Inday TrendingInday Trending
Ugali Muna Bago Kakayahan

Ugali Muna Bago Kakayahan

“O, Rodolfo, saan ka pupunta?” tanong ni Derik sa kaibigan niyang nakasalubong lamang sa eskinita. Nagulat at napahanga siya sa ayos ng kasuotan nito na tila ba may dadaluhang pormal na pagdiriwang. Bahagya itong hinarang upang makita ng malapitan ang damit nito.

“Babalik ako ngayon sa pinag-aplayan kong kumpanya, eh. Pinapabalik ako para sa huling interbyu. Huli na nga ako, eh, huwag mo na akong guluhin at harangin!” nagmamadaling sagot ni Rodolfo, bahagya lamang siyang tumigil sa tapat ng kaibigan saka muling nagpatuloy sa paglalakad.

“Naku, nawa’y gabayan ka ng Diyos! Kaya mo ‘yan! Huwag mo nang sayangin ‘yang pagkakataon na ‘yan!” habol sigaw ng kaniyang kaibigan dahilan upang bahagya siyang mapangiti.

“Oo nga, eh, dito na ako! Kapag ako nahuli malilintikan ka sa’kin!” inis na sambit niya saka tuluyan nang naglakad palayo sa humahangang kaibigan.

Halos limang buwan nang naghahanap ng trabaho ang binatang si Rodolfo at kahit saan siya mag-aplay, palagi siyang umuuwing luhaan. Ito ay marahil sa kaniyang problema sa pag-uugali. Magaling naman siyang makipag-usap at tila may potensyal rin sa pagiging isang manager, ngunit tila palagi siyang bumabagsak sa pagsusulit na patungkol sa pag-uugali’t pagpapasensya.

Ngunit kahit man ganito ang kaniyang ugali, tila pinalad siyang makapasa hanggang sa unang interbyu sa isang kumpanyang kaniyang sinubukang aplayan. Labis na lamang ang kaniyang tuwa nang malamang muli siyang pinapabalik para sa huling interbyu.

Agad-agad siyang naligo’t nagbihis nang makatanggap ng tawag mula sa kumpanyang inaplayan niya. Nagmadali siyang umalis pagkat tatlong oras pa ang kinakailangan niyang lakbayin para makaluwas ng Maynila.

Habang nasa daan ang binata, ganoon na siya pinuspusan ng pagsubok, hindi siya kaagad nakasakay ng bus, nakasakay man siya, punuan naman at kinailangan niyang tumayo ng mahigit isang oras makarating lamang sa kaniyang pupuntahan na labis niyang ikinainis. Tila nagusot-gusot kasi ang kaniyang damit dahilan upang bulyawan niya ang sinumang didikit o mapapasanggi sa kaniya.

Nang makarating na sa Maynila, agad na siyang sumakay ng taxi upang idiretso na siya sa kaniyang pupuntahang kumpanya. Kalahating oras bago ang takdang oras ng kaniyang interbyu at para sa kaniya, huli na siya sa pagdating. Nais niya kasing tatlumpung minutong maaga, para raw may magandang impresyon sa kaniya ang mag-iinterbyu.

Ngunit tila trapik sa dinaang lugar ng drayber dahilan upang mag-alboroto siya nang labis. Halos sampung minuto na ang nakakalipas at hindi pa rin sila nausad dahilan upang bumaba na siya rito at maglakad na lamang.

“Nakakainis! Gusot-gusot na nga ang damit ko at pawisan, late pa ako! Baka hindi na talaga ako matanggao nito!” inis niyang sambit habang naglalakad at abala sa pagpipindot ng kaniyang selpon. Hinahanap niya sa mapa kung saan siya pwedeng dumaan. Ngunit bigla na lamang may isang batang babaeng sumalubong sa kaniya at natapunan siya ng ice cream sa pantalon.

“Anak ng!” sigaw niya dito dahilan upang umiyak ang bata, “Ikaw na nga ang nakadisgrasya, ikaw pa ang iiyak!” bulyaw niya dito saka pinunasan ang kaniyang pantalon. Nagulat naman siyang pag-angat niya ng ulo niya, nasa harapan na niya ang isang ginoong nag-interbyu sa kaniya noong una, karga-karga ang umiiyak na bata.

“Kung pagkakamali lang ng bata hindi mo pa magpasensyahan, paano mo magagawang ayusin ang problemang gawa ng kapwa mo empleyado? Sayang, pwede ka pa namang team leader o manager,” sambit nito dahilan upang ganoon na lamang siya manlumo, inakma niyang habulin ito upang humingi ng pasensya ngunit hindi na siya nito pinansin at agad-agad sumakay ng sasakyan kasama pa rin ang anak niyang nakatapon sa kaniya.

Mangiyakngiyak na binatuk-batukan ni Rodolfo ang sarili, “Kailan ka ba magtitino, Rodolfo? Habambuhay ka na atang magiging tambay dahil sa ugali mo, naku!” ‘ika niya sa sarili at doon na tuluyang bumuhos ang kaniyang luha. Labis ang kaniyang paghihinayang sa kaniyang napalampas na oportunidad.

Simula noon, pinangako na niya sa sariling labis nang pipigilan ang masama niyang pag-uugali na talaga nga namang nagawa niya dahilan upang matanggap siya sa isang trabaho apat na buwan lang ang nakalipas.

Dito niya nagamit nang husto ang aral na kaniyang nakuha mula sa ginoong nag-interbyu sa kaniya. Aanuhin nga naman ang kalidad ng pag-iisip at pagsasalita sa trabaho kung mabaho naman ang ugali. Dito niya mas natutunan ang magpatawad sa pagkakamali ng iba at paghingi rin ng kapatawaran sa kaniyang pagkakamali dahil ‘ika niya, “Tao lang tayo, at isa lang ang pwedeng humusga sa atin, hindi ako, hindi ikaw, kundi ang nasa itaas.”

Sa pagkuha ng empleyado, nararapat ding subukin ang pag-uugali dahil kahit bali-baliktarin ang mundo, hindi magagamit ng tama ang talento’t husay kung hindi maganda ang pag-uugali ng tao.

Advertisement