Isang balita ang pumukaw ng pansin ni Stella upang magkaroon muli ng lakas ng loob para pumunta sa reunion ng kanilang batch ng hayskul. Ito ay dahil sa kaniyang kaibigan na si Mitch na umuwi galing London matapos lumipat ang kanilang pamilya doon. Sabik siya na muling makita ito dahil matagal na silang hindi nagkikita. Nawalan kasi sila ng kontak sa isa’t isa, at ngayon ay may nagbalita lamang sa kaniyang darating din ang kaibigan sa party.
Subalit hindi pa rin maisip ni Stella kung tama nga ang kaniyang desisyon na magpunta. Baka kasi siya ay mapagtawanan dahil siya raw ang walang narating sa kanila. Bully pa naman siya noon ngunit ngayon naghirap siya at walang narating sa buhay. Siya ngayon ay may dalawang anak at ang asawa’y nagta-trabaho bilang isang jeepney driver.
“Oy, Stella siguraduhin mong pupunta ka sa reunion natin bukas ha!” chat ng kaniyang kaibigan sa kaniya.
Hindi pa man siya pumapayag, naisip na niyang humanap muna ng damit na susuotin. Ayaw niya kasing magmukhang kawawa sa kanilang pagkikita-kita. Kaya naman naghanap siya ng mabibiling sapatos at damit sa ukay-ukay. Nang makitang tag-singkwenta lang ang mga damit na binebenta, natuwa siya at agad na namili doon.
“Ayos na ayos ito! Buti na lamang at mura ngayon. Bibili din ako ng maaayos na damit para kay Rey pati na sa mga anak ko. Naku! Siguradong matutuwa ang mga iyon!” aniya sa sarili.
Nang makauwi siya sa bahay, sinalubong siya ng kaniyang asawa’t mga anak. Isa-isa nilang sinukat ang mga damit na nabili ni Stella. Masaya ang lahat habang nagbibiruan pa sa isa’t isa. Para sa kaniya ang tanging kulang na lamang ay pera para sa kanilang pang araw-araw. Maya-maya pa ay nagsalo sila ng kanilang hapunan na daing ang ulam at sabay-sabay na ring natulog.
Kinabukasan, magkahalong kaba at pagkasabik ang nararamdaman niya dahil iyon na ang araw ng kanilang reunion. Iniisip niya kung gaano na kaya kayaman ang kaibigang si Mitch na matagal namalagi sa London at kung may pamilya na ba iyon. Todo naman ang suporta sa kaniya ni Rey at kaniyang mga anak.
“Wow, ma! Ang ganda ganda niyo po! Para kayong reyna!” masayang puri sa kaniya ng kaniyang anak matapos niyang mag-ayos ng sarili.
“Hindi kita nakilala, mahal ko. Napakaganda mo pa rin!” biro ni Rey sa kaniya.
“Naku! Kayo talaga! Manang-mana kayong lahat sa ama niyong bolero,” biro rin niya.
“O siya, tara na’t ihahatid na kita, aking reyna!” muling tugon ng kaniyang asawa.
Masaya silang umalis ngunit habang palapit nang palapit sa venue ay hindi niya mapigilan ang kaba sa dibdib. Todo isip pa rin siya kung ano na lang ang sasabihin sa kaniya ng mga kaklase at kung magsisinungaling ba siya sa kaniyang totoong estado sa buhay. Nang makarating na sa lugar, malayo-layo pa man ay nagpababa na si Stella. Ayaw kasi niyang makita ng iba na sa jeep lamang siya sumakay. Ngunit hindi naman iyon nahalata ng asawa at nakangiti itong nagpaalam kay Stella.
Papasok na sana siya sa mismong pangyayarihan ng pagdiriwang, nang makasabay niya ang isa pang kaibigan na kalapit niya noon. Nakilala siya nito at binati. Matapos ang maikling pag-uusap, nadagdagan naman ang lakas ng loob ni Stella na humarap sa iba pang mga kaklase. Sabay silang pumasok sa loob at doon nakita niya ang iba pang mga kaklase. Masaya ang bati nilang lahat kay Stella.
“Hey, Stella! How are you?! Ang tagal ka naming hindi nakasama o nakikita! Buti na lang at nakarating ka this time!” sabi ng isa.
“Wait lang. Wait lang! Balita ko, Stella nag-move na kayo sa ibang bansa ng pamilya mo ah? Totoo nga ba iyon?” tanong ng isa.
Sunod-sunod ang katanungan sa kaniya at halos hindi siya makasagot sa mga iyon dahil walang katotohanan ang mga iyon. Aniya, sino nga bang mag-aakala na ang yayamaning katulad ko ay babagsak sa pagiging isang nanay na losyang? Ngunit patuloy pa rin ang sunod-sunod na pagbato ng tanong sa kaniya. Hanggang sa may dumating na isang babae.
