Inday TrendingInday Trending
Ang Asawang Inggitera

Ang Asawang Inggitera

Bagong mag-asawa lamang sina Katie at Miguel. Ordinaryong empleyado lamang ang mag-asawa nang sila ay magpakasal kaya naman halos maubos ang kanilang ipon dahil sa enggrandeng kasal na ginusto ni Katie.

Noong una ay tutol si Miguel sa enggrandeng kasal subalit mahal na mahal nito si Katie kaya naman pinagbigyan nito ang kapritso ng kasintahan.

Kaya naman sa loob ng isang taon, kinailangan nilang manirahan sa isang mumurahing apartment habang nag-iipon ng pang-downpayment para sa kanilang bahay.

Makalipas ang isang taon, saka lamang sila nakabili ng bahay sa isang disenteng subdibisyon na masasabi naman ni Katie at Miguel na isa nang magandang bahay na tirahan ng isang maliit na pamilya.

“Miguel! Ang ganda rito!” Natutuwang sabi ni Katie sa kasintahan habang nililibot nila ang maliit ngunit fully-furnished nang bahay. Isa itong two-storey house na may tatlong kwarto, dalawang banyo, maliit na kusina kadikit ng dining area, at maliit na garden at garahe sa labas.

“Oo nga, hon. Maganda nga itong napili mong bahay,” nakangiting sabi ni Miguel bago inakbayan ang asawa. Sa totoo lang, masyadong mahal ang bahay na iyon. Subalit nang makita ang masayang ngiti sa labi ng asawa, naisip niya na mas maganda nga siguro na iyon ang bahay na kinuha nila. Ang mahalaga ay masaya ang asawa.

Kasalukuyan silang nag-aayos ng mga gamit na inilipat nang tumunog ang doorbell.

“Hon, pakibuksan ang pinto,” utos ni Miguel habang nagkakabit ng kurtina.

Agad namang tumalima si Katie. Nais din malaman kung sino ang taong bumisita gayong wala pa naman silang kakilala.

Isang magandang babae at gwapong lalaki ang bumungad sa kanya nang buksan niya ang kanilang pinto. Dalawang pizza ang hawak ng lalaki.

“Sino po ang hanap nila?” magalang niyang tanong sa mga bisita.

“Hi!” Magiliw na bati ng babae. May malaking ngiti sa mga labi nito. “Kami ang nakatira diyan sa katapat na bahay. “Ako si Sofia, at siya naman ang asawa kong si Raul.” Tipid na ngumiti ang lalaki.

“Nagdala kami ng pizza para sana makapagbonding tayo at magkakila-kilala na rin bilang magiging magkapitbahay naman tayo,” nakangiting sabi pa ng babae.

Nakipagkamay pa ang mag-asawa kay Katie.

“Naku, nag-abala pa kayo! Maraming salamat. Pasok kayo, nandoon ang asawa ko.” Nilakihan niya ang awang ng pinto.

Tinawag niya ang asawang kasalukuyang nag-aayos pa rin ng kurtina.

“Hon, sila sina Sofia at Raul, mga kapitbahay natin. Gusto nila makipagkwentuhan para magkakila-kilala naman.”

“Nice to meet you.” Naglahad naman ng kamay ang kaniyang asawa sa kanilang mga bisita.

“Pasensiya na kayo, medyo makalat pa, kakalipat lang naming eh,” nahihiya pang sabi ni Miguel.

“Ayos lang, mukha ngang mali ang punta namin ni Sof, dapat pala hinintay muna namin na makapag-ayos kayo ng gamit,” nakangiwing sabi ni Raul, mukhang agad nang nakapalagayang loob si Miguel.

Nagtawanan ang dalawang lalaki.

Sa pakikipag-usap nina Katie at Miguel sa mag-asawa ay marami silang nakitang pagkakapareho kagaya na lamang ng kanilang mga edad. Magkakaedaran lamang pala sila. Bagong mag-asawa lang din ang dalawa, nauna lang lumipat ang mga ito sa subdibisyon na iyon dahil dun agad sila tumira matapos ang kanilang kasal. Kaya naman tila matagal na silang magkakakilala na agad nagkapalagayang loob.

Sa sobrang pagkaaliw ng dalawang mag-asawa ay namalayan na lamang nila na madilim na pala.

“Naku, gabi na pala! Masyado yatang napasarap sa kwentuhan.” Napatampal pa si Sofia sa noo nito. May dinner daw pala ang mag-asawa kasama ang pamilya ni Raul.

“Sige, sa uulitin. Kami naman ni Miguel ang maghahanda ‘pag bumisita ulit kayo,” masiglang wika ni Katie. Masayang-masaya na nakatagpo ng kaibigan sa katauhan ni Sofia.

Hinawakan pa ni Sofia ang braso ni Katie, at hindi maiwasang mapako ang kaniyang tingin sa magarbong singsing ni Sofia. Tantiya niya ay nasa mga kalahating milyon ang halaga nito, kung pagbabasehan ang tumpok ng itim na diyamanteng nakapalibot sa singsing.

