
Sabrina: ang Batang Laki sa Palo
“Teacher, teacher! Ayoko pong makatabi ni Nina, kasi ang baho niya po at ang dungis. Parang hindi siya pinapaliguan ng mama niya kapag pumapasok siya ng school,” nakalabing pakiusap ng batang si Girly sa kaniya.
Siya si Teacher Mia, isang elementary teacher at mga grade two students ang kaniyang tinuturuan. “Ha?” ang tanging nasagot ni Mia sa kaniyang estudyante. “Sige kakausapin ko muna si Nina,” nakangiting wika niya kay Girly.
“Nina, totoo ba na hindi ka pinapaliguan ng mama mo?” mahinahong wika ni Mia. Agad niyang napansin ang pasa sa batok ni Nina na pilit nitong kinukubli sa mahabang buhok. Noon pa niya napapansin ang mga pasang iyon ngunit minsan man ay hindi niya iyon tinanong sa mismong ina ni Nina, at pati na rin mismo sa bata. Hangga’t maaari ay ayaw niyang makialam sa buhay ng ibang tao.
“Ahh, kasi teacher- abala po sa trabaho ang mama ko kaya hindi na niya ako napapaliguan,” nauutal at mahinang paliwanag ni Nina.
“Ganun ba? Gusto mo bang paliguan kita? Para naman hindi mainis sa’yo ang mga kaklase mo,” nakangiting pangungumbinsi ni Mia kay Nina. Hindi ito sumagot nakayuko ang ulo nito pero nakatitig sa kaniya ang mga mata ni Nina. “Halika paliliguan ka ni teacher,” aniya sabay hila ng kamay ni Nina, papunta sa banyo upang paliguan ito.
May extra siyang damit na dala kaya ito na muna ang ipapasuot niya kay Nina, kahit malaki iyon ay itutupi na lang niya sa dulo at ibabalik na lamang ang suot nitong palda. Napasinghap si Mia ng makita ang mga pasa ni Nina sa buong katawan. Iyong iba mukhang bago pa lang na pasa at may iba naman na malapit ng mawala. May mga sugat rin ito na para bang galing sa kurot. Sinarado ni Mia ang pintuan ng CR upang hindi pag-fiestahan ng mga kaklase nito ang mga pasa at sugat sa katawan ni Nina.
“Saan mo nakukuha ang mga pasa at sugat mo Nina?” mahinang wika ni Mia.
“Sa kakalaro ko po iyan teacher,” mahinang wika ni Nina.
Ngunit sa klase ng mga pasa nito sa likod ay nahihirapan siyang paniwalaan ang katwiran nito. Nais niya pa sana itong tanungin ngunit pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang isipin na isa si Nina sa mga batang inaab*so ng sariling ina. Nais na lamang niyang paniwalaan na nakuha lamang nito ang mga pasang iyon dahil sa kakalaro.
“Teacher ilang araw na pong hindi pumapasok si Nina, sabi nila tinapon na daw si Nina, ng mama niya,” sumbong ni Jeffrey, isa sa kaniyang istudyante.
“Naku! Saan mo naman nakuha ang balitang iyan? Baka hindi lang pinapasok ng mama niya si Nina,” wika ni Mia.
“Iyon ang chismis na naririnig namin teacher. Kasi ilang araw ko na rin hindi nakikita si Nina, na pagala-gala sa lugar namin,” sabat ni Harold, ang alam niya’y kapitbahay ito ni Nina.
“Talaga ba?” biglang kinabahan si Mia sa sumbong ng kaniyang mga estudyante.
Ano na ba ang nangyari kay Nina? Bigla niyang naaalala ang mga pasang nakita noon sa katawan ng bata. Duda talaga siyang binub*gbog ito ng magulang, kaya may mga pasa ang katawan ng bata. Kahit ayaw niyang ma-involve sa buhay ng iba ay hindi maiwasan ni Mia ang hindi mag-alala para kay Nina. Tatlong araw na daw itong hindi nakakapasok sa eskwela at ilang araw na rin na hindi nakikita ng mga kapitbahay nila.
