,” pag-aabot ng isang bugkos na pulang roses ng isa nilang kasamahan.

“Teka, sino? Bakit?” naguguluhang tanong ng babae.

Maya-maya pa, pumukaw ng atensyon niya ang isang lalaki. Posturang-postura ito at tila ba pamilyar sa kanya.

“Excuse me, bago ka rito?” tanong ng babae.

“Ha?” gulat na sagot naman ng binata.

Nanlaki ang mga mata ni Nikkie nang mapagtanto na si Neil ang kanyang kaharap. Maiksi na ang buhok nito, nakadamit panlalaki at wala nang make up. Lalo tuloy itong gumwapo.

“Anong nangyari sa’yo? I mean, bakit nag-iba ka?” tanong ng dalaga.

Advertisement

“Tsss.” Namula ang mukha ng lalaki at saka umirap, sabay talikod sa dalaga.

“Wait, Neil! Sorry! ‘Di ko sinasadyang ma-offend ka!” paghabol ng dalaga.

“Ano ba?! ‘Wag ka na ngang sumunod! Umalis ka na, please!” patataboy pa ng binata.

“Bakit? Galit ka pa rin ba? ‘Di pa rin ba tayo okay? Sige… pasensya na…”

Tatalikod na sana ni Nikkie nang biglang kinuha ni Neil ang kaniyang mga kamay sabay hinugot siya papalapit sa dibdib.

“A-ano ‘to?”

“’Wag kang magsalita, baka halikan kita diyan!” pagbabanta pa ng binata.

“T-teka-” hindi na nakapagsalita pa ang dalaga dahil biglang siyang binigyan ng isang madiin na halik ng lalaki.

Advertisement

Sa 17th floor na rooftop ng kanilang paaralan, doon nagtapat ng pag-ibig ang dating binabae.

“Sorry Nikkie. Nagalit ako sa’yo noon kasi hindi ko maipaliwanag yung nararamdaman ko. Gulong-gulo ako kasi parang may mali. Hindi ko dapat naramdaman iyon, pero nahulog kasi ako sayo. Beki ako. Halata naman di ba? Pero yung beking puso ko ay nahulog sa merlat na katulad mo!

Kaya magmula noon, binago ko yung sarili ko. Nagbago ako para sa’yo. Nikkie, alam mo lahat ng nangyari sa akin, pero kahit na ganoon, tatanggapin mo pa rin ba ako? Tatanggapin mo pa rin ba ang pag-ibig ko?” naluluhang tanong ng lalaki.

“Oo, Neil. Lahat-lahat sayo. Pati na yung mga bagay na ayaw mo sa sarili mo, mamahalin ko,” maligayang tugon naman ng dalaga.

Iyon ang naging simula ng maganda nilang pagsasamahan. Mahirap ngunit naging maganda ang takbo ng relasyon nilang dalawa. At makalipas ang tatlong taon, ikinasal sila Nikkie at Neil at biniyayaan ng isang baby girl na pinangalanan nilang “Althea.” Hango mula sa salitang “theatre” kung saan sila unang nagkakilala.

Napakamakapangyarihan ng pag-ibig. Nagagawa nitong baguhin ang mga bagay na akala natin ay hindi na mababago pa. Kaya kapag natagpuan na natin ito, huwag nang pakawalan pa.