“Uy! Uy! Tingnan niyo oh? Si Mitch ba iyang magandang babae na ‘yan?”
“Ang ganda! Grabe! Tapos iyong mga suot sobrang parang mamahalin!” maririnig ang bulungan ng mga magkaka-klase.
Hindi pa man iyon nakakalapit, dinumog na iyon ng mga ito. Nakahinga naman siya nang maluwag dahil natapos na ang mga tanong sa kaniya. Muli niyang nilingon ang kinaroroonan ng kaibigang si Mitch na abalang-abala sa pagsagot ng katanungan ng kaniyang mga kaklase. Hindi siya makasingit upang makamusta ang kaibigan. Isa pa, nahihiya siya dito dahil sa kaniyang katayuan sa buhay.
Maya-maya pa, habang patuloy lamang sa programa, tumawag si Rey kay Stella. Matulin na pumunta ng banyo si Stella at doon kinausap ang asawa. Nangamusta lamang iyon tulad ng dating gawi. Muli, napatahimik si Stella at naisip na sana ay nasasabi niya kung gaano kabuti at kabait ang kaniyang asawa kahit na hikahos sila sa pera. Nang matapos iyon, naisip niyang umuwi na at itigil na ang pagkukunwari. Nawalan na rin siya ng pag-asa na makausap si Mitch dahil nanliliit siya kapag nakikita ang kaibigan. Para sa kaniya, ayos na sa kaniyang makita iyon na matagumpay at masagana ang pamumuhay. Nagpasundo na siya sa kaniyang asawa at habang papalabas ng gusali, isang tinig ng babae na para bang galit ang kaniyang nadinig.
“Ano ba kasi ang nangyari?! Ngayon na nga lang ako umalis tapos ganyan pa ang mangyayari! Napakawala mo talagang kwentang asawa! Pupunta na ako riyan!”
Nang silipin kung sino iyon, labis niyang ikinagulat ito. Si Mitch iyon na hindi maipinta ang pagaalala at inis sa mukha. Nagkatinginan sila at umiwas na lamang bigla si Mitch.
“Teka, Mitch, anong problema?” tanong niya sa kaibigan.
“Walang problema,” tugon nito at akmang aalis na muli.
“Hindi iyon ang narinig ko, Mitch. Narinig ko na merong problema. Ano iyon? Kaibigan mo pa rin ako at handa akong makinig sa’yo,” sagot niyang muli.
Nangilid ang luha sa mata ni Mitch nang humingi ng tulong kay Stella upang samahan siyang magpunta ng ospital dahil mataas na mataas daw ang lagnat ng kaniyang bunsong anak. Maya-maya’y dumating na rin si Rey. Sumakay sila sa jeep na dala nito at pumunta sa ospital. Pagkarating ay agad silang nagpunta sa silid kung saan nakita niya ang anak ni Mitch na payat at sira-sira ang damit. Ganoon din ang asawa nito na lasing pa.
Hinintay niya ang kaibigan sa hallway habang si Rey ay umalis saglit upang silipin ang kaniyang jeep. Lumabas ng silid si Mitch at umupo sa tabi ni Stella. Ngumisi ito nang magkatinginan silang dalawa.
“Wala, Stella. Ito iyong naging buhay ko. May apat na akong anak at pangatlong asawa ko na ‘yan. Iyong sabi kong galing ako ng London? Hindi nga ako nakatapak ng airport eh! Nakipagtanan kasi ako noon at hayun, ito na ang naging buhay ko,” malungkot na sabi nito.
Sinuklian naman siya ng ngiti ni Stella at hinawakan ang kaniyang kamay. Huminga ito nang malalim bago nagsalita.
“Naiintindihan ko ‘yon, Mitch. Hindi naman kita huhusgahan sa naging buhay mo eh. Ganoon din ako. Tingnan mo ang buhay ko, jeepney driver ang asawa at may dalawang anak. Pero ikinahihiya ko iyon sa inyong lahat. Alam mo, magkaibigan nga tayo, pareho ang takbo ng mga utak natin. Basta simula ngayon, huwag na tayong magpapanggap, Mitch. Nandito lang ako kapag kailangan mo ng tulong. At hindi pa huli ang lahat upang magbagong buhay. Ikaw, bumalik ka sa pamilya mo. Sigurado ako, maiintindihan ka nila,” marahang paliwanag ni Stella sa kaibigan.
Nagtawanan ang magkaibigan habang sila’y nagkukwentuhan. Nang dumating si Rey, niyakap niya ito nang mahigpit at pinasalamatan. Pagkauwi ay nakita niyang tulog na ang kaniyang mga anak. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil salat man sila sa pang araw-araw, masaya naman sila at kuntento sa buhay na ibinigay sa kanila. Ang pagkakaroon nang ganitong klase ng buhay, ay higit pa sa buhay na maraming salapi at kayamanan.