Inday TrendingInday Trending
Mahal Kaya Ako ni Tatay?

Mahal Kaya Ako ni Tatay?

“T-tay, p-pasok na po ako. Hihingi po sana ako ng baon,” wika ni Rosalie sa kaniyang tatay-tatayang si Mang Cardo na isang traysikel drayber habang nagmimiron ito sa bilyaran malapit sa kanilang bahay.

“T-tay…” muling saad ng dalaga sapagkat hindi umiimik ang kanyang ama sa una niyang sinabi.

“Oo, narinig kita. Mag-iintay ka lang sandali at bubunot na ako,” tila nayayamot na sambit ng ama.

Nakasimangot na dumukot si Mang Cardo sa kanyang bulsa ng pera at saka iniabot sa kanyang anak. “Pumasok ka na!” saad ni Mang Cardo kay Rosalie. Nang makuha naman ni Rosalie ang kanyang baon ay nakayuko itong nagpaalam sa ama at saka tuluyan nang umalis papasok ng paaralan.

Hindi tunay na anak ni Mang Cardo si Rosalie. Sa katunayan ay wala itong asawa at si Rosalie ay isa lamang sa kanyang mga pamangkin. Dahil salat sa buhay ang mga magulang ni Rosalie ay inampon na lamang ito ni Mang Cardo. Matagal nang alam ni Rosalie ang katotohanang ito. Kaya nga pilit na tinatanggap niya na ganoon na lamang ang pagtrato sa kanya ng kanyang tatay-tatayan.

Si Mang Cardo kasi ang tipo ng tao na madalang lamang ngumiti. Napakatipid nitong magsalita at kung makikita mo siya ay laging nakakunot ang noo at kung magsalita ay laging pasigaw kaya akala mo’y lagi itong galit. Nasanay na rin ang mga taong nakakakilala kay Mang Cardo sa kaniyang pag-uugali. Ngunit kahit pilitin ni Rosalie na masanay ay minsan ay nasasaktan pa rin siya kapag ganito ang pagtrato sa kanya ni Mang Cardo.

“T-tay, kailangan mo na po pala ng pambayad ng matrikula. Malapit na po kasi ang pagsusulit namin. Hindi po ako pakukuhain kapag hindi po kumpleto ang bayad ko,” hindi makatingin ng deretso si Rosalie sa kanyang ama.

“Magbabayad na naman? Hindi ba kakabayad lang natin? Ilang taon pa ba bago ka matapos ng kolehiyo?” sambit ng ginoo.

“I-isang taon na lang po, tay, pagkatapos ng sem na ito,” mahinang tugon ng dalaga.

“O siya, sige, bahala na bukas! Tingnan ko kung ano magagawa ko,” nakakunot na noong wika ni Mang Cardo.

Sa puntong iyon ay kinakabahan na si Rosalie sapagkat baka mamaya ay mahuli na naman siya ng bayad tulad ng nakaraang sem. Maganda pa naman ang kanyang mga marka kaya sana ay nais niyang matapos ang semestre na ito nang bayad.

Hindi makapag review ng aralin si Rosalie ng maayos sapagkat hindi siya sigurado kung makakapagbigay ang kanyang ama ng pera para sa kanyang matrikula. Kinabukasan ay laking tuwa niya nang iniabot sa kanya ni Mang Cardo ang pera na kailangan niya.

“Eto na ang perang kailangan mo. Pumasok ka na!” nakasimangot nitong sambit sabay abot ng pera sa dalaga.

Agad namang gumayak si Rosalie upang pumasok sa kanyang paaralan. Ngunit nasasaktan pa rin siya ng bahagya sapagkat sa nararamdaman niyang nagiging pabigat na siya sa kanyang tatay-tatayan at malamang niya ay kung hindi siya inampon nito ay wala sana siyang inakong malaking responsibilidad.

Lumipas ang isa’t kalahating taon at tuluyan nang nakapagtapos ng pag-aaral si Rosalie. Pilit niyang inaaya ang kanyang ama-amahan na dumalo sa kanyang pagtatapos, ngunit hindi ito nagpaunlak.

“Anong gagawin ko sa seremonya na ‘yan? Ipakita mo na lang sa akin ang diploma mo pagkatapos. Maghahagilap pa ako ng masusuot,” wika ni Rosalie.

“Sige po, ‘tay. Naisip ko lang po kasi baka gusto n’yo akong makitang magtapos,” wika ng dalaga.

“Papuntahin mo na lang mga magulang mo, ‘wag na ako!” muli nitong sambit.

Halos maiyak si Rosalie sa sinabing ito ni Mang Cardo. Nais sana kasi niyang ipagmalaki sa kanyang tatay-tatayan ang kanyang parangal. Ngunit paano niya ito magagawa kung ayaw nitong dumalo?

Wala nang nagawa pa si Rosalie dahil hindi naman niya mapilit si Mang Cardo. Kaya ang tunay na lamang niyang mga magulang ang sumama sa kanya sa araw ng kanyang pagtatapos. Pagkauwi ay may pansit na naghihintay sa kanya.

Nagkainan sila sa bahay ngunit gabi na ay wala pa rin ang kanyang ama-amahan. Hindi niya maiwasan na magdamdam kay Mang Cardo sapagkat ramdam niyang wala itong pakialam sa kanya.

Lumipas ang mga taon, nakapagtrabaho na si Rosalie at umalis na sa poder ni Mang Cardo. Wala namang naging pagtututol ang ginoo sa desisyong ito ni Rosalie. Kita rin ni Rosalie na tila sumaya pa ito sapagkat magagawa na ni Mang Cardo ang kahit na anong naisin niya.

Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Rosalie mula kay Mang Ben, kasamahan ni Mang Cardo sa pamamasada. Habang naghihintay raw kasi ng pasahero ang ginoo ay na-stroke ito. Buti na lamang at nasa paradahan kaya nadala agad niya ito sa ospital.

Nang makarating si Rosalie sa ospital ay agad siyang sinalubong ni Mang Ben.

“Medyo kalmado naman na ang Tatay Cardo mo, Rosalie. Kaso kanina pa niya kami tinatawag lahat na Rosalie. Ultimo mga nurse,” sambit ng ginoo. Kaya agad na pinuntahan ni Rosalie ang kanyang tatay-tatayan. Bago siya nakarating sa hinihigaan ng ama ay kinausap siya ng doktor.

“May natamaan na ugat sa utak ng tatay mo, iha. At nakakaranas ngayon siya ng pagkalito at pagkalimot. Temporary lamang ito at maaaring makuha ng mga gamot na ipapainom namin sa kanya. Bukod doon ay maayos na ang kanyang blood pressure,” wika ng doktor.

Nang makalapit siya sa ama ay nakatitig lamang ito sa kanya. “Tay, ako po ito si Rosalie, narito na po ako,” wika ng dalaga. Ngunit walang imik si Mang Cardo habang kumukunot ang noo nito na pilit na inaalala ang taong nasa kanyang harapan. Maya-maya ay nakapagsalita na si Mang Cardo.

“Nurse,” tawag niya kay Rosalie sa pag-aakalang ito ang nurse. “Nurse, makikiusap ako sa’yo kasi alam kong pupunta dito ang anak ko, si Rosalie. Kapag tinanong niya ano nangyari, sabihin nyo, nahilo lang sa init ha? Ayoko kasi siyang mag-alala. May nakatakdang pagsusulit pa kasi ‘yon. Nasa kolehiyo siya at magtatapos na. Gusto ko makapokus siya,” mariing pakiusap ni mang Cardo.

Nagulat si Rosalie sa kanyang narinig kay Mang Cardo. Ang buong akala kasi niya ay walang pakialam sa kanya ang tatay-tatayan. Ngunit sa loob pala nito ay nag-aalala siya sa dalaga. Pinipigil ni Rosalie ang luha saka siya tumango.

“Sige ho. Hindi ko po sasabihin sa anak ninyo,” sagot ni Rosalie na nagpanggap na nurse.

“Maraming salamat,” sambit ni Mang Cardo sa dalaga. Humiga na ito upang magpahinga.

Nang tumalikod si Rosalie ay doon na bumaha ang kanyang luha. Hindi kasi niya akalain na ganito pala ang tunay na tumatakbo sa isip ng kanyang Tatay Cardo. Nilapitan siya ni Mang Ben at inilahad sa kanya ang lahat.

“Mahal na mahal ka ng Tatay Cardo mo. Alam mo ba na parte ng kinikita niya ay inihuhulog niya sa koperatiba at sa paluwagan? Nang sa gayon ay sigurado na ang pang matrikula mo,” wika ng ginoo.

“Pero noong nagtapos po ako ay hindi siya dumalo,” sambit ng dalaga.

“Hindi kasi niya magawa na tingnan ka ng nakatoga ng hindi siya naiiyak. Lubusan ka niyang pinagmamalaki, Rosalie. Wala siyang bukambibig sa amin kung hindi napakagaling mo sa pag-aaral. Nais niyang ang mga magulang mo na lang ang dumalo sapagkat alam niyang nais mo silang makasama sa araw ng pagtatapos mo,” dagdag pa ni Mang Ben.

Patuloy sa pagluha si Rosalie.

“Nang umalis po ako sa bahay namin ay hindi niya ako pinigilan. Parang masaya pa siya na aalis na ako,” pagtataka muli ng dalaga.

“Dahil alam niyang magaling ka at kaya mo nang humarap sa mundo. Masaya siyang nagawa niyang pagtapusin ka at sobrang ipinagmamalaki niya kung anong kinahinatnan mo. Binigyan ka niya ng laya, Rosalie, na gawin mo ang lahat ng gusto sapagkat hindi siya nangangamba sa iyo. Alam niyang matapang ka at hindi ka gagawa ng bagay na ikakasira mo. Ngunit kung bumagsak ka ay nariyan lamang siya at naghihintay sa pagbabalik mo,” tugon muli ni Mang Ben.

“Ikaw ang buhay ng Tatay Cardo mo, Rosalie. Siguro ay hindi lang niya alam kung paano ipapakita ito sa iyo.”

Hindi na napigilan pa ni Rosalie ang sarili. Umiiyak siyang lumapit muli sa ama at niyakap ito.

“Tatay Cardo, mahal na mahal ko rin po kayo. Narito na po ang anak n’yo. Hindi ko po kayo pababayaan,” pag-ngawa nito. Nagulat siyang unti-unti niyang naramdaman ang yakap din ni Mang Cardo.

“Anak,” sambit ng ginoo.

Bumalik si Rosalie sa piling ni Mang Cardo upang personal niya itong maalagaan. Tulad ng sinabi ng doktor ay makukuha sa gamot ang sakit ng ginoo. Hindi naglaon ay gumaling na rin ito at bumalik na ang alaala. Bumalik na rin ang ginoo sa dating masungit at hindi palakibo nitong anyo.

Kahit na hindi pa rin ito nagpapakita ng pagkalambing sa dalaga ay tinanggap na lang niya ang ugali ng ama-amahan sapagkat alam niyang sa loob nito ay lubusan siyang minamahal ni Mang Cardo at tinuturing siyang tunay na anak nito.

Advertisement