“S-salamat po nang marami, Sir! Makakauwi rin ako sa wakas nang maaga!”
Matamis na ngiti ang isinukli ng babaeng naglalako ng lumpiang togue sa kahabaan ng kalsadang iyon sa isang baranggay sa Quezon City, matapos pakyawin ni Mr. Gallego ang paninda nito, habang sakay ng kaniyang magarang kotse kasama ang isa sa tatlo niyang mga anak na lalaki, si Francis.
Takang-taka ang bata habang pinagmamasdang maigi ang papalayong pigura ng babaeng iyon na tila ba hindi nito mawari kung ano ang dahilan, bakit palaging ginagawa ng kaniyang ama ang ginawa nito? Noon pa man kasi ay matulungin na si Mr. Gallego.
“Dad, why are you always giving the poor people some money?” pagsasatinig ni Francis sa tanong sa kaniyang isipan nang maakaalis na ang naturang tindera ng lumpiang togue.
“Why? Did I give her money? Hindi naman, ah! Binili ko lang ang lahat ng tinda niya,” tatawa-tawang sagot naman ni Mr. Gallego sa anak.
“No, Daddy! You gave her money, just now. Sabi mo po, bibilhin mo na ang lahat ng tinda niya, pero hindi mo naman po kinuha, e. Umalis na po siya dala ʼyong money na ibinigay mo pati na rin ʼyong mga lumpiang togue na binili mo na, Daddy. Kaya po, binigyan mo lang siya ng money. You did not buy anything. She might sell it again, kahit po binayaran nʼyo na siya, Daddy,” giit pa ng batang hirap pa sa pagtatagalog. Lumaki kasi ito sa U.S. dahil doon ito ipinanganak. Doon din kasi naninirahan noon ang buong pamilya ni Mr. Gallego bago siya magdesisyong umuwi ng Pilipinas at dito na manirahan. Ganoon pa man, hindi kailan man inalis ni Mr. Gallego sa mga ito ang karapatang matutunan ang paraan ng paggalang ng mga Pilipino sa mga nakatatanda, ʼtulad na lang ng paggamit ng po at opo sa tuwing may kausap na mas matanda.
“Lumapit ka sa akin, anak… Come and look at her, ʼtapos tingnan mo kung ano ang gagawin niya sa mga panindang binayaran ko na sa kaniya.” Mas ibinaba pa ni Mr. Gallego ang bintana ng kaniyang sasakyan upang ipakita sa anak na si Francis kung ano ang gagawin ng tindera sa mga paninda nitong pinakyaw na niya.
Napasinghap naman ang batang si Francis matapos makitang masayang ipinamigay ng tindera nang libre ang kaniyang mga paninda sa mga batang kalyeng pagala-gala sa daanan o ʼdi kayaʼy sa ilang nagpapahingang construction workers na nagtatrabaho sa isang ginagawang mall sa gilid ng kalsada.
“Nakita mo ba, anak, kung ano ang nagawa ng pagiging mabuti sa kapwa? Iyong mga taong pinakitaan mo ng mabuti, ipapasa nila ang kabutihang iyon sa iba. Pagkatapos, iyong mga nakatanggap ng kabutihan mula sa kaniya, ipapasa rin naman nila sa iba pa and then the story will just repeat itself everytime na may gagawa ng kabutihan para sa kapwa. Isnʼt that great? ʼYon ang kahalagahan ng kabutihan sa buhay ng tao, katulad ng tanong sa inyo ng Filipino Teacher nʼyo sa school,” ang nakangiti pang pangaral ng amang si Mr. Gallego sa pitong taong gulang na anak.
“Ganoʼn pala ʼyon, Daddy! Now, I understand. From now on, palagi na rin po akong magpapakita ng kindness sa lahat po, so, ipapasa rin nila ʼyong kabutihan sa iba… and you know what, Daddy? I am so blessed that you are my father. Thanks for helping me sa homework ko po, Daddy!”
Masayang bumalik sa kanilang tahanan ang mag-ama matapos ang pangangaral na iyon ni Mr. Gallego, para lamang talagang ipa-intindi nang lubusan sa anak ang nilalaman ng mga sagot sa homework nito. Sa ganoong paraan kasi ay maisasapuso rin ng bata ang aral na nakapaloob dito.
Kinabukasan, nang makauwi si Francis mula sa school ay masaya nitong ipinakita sa ama ang three stars na nakatatak sa likod ng kaniyang palad, tanda, na naging maganda ang performance nito ngayong araw at mahusay ang pagsagot nito sa homework na ibinigay sa kanila. Masayang-masaya naman si Mr. Gallego, lalo pa at makailang ulit din niyang narinig si Francis na sinasabi ang pangaral na iyon sa kapatid nitong mas bata sa kaniya. Makailang ulit din niyang narinig si Francis na nagdarasal sa Diyos at nagpapasalamat dahil siya ang ibinigay ng Diyos na maging ama nilang magkakapatid.