Inday TrendingInday Trending
Magpakabait ka sa Kanila, Anak

Magpakabait ka sa Kanila, Anak

Masayang nagbibiruan ang mag-amang sina Mang Pablo at ang kanyang anak na si Moymoy habang naghahanap ng mga kalakal. Sakay ng kanilang kariton itong si Moymoy habang ang kanyang ama naman ang tiga-tulak. Hindi alintana ng dalawa ang init ng araw at pagod dahil sa pagkukwentuhan.

“Ito pa isang joke, anak. Ano ang tawag sa anak ng cooking oil?” tanong ni Mang Pablo.

“Ano po, tay?” patanong na tugon din ng anak.

“Edi baby oil!” sambit ng ama ng sagot. Walang tigil sa paghagalpakan ang dalawa.

“Ikaw po talaga, tatay, ang dami n’yong joke na alam. Dapat po ay naging komedyante kayo eh!” kantiyaw ni Moymoy.

“Hindi mo naitatanong, anak, diyan ko nakuha ang kiliti ng nanay mo,” kwento ni Mang Pablo. At doon nagbago ang ihip ng hangin sapagkat nawala sa kanilang mga mukha ang bakas ng kanilang tawanan.

“Kung maayos lang sana ang trabaho ko, e ‘di sana nandito pa ang nanay mo, buhay at kasama natin,” panghihinayang ng ginoo.

“Tama na po ‘yan, ‘tay. Alam naman po ni nanay na ginawa n’yo ang lahat para maipagamot siya. Madalas ko rin po siyang mamiss. Pero kapag naiisip ko po na patuloy siyang mahihirapan dito sa lupa ay mas mabuti na rin po na nasa piling na siya ng Diyos,” naluluhang tugon ni Moymoy.

“O siya, tama na nga ang drama nating dalawa. Hayon at may basurahan doon. Tara at tingnan natin kung ano ang mapapakinabangan,” sambit ng ama.

Habang nagbubungkal ang dalawa ay hindi maiwasan ni Moymoy na magtanong sa ama.

“Tay, tingin niyo po kailan kaya tayo makakaipon para kahit paano ay mangupahan na lang po tayo ng bahay?” nakayukong tanong ni Moymoy.

“Hayaan mo anak, darating din ang panahon. Sa ngayon ay tiisin mo muna ang napakalaking bahay natin. Sa sobrang laki ay kaya ng mga sasakyan na magparoon at parito,” biro ng ama.

“Kayo talaga, ‘tay! Sabi po ng may-ari ng tapat ng karinderya, paaalisin na raw po tayo doon sa gabi dahil magbubukas na rin sila ng buong magdamag,” pangamba ng bata.

“Hayaan mo sa susunod ay makakaangat na tayo sa buhay. Sa tapat na tayo ng bangko matutulog!” saad ng ginoo.

“Puro talaga kayo biro, tatay!” natatawang sambit ni Moymoy.

Kahit na mahirap lamang sila ay hanga si Moymoy sa disposiyon ng ama. Sa likod kasi ng hirap na dinadanas nila ay nakukuha pa rin nitong ngumiti at magpatawa. Kaya sa tuwing pinanghihinaan ng loob si Moymoy ay tinitingnan na lamang niya ang kanyang Tatay Pablo at nakakahugot na siya rito ng lakas.

Isang araw ay masama ang pakiramdam ni Moymoy. Masakit kasi ang ngipin ng bata. Ilang beses na niya itong sinabi sa ama ngunit wala silang sapat na pera upang ipabunot at bumili ng gamot ni Moymoy. Kaya minsan ay hinihilot na lamang ito ng kanyang ama o ‘di kaya naman ay pinagmumumog na lamang siya nito ng tubig na may asin.

Ngunit patuloy pa rin sa pagsakit ang kanyang ngipin hanggang sa hindi na kinaya ito ni Moymoy.

“Tay, napakasakit na po ng ngipin ko talaga!” reklamo ni Moymoy sa ama.

“Magmumog ka ulit ng tubig na may asin, anak. Mamaya ay mawawala rin ‘yan!” sambit ni Mang Pablo.

“Ginawa ko na po, ‘tay, pero hindi pa rin po nawala ang sakit. Gusto ko na pong magpabunot,” umiiyak na sa sakit ng ngipin ang bata.