Nasaan na ba si Nina? May nangyari bang masama rito? Sa labis na pag-aalala ay pumunta si Mia sa mismong bahay nila Nina upang kausapin ang nanay nito.
“Misis ikaw ‘di po ba ang mama ni Nina?” deretsong tanong ni Mia sa ina ni Nina.
“Ako nga po.”
“Ako ang teacher ni Nina, balita ko kasi hindi na pumapasok si Nina sa eskwelahan. Maaari ko bang malaman kung ano ang nangyari sa kaniya?” tanong niya rito sa nag-aalalang tono. Mas nahihimigan pa nga niya sa sarili ang labis na pag-aalala kaysa mismong ina ni Nina.
Bigla itong natuliro sabay hawak sa batok tsaka sumagot. “Naglayas po ang anak ko at hindi ko alam kung saan siya nagpunta. Ilang araw ko na rin siyang hinahanap at tapos ko na ring ini-report sa pulis na nawawala si Nina. Kaso hanggang ngayon ay wala pa ring nakakahanap sa kaniya,” paliwanag nito sa kaniya.
“Ganun ba?” walang masabing wika ni Mia.
Paano maglalayas ang isang grade two student? Ang hirap paniwalaan ng malabnaw na paliwanag nito. Hindi niya kayang kumbinsihin ang sarili na huwag pagdudahan ang ina ni Nina. Pakiramdam niya kasi ay may kinalaman ito sa pagkawala ng bata.
Hindi naman dapat siya maapektuhan dahil hindi naman niya kaano-ano si Nina, pero may kakaiba talaga siyang nararamdaman. Parang may hindi tamang nangyayari. Tunog ng kaniyang selpon ang kumuha ng kaniyang atensyon.
“Mia, nakita ko ang estudyante mo dito sa PGH iyong batang pinandidirian ng mga kaklase niya kasi mabantot at madungis,” wika ng kaniyang co-teacher na si Clara. “Nandito siya sa ward 8 naka-confine! Diyos ko punong-puno ng bubog ang buong katawan. Kawawang bata,” dugtong pa nito.
Kahit hindi niya nakikita ang reaksyon ng mukha ni Clara ay nababanaag niya ang labis na pagka-habag sa boses nito. Wala sa isip nang bigla niyang titigan ang ina ni Nina. Kailangan niya bang ipaalam rito ang nangyari sa sariling anak o hindi na.
“Sige pupunta na ako d’yan. Pakibantayan mo muna Clara, pakiusap,” wika ni Mia, at saka ibinaba ang cellphone at ngali-ngaling naglakad palayo sa bahay nila Nina. May kinalaman ba ito sa nangyari kay Nina? Kaya nga ba nitong bugb*gin ang sariling anak?
“Nina, pwede ka bang mag-kwento kay teacher kung ano ba talaga ang totoong nangyari sa’yo? Huwag kang matatakot kay teacher kasi tutulungan kita. Pangako ko iyan Nina,” mahinahon niyang tanong kay Nina.
Dalawang araw na mula nung pinuntahan niya ito sa ospital at halos madurog ang puso niya ng makita itong puno ng pasa ang buong katawan. Hindi na nga nito magawang tumihaya dahil sa sakit na nararamdaman. Hinanda niya ang kamera upang kunan ng video ang pag-uusap nilang dalawa.
“Kauuwi ko lang po galing sa school nun nang makita kong may ibang lalaking kasama si mama sa bahay. Kaya ngali-ngali po akong lumabas para iwasan sila. Gumala po ako at nagpunta sa kung saan-saan, hanggang sa napagod, kaya naisipan ko na pong umuwi.
Iniisip ko baka wala na doon ang lalaking kasama ni mama. Tama naman ang hinala ko dahil wala na sa labas ng pintuan ang tsinelas nung lalaki, kaya pumasok na po ako sa loob. Kaso pag-uwi ko po bigla akong sinampal ni mama ng ubod sa lakas.
