
Dalawang Beses na Paglisan
“Ang kapal ng mukha mo! Suwail kang anak! At talagang nagawa mo pang bumalik dito sa bahay?!” halos mapatid ang litid sa panggigigil si Aling Sonia sa kaniyang panganay na anak na si Lucille.
“’Nay, tama na po ‘yan. Wala na pong mapupuntahan si ate. Hayaan n’yo na po siyang bumalik sa atin,” pag-awat naman ng bunsong si Darla.
“’Nay, patawad po. Nagmamakaawa po ako. Wala na po akong mapupuntahan. Huwag n’yo na po akong saktan, ‘nay. Buntis po ako,” sambit naman ni Lucille.
“Talagang wala ka nang dinala sa pamilya na ‘to kundi puro kahihiyan!” sigaw ng ina sabay subok na hilahin ang buhok ng anak ngunit umawat agad si Darla.
Halos anim na buwang nawala si Lucille sa kanilang tahanan sapagkat nakipagtanan siya sa kaniyang kasintahang si Joko, isang taga-deliber ng mineral water sa kanilang lugar. Nagkalapit ang kanilang loob at dahil sa mabulaklak na dila ng binata ay napapayag niya ang dalaga na iwan ang pamilya at tuluyang sumama na sa kaniya.
Laking pagkadismaya ng mga magulang ni Lucille sapagkat isang taon na lamang ay makakatapos na siya ng kolehiyo. Kung hindi nga ito naligaw ng landas sana ay magtatapos ito ng may karangalan.
Hindi naging madali ang buhay ni Lucille sa piling ni Joko. Masyadong buhay binata ito at takot sa responsibilidad. Nang malaman niyang buntis ang kinakasamang si Lucille ay g*nulpi niya ito at saka pinalayas. Ang malupit pa doon ay nag-uwi pa ito ng babae sa kanilang tinutuluyan.
Walang nagawa si Lucille kundi bumalik sa kaniyang mga magulang. Ngunit sa labis na poot sa kaniya ng kaniyang ina sa pagsuyaw sa kanila ay hindi pa rin siya mapatawad ng ina. Mabuti na lamang ay nariyan ang kaniyang ama na kahit hindi siya kinikibo ay tinanggap siya muli sa kanilang bahay at pati na rin ang kaniyang kapatid na noon pa man ay hindi huminto sa pag-aalala sa kaniya.
“Dito ka na muna sa kwarto natin, ate, at magpahinga ka. Pabayaan mo na si nanay. Parang hindi mo naman kilala ‘yon. Bukas, makalawa makikita mo magbabalik din ang lahat sa dati,” wika ni Darla.
“Ayos lang sa akin, Darla. Kasalanan ko naman talaga ang lahat ng ito. Kung hindi ko pinili si Joko ay hindi sana sasama ang loob nila sa akin. Siguro ay natupad na ang pangarap nila nanay at tatay na maging isang accountant ako,” saad ni Lucille.
“H’wag ka nang mag-isip ng kung ano pa man, ate. Baka makasama pa ‘yan sa’yo, eh. Ang isipin mo ngayon ay kailangan mong magpalakas para sa inyo ng dinadala mo. Huwag kang mag-alala, ate. Nandito lang ako lagi at hindi kita pababayaan,” nakangiting wika ng kapatid.
Tuluyang nanatili si Lucille sa poder ng kaniyang pamilya. Kahit na hindi pa rin siya magawang kibuin ng kaniyang ina ay hindi siya huminto na kunin muli ang loob nito hanggang siya ay mapatawad. Ngunit naging matigas ang puso ni Aling Sonia. Lalo lamang nag-iinit ang kaniyang ulo sa tuwing nakikita niya ang panganay na anak.
“Pinag-aaral ka kasi pero kung ano-ano ang inaatupag mo. Nakuha mo pang pagtaksilan kami ng ama mo, sumama ka pa sa walang kwentang lalaking ‘yon. Mabuti ‘yang nangyari sa’yo! Hindi ka kasi marunong makinig sa mga magulang mo!” sambit ni Aling Sonia kay Lucille.
“Kahit araw-araw po akong humingi ng paumanhin sa inyo ay hindi ako magsasawa basta mapatawad n’yo lang ako, nay,” sambit ng naluluhang si Lucille. “Patawad po, ‘nay. Sana dumating na po ang araw na mapatawad n’yo na ako,” dagdag pa niya.
Kinagabihan ay nakita ni Darla na tila balisa ang kaniyang ate at hindi ito makatulog.