“Tiisin mo muna, anak. Tulad ng ulo mo kapag masakit, pinapabunot mo ba agad?” biro ng ama. Ang nais lamang sana ni Mang Pablo ay patawanin ang anak ngunit kabaligtaran ang nangyari. Marahil dahil sa matinding sakit na nararamdaman nito ay hindi maiwasan ni Moymoy na mainis sa ama.

“Puro naman kayo kalokohan, ‘tay! Kaya hindi umuunlad ang buhay natin dahil ayaw niyong seryosohin. Kahit ako ay hindi nyo sineseryoso! Masakit na nga po, eh! Bahala nga po kayo sa buhay n’yo. Hahanap na lang ako ng taong makakatulong sa akin!” pabalang nitong wika. Bago pa man makapagsalita si Mang Pablo ay tumakbo na palayo si Moymoy.

Pilit na hinabol ni Mang Pablo si Moymoy ngunit hindi na niya ito naabutan. Nabalitaan na lamang niya na nasagasaan daw ang kanyang anak at dinala sa ospital. Mabuti na lamang ay hindi napuruhan ang kanyang ulo. Ngunit nagtamo siya ng bali sa binti at braso.

Mabuti na lamang ay hindi siya tinaksan ng mag-asawang lulan ng sasakyan na nakabangga sa kanya at agad siyang pinagamot.

“Boy, pwede bang malaman kung ano ang pangalan mo at taga-saan ka? Nasaan ang mga magulang mo para matawagan natin?” sambit ng nag-aalalang ginang.

“M-moymoy po ang p-pangalan ko. W-wala po akong bahay. Sa kalsada lang po a-ako nakatira. W-wla na rin po akong mga magulang,” tugon ni Moymoy sa mag-asawa.

“Ganoon ba? Gusto mo ba sa bahay ka na muna namin tumira,” sambit naman ng lalaki.

“Mahal, siya na ang magbibigay katuparan sa ating pangarap na magkaroon ng anak,” saad ng ginoo sa kanyang asawa.

Lingid sa kaalaman ng lahat ay naroon si Mang Pablo at narinig niya ang lahat. Lubusan siyang nalungkot at nadismaya sa sinagot ng kanyang anak. Naisip ni Mang Pablo na sinabi marahil ito ng anak upang matakasan na ang buhay na mayroon sila.

Dahil dito ay pinili na lamang niyang pabayaan ang mag-asawa na iuwi ang kanyang anak at ampunin. Naging masaya si Moymoy sa piling ng mga ito sapagkat naibibigay ng mag-asawa ang kanyang pangangailangan. Napabunot na din ang sumasakit niyang ngipin at napaayos din ang mga iba pang may sira.

Itinuring ng mag-asawa na tunay na anak si Moymoy. Ngunit sa pagdaan ng araw, kahit na nakakamit niya ang kasiyahan na pinangarap niya noon — bahay, masasarap na pagkain, laruan, disenteng damit, magandang eskwelahan — ay hindi nya maiwasan na sumagi sa kanyang isipan ang naiwan niyang ama.

“Marahil ay nag-aalala na rin siya sa akin. O baka naman masaya pa siyang wala ako. Kasi kung tunay na nag-aalala nga siya ay dapat hinanap niya ako nang mawala ako,” sambit niya sa kanyang sarili.

Upang mapatunayan ang kanyang alegasyon ay nagdesisyon siyang pumaroon sa dating kinalalagyan ng kanilang kariton. Nang makarating siya sa lugar ay nakita niya ang ama na nakatulalang nakaupo sa tapat ng isang karinderya habang ang isang ginang naman ay pilit itong itinataboy. Ngunit hindi ito iniintindi ng kaniyang ama. Tila wala itong naririnig at patuloy ang pagtitig sa kawalan. Malaki na rin ang pinagbago nito sa kanyang itsura. Parang naging taong grasa na ito. Nakaramdam ng pangamba si Moymoy.

Dahil maganda ang kanyang kasuotan at nakasumbrero at salamin siya ay hindi na siya nakilala ng mga tagaroon. Nagpanggap siyang kakain sa karinderya. Habang siya ay nakaupo ay nakibalita siya tungkol sa kanyang ama.

“Ano po ang nangyari sa lalaking iyan?” tanong ni Moymoy sa may-aring karinderya.