Pakiramdam ko po ay biglang umitim ‘yong paningin ko. Nang hindi pa siya makuntento sa pagsampal sa’kin ay kumuha siya ng sinturon upang pagpapaluin ang likod ko nung bakal sa dulo,” huminto si Nina sa pag-kwento dahil pumipiyok na ang boses nito sa pinipigilang luha.
“Pinalo po niya ako nang pinalo hanggang sa manghina ako. Nung naramdaman ko po na hindi ko na kaya ay tsaka naman ako binalot ni mama sa maitim na plastik at inilagay sa kung saan. Pagkatapos po nun ay hindi ko na alam kung ano ang nangyari. Nagising na lang po ako na nandito na ako sa ospital at binabantayan mo ako,” umiiyak na si Nina.
Hindi na namalayan ni Mia ang pag-agos ng luha sa pisngi dahil sa sinabi ni Nina. Kahit hindi iyon sa kaniya ginawa ay nararamdaman niya ang sakit na dinulot nito dahil sa ina. Awang-awa siya kay Nina, mabuti at nakayanan nito ang lahat ng palong natamo.
“Tutulungan kita Nina, pangako iyan,” humihikbing wika ni Mia, habang yakap-yakap si Nina.
Gaya nga ng sinabi niya ay tinulungan niya si Nina upang mapalayo sa salbahe nitong ina. Ipinasa niya sa mga pulis ang video ng pag-uusap nila ni Nina, kaya naman agad na umaksyon ang ka-pulisan. Kinasuhan ang ina ni Nina, ng child ab*se at ilang mahabang taon na pagkakakulong. Napunta naman ang kustodiya ni Nina sa bahay ampunan. Doon naman inasikaso ni Mia ang adoption paper para sa legal na pag-ampon niya kay Nina.
Mula nang kunin ni Mia si Nina sa bahay ampunan ay pinalitan niya ang pangalan nito. “Nina, mula ngayon kakalimutan mo na ang nakaraan mo. Ililibing mo na sa limot ang masalimuot mong nakaraan, dahil mula ngayon ako na ang mama mo at ikaw na si Sabrina,” kausap ni Mia kay Nina noon! Sabrina na ngayon!
Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa labi ni Sabrina at niyakap siya ng mahigpit. “Salamat po mama sa pagbibigay sa’kin ng bagong buhay at bagong pangalan,” buong pagmamahal na wika ni Sabrina.
“Magbabagong buhay tayo, Sabrina. Pareho nating kakalimutan ang pangit na nakaraan sa buhay natin at mamahalin kita ng higit pa. Pupunan ko ang pagmamahal na hindi mo naranasanan noon,” pangako ni Mia sa anak.
Lumipas ang maraming taon! Ngayon ay bente otso anyos na si Sabrina at may sariling pamilya na rin si Mia, at may dalawang anak at napakabait na asawa.
“Sabrina, kumusta naman ang charity na tinutulungan mo?” tanong ni Mia sa anak.
“Maayos naman po ma, alam mo masaya ako at nakakatulong din ako sa mga batang inaab*so ng ibang tao. Nakikita ko po ang sarili ko sa inyo noon,” buong paghangang tumitig si Sabrina sa ina.
“Kalimutan mo na ang pangit na pangyayaring iyon anak,” malungkot na wika ni Mia.
“Matagal ko na pong nakalimutan ang pakiramdam na iyon mama. Kaya huwag na po kayong mag-alala. Masaya lang ako, kasi nakakatulong na rin ako ng mga batang katulad ko noon,” nakangiting wika ni Sabrina.
“Maraming-maraming salamat po mama dahil dumating ka sa buhay ko. Kung hindi dahil sa’yo, hindi ko alam kung ano nang nangyari sa’kin ngayon. Hulog ka ng kalangitan sa’kin mama pati ang mga kapatid ko at lalong-lalo na si papa na hindi nagdalawang isip na tanggapin ako,” madamdamin niyang wika sabay halik sa pisngi ng ina.
“Mahal na mahal ka namin anak,” wika ni Mia sabay yakap sa anak ng mahigpit. Pamilya sila! Galing man si Sabrina sa ibang ina ay anak ang turing ng puso niya rito, hindi man siya ang nagluwal kay Sabrina.