
Ang Paglipad ni Maita
Hindi maintindihan ni Maita ang kilabot na kaniyang naramdaman matapos marinig ang mga balita hinggil sa mabilis na pagkalat ng kinatatakutang virus sa buong panig ng daigdig.
“Naku, nakakatakot naman… hindi mo na sigurado kung ligtas pa ba ang mga makakasalamuha mo ngayon. Kaya ikaw Maita, mag-iingat ka sa mga nakakahalubilo mo. Magresign ka na nga sa trabaho mo kaya?” untag sa kaniya ng inang si Aling Marsha habang nagtitiklop ng mga damit na kinuha mula sa sampayan.
“Ma? Hindi po pwede. Marami po akong bayarin, saka isa pa, paano na ang pag-aaral ni Marco? Ang bayad sa upa dito sa bahay? Pampagamot ninyo?” balik na tanong ni Maita sa kaniyang ina. Nagtatrabaho sa airport si Maita bilang takilyera. Sa pananalasa ng COVID-19, talagang nasa bingit ng kapahamakan ang mga nagtatrabaho sa ganoong industriya.
“Sus… sa galing mo naman, tiyak na makakahanap ka ng iba diyan. Saka, hindi mo nagagamit ang kursong tinapos mo…” nasabi na lamang ni Aling Marsha. Hindi na niya nadugtungan ang kailangang sabihin dahil nilapitan siya ng anak at niyakap mula sa kaniyang likuran.
“Hayan na naman si Mama… uungkatin na naman ang nakaraan. Ayos na nga ako. Tanggap ko na,” nakangiting sabi ni Maita sa kaniyang mama. Inilapat niya ang kaniyang bibig sa ulo ng madaldal na ina.
“Eh totoo naman kasi…”
“Ssshhh… oh, tama na… alam ko na iyan,” natatawang putol na naman ni Maita sa kaniyang ina. Baka kung saan na naman mapapunta ang usapan.
“Aalis na ako, Ma. Love you,” paalam ni Maita. Hinalikan niya sa pisngi ang ina.
“Ingat, ‘nak. Nagbaon ka ba ng extra face mask? Nagdala ka ba ng alcohol?” pangungulit na tanong ni Aling Marsha.
“Yes ma, kahit hindi na sabihin…” nakangiting sagot ni Maita, at tuluyan nang lumabas ng kanilang bahay.
Totoo ang sinabi ni Aling Marsha na hindi nagagamit ni Maita ang kaniyang tinapos na Bachelor in Computer Science. Pangarap ni Maita ang maging isang flight attendant. Pangarap niyang makasakay ng eroplano at makapaglakbay sa buong mundo. Pangarap niyang makapunta sa London. Sabi ni Aling Marsha, taga-London daw ang kaniyang amang hindi nakagisnan. Gusto niyang makilala ang ama.
Sa kagustuhan mang maging flight attendant, hindi naman kaya ni Aling Marsha ang ganoong kamahal na kurso. Ayaw niyang maging pabigat sa kaniyang mahal na ina, kaya minabuti niyang kalimutan ang mga pangarap. Computer Science ang kaniyang kinuha; mas swak sa budget.
Kaya nang magkaroon ng job opening sa airport, agad na nag-apply si Maita. Hindi man siya naging flight attendant, at least, malapit-lapit na rin siya sa trabahong nais niya. Sa tuwing nakakikita siya ng mga eroplano, pakiramdam niya ay nakasakay na rin siya sa mga ito. Pakiramdam niya’y lumilipad din siya upang maabot ang kaniyang mga pangarap. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na magiging flight attendant din siya. Pag-iipunan niya ito.
Kapag may sapat na siyang ipon, mag-aaral ulit siya ng kursong nasa puso niya. Sa ngayon, ang tanging problema niya ay wala pa siyang sapat na impok sapagkat siya ang gumagastos sa kanilang bahay. Bukod sa mga bills at iba pang pangangailangan, siya rin ang nagpapaaral sa kaniyang kapatid na si Marco at bumibili ng maintenance para sa hypertension ni Aling Marsha.
Pagdating sa airport, agad na nagsuot ng face mask si Maita at nagpahid ng alcohol. Habang naglalakad sa kaniyang booth, nagkagulo ang mga tao sa isang bahagi ng terminal. Isang matandang babae ang nakahandusay sa sahig, kumikisay-kisay, naka-face mask, at sa tantya ni Maita, ay parang Intsik. Walang may gustong lumapit sa matandang babae. Iniisip ng lahat na baka tinamaan ito ng COVID-19.
Hindi kinaya ni Maita ang kaniyang nasaksihan. Nilakasan niya ang loob. Nilapitan niya ang matandang babae at inalalayan ito. Tinulungan niya itong makatayo. Inilabas niya ang kaniyang bitbit na bottled water at ipinainom sa babae.
Saka naman dumating ang mga clinician at nurse ng airport upang sumaklolo sa matandang babae. Hindi naman pala Intsik ang matandang babae. Isa itong Pilipina at napagkamalan lamang dahil medyo singkit ang mga mata. Wala namang lagnat ang babae. Wala ring ubo at sipon, subalit ito ay may sakit na seizure. Hanggang sa huli ay hindi umalis si Maita sa tabi ng matandang babae.
Nang mahimasmasan, labis-labis ang pasasalamat ng matandang babae kay Maita, na isa palang mayamang negosyante. Tinanong niya si Maita kung ano ang pangarap niya sa buhay. Tapat na sinabi ni Maita na pangarap niyang maging flight attendant, at isinalaysay dito kung bakit siya nagtatrabaho sa ticket booth ng airport.
“Dahil sa kabutihang ginawa mo sa akin, sana tanggapin mo ang alok ko sa iyong scholarship. Sagot ko na ang pag-aaral mo,” masayang sabi ng matandang babae.
May sarili palang paaralan para sa mga nagnanais maging piloto at flight attendant ang matandang babae. Binigyan niya ng full-time scholarship si Maita, dagdag pa ang monthly allowance. Matapos ang ilang taon, nakatapos ng pag-aaral si Maita. Nakapasa siya sa board exam at agad na namasukan bilang flight attendant.
Hindi malilimutan ni Maita ang kaniyang unang pagsampa sa eroplano. Labis-labis ang naging pasasalamat niya kay Mrs. De Leon, ang tumulong sa kaniya, upang maabot niya ang alapaap ng kaniyang mga pangarap.