Inday TrendingInday Trending
Si Mama, Pakialamera!

Si Mama, Pakialamera!

Isang normal na araw na naman para sa dalagang si Nancy. Matapos pumasok sa kaniyang trabaho bilang sekretarya sa isang opisina sa Makati, diretso na ang bente-tres anyos na babae sa paboritong tambayan ng kaniyang mga barkada.

“One iced coffee, less sugar please!” nakatutok sa cellphone niyang sinabi sa lalaking nasa kahera ng coffee shop.

Nakangiti namang tumugon ang binata. Sa isip-isip niya, nariyan na naman ang dalagang walang ibang ginawa kundi kalikutin ang cellphone niya.

“Nancy! Nakakaloka talaga ang mama mo. Nagreply doon sa crush mo na nag-comment sa Facebook picture mo!” panimulang bati ng tatawa-tawang kaibigan niyang si Dorothy.

Tila tinakasan ng kulay ang mukha ni Nancy nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Nako po! Nangialam na naman ang mama niya! Nakakahiya!

“Punong-puno na talaga ako riyan kay mama e! Tingnan mo naman, palagi akong pinapahiya sa mga tao! Akala ba niya nakakatuwa ‘tong paganito-ganito niya?!” nanggagalaiting sabi ni Nancy habang binabasa ang komento ng ina sa kaniyang litrato.

“Bakit ka ba galit na galit? Ang cute nga ng mama mo e! Nirereto ka pa nga sa crush mo oh! Sana all!” sabat naman ng kaibigan niyang si Sarah.

Nagkomento kasi si Alvin, ang binatang matagal nang gusto ni Nancy, ng “Ang ganda mo naman!” sa profile picture niya sa Facebook. Sumagot naman ang kaniyang ina at sinabing “Maganda talaga ang anak ko! Mabait din, at magaling magluto! Kaya nga dapat matagal mo nang niligawan ‘yan e.”

“E basta! Baka isipin ni Alvin ako lang ang nagreply noon tapos ginamit ko lang yung Facebook ni mama. Basta, nakakahiya! Epal kasi e!” gigil pa ring wika ni Nancy.

Sa pagkakataong iyon, alam niya ang tanging solusyon sa problema niya. Iba-block niya ang mama niya! Hindi naman din noon iyon malalaman. Sasabihin na lamang niya na binura na niya ang Facebook niya upang hindi na ito magtanong pa.

Inabot na naman ng alas-dos ng madaling araw itong si Nancy bago pa nakauwi sa bahay nila. Gayunpaman, hinintay at sinalubong pa rin siya ng kaniyang inang si Teresita kahit halata sa mata nito na siya ay antok na antok na.

“‘Nak! Ba’t ganoon? Sinusubukan kitang tawagan sa Facebook, kaso ayaw na? May error na lumalabas, hindi ko naman maintindihan ito,” ani Teresita sa kaniyang anak.

“Ah, wala ‘yan. Binura ko na kasi ang account ko riyan. Tutulog na ako, may pasok pa ‘ko bukas,” walang kagana-ganang sagot ni Nancy. Kahit ganoon ang dahilan niya, nakasubsob pa rin ang mukha niya sa cellphone niya.

Wala nang nagawa pa si Teresita nang pagsarhan na siya ng pintuan ng kaisa-isa niyang anak. Nagtungo na lamang ito sa sarili niyang silid at pilit na sinusubukang maayos ang “sira” ng kaniyang cellphone.

Ilang linggo ang lumipas at ganoon pa rin ang samahan ng mag-ina. Hanggang sa isang gabi, bigla na lamang sinumpong ng napakataas na lagnat itong si Nancy. Agad naman siyang isinugod sa ospital ng kaniyang ina.

Matapos mabigyan ng paunang lunas, agad hiningi ng dalaga ang kaniyang cellphone. Nagchat siya sa mga kaibigan niya upang ipagbigay alam na nasa ospital siya. Buong akala niya ay dadalawin siya ng mga ito, laking panlulumo niya nang sunod-sunod na matanggap ang sari’t-saring dahilan ng mga ito.

“Lagnat lang ‘yan, sis! Gagaling ka rin niyan!”

“Sorry Nancy, punta kasi kami sa birthday ng kapatid ng kapitbahay ng pinsan ko. Pagaling ka na lang.”

“Punta ka na lang sa tambayan ‘pag magaling ka na. Busy ang barkada e, may kani-kaniyang lakad.”

Tila lalong nanghina si Nancy sa mga nabasa niya. Kilala na niya ang mga kaibigan niya, at alam niyang wala ni isa sa mga iyon ang nagsasabi ng totoo.

Dahan-dahan, ibinaba ng dalaga ang kaniyang cellphone. Doon niya nakita ang kaniyang ina na hindi magkanda-ugaga sa kakapunas ng basang bimpo sa kaniyang katawan. Napangiti, ngunit agad napalitan ng inis nang muling maalala ang ginawang “kahihiyan” ng kaniyang ina sa Facebook noong isang araw.

