Inday TrendingInday Trending
Biyudang Laging Basted

Biyudang Laging Basted

“Mars, sabihin mo nga! Ano bang kulang sa akin at palagi na lang akong tinatanggihan ng mga lalaki, ha? Ano? Mga bulag ba iyong mga ‘yon?!” malakas na tanong ng lasing na si Tilda sa kaniyang kaibigan habang sila’y nag-iinuman sa isang bar.

“Ay naku mars! Paulit-ulit tayo eh! Sabi sayo’t hintayin mo lang at darating din ‘yan. Kaya ka laging nababasted eh!” sagot naman ni Lydia na mahilo-hilo na rin. Naroon sila sa isang bar nang gabing iyon dahil hayun at nagluluksa na naman ang bigong puso ni Tilda.

Ang huling lalaki kasing sinusuyo-suyo nito ay hindi ito sinipot sa date. Si Jason na isang business man, mabait ang pakikitungo sa kanilang magkaibigan kaya ang akala talaga nila ay gusto rin nito si Tilda. Panglimang lalaki na ata ito sa taong iyon na tumanggi sa inaalok na pag-ibig ng kaniyang desperadang kaibigan.

“Si Jun, si Albert, si Simon… lahat sila, ayaw sakin,” papikit-pikit na sabi ni Tilda.

Napailing na lang si Lydia nang makitang lugmok na ito sa lamesa dahil sa kalasingan.

Sakto naman dumating na si Raffy na tinawagan niya kanina upang sunduin ang kaibigan. May tiwala siya dito dahil ito lang naman ang nakatatandang kapatid ng yumaong asawa ni Tilda.

“Oh Raffy, bahala ka na riyan ah. Ang kulit eh, buti nakatulog na,” paalam ni Lydia at saka nauna nang lumabas ng bar. Dahil sa kalasingan ay hindi na namalayan ni Tilda na ang kapatid pa pala ng asawa ang naghatid sa kaniya pauwi.

Kinabukasan ay parang binibiyak sa sakit ang ulo ni Tilda. Hindi naman kasi siya palainom kaya madali siyang malasing. Nang makabawi sa kirot ng ulo ay bumaling siya sa kaniyang gilid at kinapa-kapa iyon. Malamig ang kobre-kama. Wala siyang ibang katabi kung hindi mga unan. Tila kay layo na ng mga araw na may yumayakap at naglalambing sa kaniya.

Dalawang taon lamang ang pinagsamahan nila ng kaniyang butihing asawa ngunit masaya ang kanilang naging pag-iibigan bago ito tuluyang bawian ng buhay dahil sa c*ncer. Sa loob ng sampung taong lumipas ay naging malamig na ang mundo niya. Wala siyang naging anak dito kaya wala rin siyang mapagbalingan ng atensyon. Hindi niya mapigilang maluha dahil sa mabigat na pakiramdam ng pag-iisa sa kaniyang dibdib.

“Hon, alam mo namang ginagawa ko ang lahat para sumaya ‘di ba? Katulad ng ibinilin mo sa akin bago ka pumanaw. Pero bakit ganun? Mag-isa pa rin ako,” naluluhang kausap niya sa hangin. Sa kadesperaduhan nga niya ay siya na ang nanliligaw sa mga lalaking kaniyang nagugustuhan, ngunit wala pa rin.

Napabangon siya nang biglang magtext sa kaniya si Raffy, sinasabing naiwan daw nito ang panyo sa kanila. Sandali siyang naguluhan ngunit nang maalala ang mga pinaggagagawa niya kahapon ay halos mabatukan niya ang sarili. Nakakahiya na ito pa pala ang naghatid sa kaniya pauwi! Pumunta siya sa kusina at nagtimpla ng kape, nang may marinig na komosyon sa kanilang bakuran.

Pagbukas niya ng pintuan ay nagulat siya sa eksenang nasaksihan. Si Raffy at ang lalaking hindi sumipot sa date nila kahapon na si Jason ay nagtatalo. Hindi naaramdaman ng dalawa ang presensiya niya kaya nagpatuloy ang mga ito sa pagbabangayan. Hindi niya maintindihana ang mga pangyayari ngunit nagulat siya sa lihim na nabunyag.

“Akala mo ba hindi ko alam? Kagagawan mo kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring karelasyon si Tilda, pati nga date namin kahapon sinabotahe mo eh. Pinaimbestigahan na kita, ano ha? Bakit? May gusto ka sa asawa ng kapatid mo?” mayabang na turan ni Jason.

Mabilis ang sumunod na nangyari at bigla na lang humandusay sa lupa si Jason na dugo ang ilong.

“Bago ka manligaw siguraduhin mo munang wala kang sabit!” ganting sigaw naman ni Raffy dito. Nang magpapang-abot na naman ang mga ito ay pumagitna na siya upang umawat.

“Tumigil na nga kayong dalawa!” sigaw niya. “Ikaw Jason, ang kapal ng mukha mong makipag-date eh may sabit ka na pala, umuwi ka na!” sigaw niya sa isang manliligaw. “At ikaw naman Raffy, mag-uusap tayo,” sabi niya at saka tinalikuran ang mga ito.

Pagdating sa kusina ay mahinahon siyang umupo at uminom ng tubig. Makalipas lamang ang ilang sandali ay nag-aalangang umupo sa harap niya si Raffy at nagsalita.

“Bago bawian ng buhay ang kapatid ko, hiniling niya na protektahan kita. Mahal na mahal ka niya kaya gusto niyang maging masaya ka kahit wala na siya. Kaya nangako ako na sisiguraduhin kong hindi ka masasaktan. Tuwing may liligawan – este, mapapalapit sa iyo na lalaki ay pinaiimbestigahan ko. At sa malas, lahat sila kung hindi may sabit ay may police record. Ewan ko ba sa’yo Tilda, siguro ay nabubulagan ka lang dahil sa pagmamadali mong makatagpo ng pag-ibig.”

Napamaang na lamang siya sa mga sinabi nitong impormasyon. Kung wala pala ito ay baka nasuot na siya sa kung anu-anong gulo. Hindi masalita si Raffy kahit noon pa man kaya malaki ang epekto ng mga sinabi nito kay Tilda.

Napaluha na lang siya nang mapagtantong kahit sa huling sandali ng asawa ay siya pa rin ang iniintindi nito. Nagpasalamat siya ng marami kay Raffy at humingi ng pasensya sa dulot niyang abala dito. Nangako siyang simula ngayon ay hindi na kukwestiyunin ang tinadhana ng Maykapal. Sa halip ay matututo siyang maghintay para sa ikalawa niyang pag-ibig, kung mayroon mang nilaan pa para sa kaniya.

Advertisement