“Ayos ka lang ba, ate?” sambit ni Darla sa kaniyang ate na may pag-aalala. “May pwede ba akong maitulong sa’yo?”
“Wala ito, Darla. Matulog ka na. Ayos lang ako. Siguro ay dala lang ito ng paglilihi ko. Sige na, matulog ka na. May pasok ka pa bukas, hindi ba? Pipilitin ko na rin matulog, h’wag ka nang mag-alala sa akin,” tugon naman ni Lucille na halatang pilit ang mga ngiti.
“Siya nga pala ate, nagpapatingin ka ba sa doktor kada buwan? Parang hindi kasi kita nakikitang umaalis at nagpapa-check-up,” wika ng nakababatang kapatid.
“Oo, kakapatingin ko lang, Darla. Sabi ng doktor ay maayos naman daw kami ng bata. Sige na, Darla, matulog ka na. Huwag mo na akong alalahanin,” sambit muli ni Lucille.
“Sige, ate. Bukas wala akong pasok. Pwede kitang samahan ulit para makapagpatingin ka.”
“Salamat sa iyo, Darla. Kaya mahal na mahal kita, eh!”
Kinabukasan ay maagang nagising si Darla upang samahan ang kaniyang kapatid na magpatingin sa doktor. Dahil nakita niyang natutulog pa ito ay bumaba na siya sa kusina upang maghanda ng alamusal. Nang matapos siya ay agad siyang pumanhik ng bahay patungong silid upang gisingin ang kaniyang ate.
Laking gulat niya nang hindi na ito humihinga pa. Kahit na malamig na ang katawan at wala ng pulso ang kapatid ay pilit pa ring ginigising ni Darla ang kaniyang Ate Lucille. Natataranta siyang nagsisigaw na tawagin ang kanyang mga magulang upang tulungan siya sa kaniyang ate. Ngunit talagang huli na ang lahat. Wala na itong buhay.
Hindi man lamang nila nalaman ang tunay na sanhi ng pagyao ni Lucille. Habang hinihintay nila ang mga labi ng buntis na dalaga upang iburol ay hindi mapakali si Darla. Nagtungo siya sa kanilang silid at hinalughog ang gamit ng ganiyang ate upang maghanap ng kasagutan sa pagyao nito.
Nakita niya ang isang booklet at mga reseta ng doktor na nakapangalan kay Lucille. Doon nalaman ni Darla na may iniindang sakit pala ang nakatatandang kapatid. Mayroon din itong impeksyon sa dugo at nangangailangan ng gamutan. Ang mga bitamina at ibang gamot na kailangan sa pagbubuntis at paggaling ni Lucille ay hindi na niya binili pa.
Naisip ni Darla na baka ayaw na nitong maging pabigat pa sa kanila kaya kahit may iniinda ay hindi na lang nagsalita ang kaniyang Ate Lucille.
Napapikit na lamang si Darla sa kaniyang natuklasan. Labis siyang naiinis sa sarili kung bakit hindi niya nalaman ng maaga ang mga ito. Dali-dali siyang nagtungo sa kaniyang ama at ina upang ipakita ang kaniyang mga natuklasan.
Napatulala na lamang si Aling Sonia nang makita ang booklet at mga resetang gamot na hindi ininom ng panganay na anak. Labis ang pagsisisi sa puso ng ginang. Kung hindi sana siya nagmatigas at kung sana ay inuna lamang niya ang magpaka-ina sa kaniyang anak ay hindi sana siya nawalan ng buhay kasama ang ipinagbubuntis nitong sanggol.
Habang tinititigan ni Aling Sonia ang anak sa loob ng kabaong ay paulit-ulit ang pagsambit niya ng patawad.
“Anak ko, patawarin mo ang nanay. Anak, patawad!” paulit-ulit niyang sambit habang walang patid ang kaniyang pag-iyak. Ngunit kahit pa bumaha ng luha at mapaos ang kanyang boses ay hindi na nito maibabalik ang buhay ni Lucille at ang sanggol na dinadala nito.
Parehas ang naging kapalaran ni Lucille at Aling Sonia. Alam ni Lucille na siya ay lubusang nagkamali at araw-araw niyang pinagdurusahan ang pagkakamaling ito sa piling ng kaniyang ina. Ngayon ay pagdurusahan naman ni Aling Sonia ang araw-araw na hindi pagpapatawad sa anak at siya naman ang hihingi araw-araw ng kapatawaran dito.