“O, mama, bakit ‘di ka nagpe-Facebook ngayon? Kasi wala ka nang anak na ipapahiya roon?” sarkastikong tanong ng dalaga.

“Ha? Nako, anak. Hindi ko alam na ganoon ang iniisip mo. ‘Di ko sinasadyang mapahiya ka. At isa pa, ang totoo ay wala naman akong interes sa peysbuk-peysbuk na ‘yan e. Simula nang mawala ang papa mo, ang layo-layo na ng loob mo sa akin,” naluluha nang sagot ni Teresita sa kaniyang anak.

“Kaya nga nagpaturo ako sa kapitbahay natin kung paano gumamit ng selpon, para naman mapalapit ako sa’yo. Ang saya-saya ko sa tuwing nakikita ko ang mga ngiti mo sa pictures mo. Ilang taon na rin kasi ang lumipas magmula nang huli kong nasilayan ‘yon,” aniya, at tuluyan nang umagos ang luha sa kaniyang mga mata.

Hindi na namalayan ni Nancy na wala na ring patid ang pagtulo ng kaniyang luha. Sunod-sunod na nanumbalik ang mga alaala kung saan binabalewala niya ang kaniyang ina.

Ang totoo, simula nang sumakabilang-buhay ang kanilang padre de pamilya nang dahil sa isang sakit, unti-unting napalayo ang loob ni Nancy sa kaniyang ina. Gabi-gabi kasi siyang lumalabas upang makalimot sa masalimuot na pangyayari sa kanilang buhay.

Hindi niya alintana na kung siya ay nasasaktan sa pagkawala ng kaniyang ama, mas nasasaktan ang kaniyang ina sa pagkawala ng kaniyang asawa.

Bago pa man makapagpatuloy ng pagsasalita si Teresita, buong lakas na tumayo ng kama si Nancy at lumuluhang niyakap ang kaniyang ina.

“Sorry, mama! Sorry! Naging makasarili ako. Hindi ko binuksan ang isip ko. Hindi ko naisip na makipagdamayan sa’yo dahil pareho tayong nawalan ng mahal sa buhay. I’m sorry, mama! Sorry!”

“Tahan na anak, hindi mo kailangang humingi ng tawad. Basta’t palagi mong tatandaan, narito lang ako sa tabi mo magpakailanman,” nakayakap nang mahigpit na sagot ng ina sa anak.

Sa gabing iyon, magkatabing natulog ang mag-ina sa kama ng ospital. Pangako ng dalaga sa ina bago matulog ay magbabalik na siya dati at babawi sa lahat ng pagkukulang niya rito. Kaya naman parehong mahimbing ang tulog ng dalawa.

Kinabukasan, nagising ang mag-ina sa kalabit ng isang binata. Sa kanang kamay, may hawak itong buslo na may samu’t-saring prutas. Sa kaliwang kamay naman ay isang bugkos ng napakagagandang mga bulaklak.

Nanlaki ang mga mata ni Nancy nang makita kung sino ang dumalaw sa kaniya!

“A- Alvin?! Anong ginagawa mo rito?! At saka, paano mo nalamang nandito ako?” takang-takang pagtatanong ni Nancy.

Napangiti naman itong si Alvin, sabay kuha sa kamay ni Teresita upang mag-mano.

“Naku, anak. Sana ‘wag kang magalit sa akin. Nagtanong kasi siya sa akin sa Facebook,” sagot ng ina.

Tila gumana ang pagrereto ng nanay ni Nancy! Nanliligaw na nga ang binata sa dalaga!

Makalipas ang isa pang araw, pinahintulutan na rin ng doktor ang pag-uwi ni Nancy nang malaman na trangkaso lamang ang naging sakit nito.

“Mama? Alam mo, matagal ko nang gusto si Alvin. Kung hindi mo ‘yon ginawa, baka hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nanliligaw sa akin. Thank you ha?” kinikilig ngunit seryosong sabi ni Nancy sa ina.

“Aba! Bata pa lamang kayo e matagal na akong boto kay Alvin, ‘no!” nakangiting sagot ni Teresita.

“Pero pangako mama, kahit ano pa man ang mangyari, hinding-hindi na kita pababayaan. Babawi ako sa lahat-lahat ng pagkukulang ko bilang anak! Tulad mamaya, magbihis ka ng maganda ha? Kakain tayo sa labas,” ani Nancy sabay yakap sa ina.

Nang dahil naman sa narinig, labis-labis na saya ang naramdaman ng puso ng ginang.

Simula nang mangyari ang kabanatang iyon ng kanilang buhay, hindi na kailanman binalewala pa ni Nancy ang kaniyang ina. Natutunan niyang sa kahit na anong pagsubok sa buhay, ang nanay mo ang iyong numero unong kaagapay.

Advertisement