“Ay naku! Ayaw nga umalis niyang taong grasa na ‘yan kahit araw-araw kong tinataboy! Minamalas tuloy itong karinderya ko!” tugon ng ale.

“Maayos naman ‘yang lalaking yan dati! Palabiro pa nga ‘yan! Dati pa nga silang dalawa ng anak niya ang natutulog d’yan sa katabi niyang kariton. Pero simula ng mawala yung anak niya, nagsimula na siyang magkaganyan. Sa tingin nga namin ay nabaliw na ata!” dagdag pa ng ginang.

Pinipigilan ni Moymoy ang kanyang sarili na maiyak dahil sa sinapit ng ama. Bahagya siyang lumapit dito. Hindi kasi niya alam kung magpapakilala pa siya dito at sasabihin ang totoong nangyari o tatalikod na lamang siya at ipagpapatuloy niya ang kanyang buhay sa piling ng mag-asawang nag-ampon sa kanya.

Nang bahagya siyang lumapit ay bigla na lamang nagsalita si Mang Pablo habang malayo pa rin ang tingin nito.

“Magpakabait ka sa kanila, anak,” mahina niyang sambit.

Nais man niyang yakapin ang ama ay mas pinili na lamang niyang tumalikod dito at bumalik sa kaniyang buhay. Umiiyak siyang tumakbo palayo.

Mula noon ay naging iba na din si Moymoy. Lagi na itong malungkot at tila hindi makausap. Madalas itong magkulong sa kanyang silid at malimit mag-isa.

Isang araw ay hindi na makayanan pa ng mag-asawang umampon sa kanya ang nangyayari sa kanya. Kaya kinausap siya ng mga ito.

“Anak, may problema ka ba? Huwag mong isiping iba ka sa amin ng daddy mo. Kahit hindi ka sa amin nanggaling ay mahal ka namin at tinuturing ka naming tunay na anak,” sambit ng ginang.

“Tama ang mommy mo, anak. Kung may problema ka ay malaya kang magsabi sa amin,” saad naman ng ginoo.

Hindi na naiwasan pa ni Moymoy na maiyak at sabihin ang katotohanan sa mag-asawa. Walang humpay sa paghingi ng tawad si Moymoy sa mga ito. Niyakap ni Moymoy ang kanyang Mommy at walang humpay sa pag-iyak.

Pagmulat niya ay bigla na lamang niyang nakita ang kaniyang ama na nakatayo sa kaniyang harapan. Gulay na gulat si Moymoy.

“Tatay!” hindi na napigilan pa ni Moymoy na yakapin ang tunay na ama. “Tatay, patawarin po ninyo ako sa nagawa ko!” pagsamo nito.

Lingid pala sa kaalaman ni Moymoy ay nagsiyasat ang mag-asawa sa tunay na katauhan ni Moymoy. Sinundan din siya ng mga ito nang pumunta siya sa karinderya.

“Hinanap namin siya, inayos at binihisan para maging handa siya sa araw na ito. Mahal ka namin, Moymoy, at alam namin na labag din sa kalooban mo ang malayo sa iyong tunay na ama. Siya ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan, hindi ba?” tanong ng kanyang daddy.

“May maganda kaming ibabalita. Simula ngayon ay dito na rin maninirahan ang iyong ama at magiging hardinero natin siya dito para madalas mo siyang makasama. Hindi ka namin ilalayo sa kanya, Moymoy, dahil napamahal ka na rin sa amin,” wika ng ginang.

Laking pasasalamat ni Moymoy sa kabaitan ng dalawang nag-ampon sa kaniya.

Inamin na rin ni Mang Pablo ang katotohanan kay Moymoy na naroon siya sa ospital at narinig niya ang kanilang usapan. Nang malaman niyang aampunin si Moymoy ng mga ito ay hindi na lamang siya nagpakita sapagkat alam niyang mabibigyan ng mag-asawa ng magandang buhay itong si Moymoy, isang bagay na hindi kailanman maibibigay ni Mang Pablo sa anak.

Nanatili silang dalawa sa bahay ng mag-asawa. Nagpatuloy sa pag-aaral si Moymoy habang si Mang Pablo naman ay naging hardinero. Malaki ang pasasalamat nila sa mag-asawa sapagkat hindi sila pinaglayo ng mga ito. Mula noon ay masaya silang nagsama-sama.

Advertisement