Hindi niya tuloy maiwasang ikumpara iyon sa kanyang napakasimpleng singsing.

Sa paglipas ng araw ay nagtuloy-tuloy ang magandang samahan nila ng kapitbahay.

Doon din nagsimulang lumaki ang inggit sa puso ni Katie sa kadahilanang may mga sandali na nakikita niyang angat na angat ang buhay ng kanilang kapitbahay kumpara sa kanilang mag-asawa. Tila wala lang naman ‘yun sa asawa.

Isang araw ay niyaya siya ni Sofia na bumisita sa bahay nito. Late daw kasi makakauwi sa Raul. Sakto naman na nag-overtime ang kanyang asawa kaya naman pinaunlakan niya ang paanyaya ng kaibigan. Excited si Katie dahil ‘yun ang unang beses na makakarating siya sa bahay ng kapitbahay.

Hindi maiwasang mamangha ni Katie sa eleganteng bahay ng kapitbahay. Ibang-iba iyon mula sa kanilang bahay. Bawat gamit ay makikitang talaga namang mamahalin. May mini bar pa sila sa loob ng bahay, bagay na mas lalong ikinamangha ni Katie.

Laglag ang kaniyang panga nang pumunta sila sa closet ni Sofia. Tila ito isang mall na may koleksyon ng mamahaling bag, sapatos, dami, at mga alahas!

“Bigay itong lahat ni Raul?” Namimilog ang matang tanong ni Katie sa kaibigan.

“Oo.” May matamlay na ngiti ito. Bagay na hindi napansin ni Katie, sapagkat nakatututok ang kanyang atensiyon sa mga magagandang gamit sa loob ng closet ni Katie.

Hindi na naman niya maiwasang mainggit at pagkumparahin siya at si Sofia.

“Sof, siguro ang saya saya mo, ano?” Kuryosong tanong ni Katie kapagkuwan.

“Bakit mo naman nasabi?” Kunot noong tanong nito.

“Kasi si Raul, binibigyan ka ng mga ganitong bagay. Tapos ang bait-bait ng asawa mo. Wala ka nang hahanapin pa.”

“Katie, hindi ko naman kailangan ang mga bagay na ito, sa totoo lang. Gusto ko lang maging malaya.” Misteryosang sabi nito, na hindi niya na naungkat dahil dumating na ang asawa nito.

Nang makauwi ay tahimik si Katie. Kaya naman nagtanong ang asawa.

“May nangyari ba, hon?” Hindi kumibo si Katie.

“Hon, bili mo naman ako ng bag,” maya-maya ay ungot niya sa asawa.

Natawa ang asawa. “Ano naman ang pumasok sa isip mo at nagpapabili ka ng bag?”

“Wala lang.”

“Hon, pwede ba na ‘wag muna? Alam mo naman na tipid tayo kasi nagbabayad tayo ng bahay, ‘di ba?”

Hindi nagsalita si Katie. Tumalikod sa asawa.

Napabuntong hininga naman si Miguel. Nilambing ang asawa. Nang hindi ito magpalambing ay nanahimik na siya ngunit buong gabing binagabag ng konsensiya dahil hindi niya mapagbigyan ang hiling ng asawa.

Nang hapon iyon, nagulat na lamang si Katie nang pag-uwi niya mula sa trabaho ay madatnan niya ang isang police patrol sa bahay nina Sofia. Lalapit sana siya upang mag-usisa nang marinig ang usapan ng mga pulis. “Kawawa naman ‘yung babae. Matagal na yata sinas*ktan ng asawa. Wala yatang balak magsumbong, buti nahuli na ng mga magulang sa akto.”

Hindi mapakali sa Katie. Gustong-gustong malaman ang nangyari. Kaya naman pumunta siya sa bahay ng kaibigan.

Isang matandang babae ang nagbukas sa kaniya ng pinto. Nagpakilalang nanay ni Sofia.

Sa sofa ay nakaupo ang babae, may mga pasa ang braso at mukha.

Napag-alaman niyang sinas*ktan pala ito ni Raul. Pag natatauhan ang lalaki ay hihingi ito ng tawad at bibigyan ang asawa ng kung ano-anong mamahaling regalo.

Mahal ni Sofia ang asawa kaya nagtitiis ito sa panan*kit ngunit nahuli ito sa akto ng mga magulang ng babae kaya walang nagawa si Sofia nang damputin ang asawa ng mga pulis.

“Kaya nga inggit na inggit ako sa’yo, Katie. Nakikita kong mahal na mahal ka ni Miguel at suportado niya ang lahat ng ginagawa mo. Hinahayaan ka niya magtrabaho at magdesisyon para sa sarili mo. Samantalang ako, hindi man lang ako makalabas ng bahay,” umiiyak na kwento ni Sofia.

Awang-awa si Katie sa babae. Madaming siyang napagtanto. Kagaya na lamang ng kung gaano kaswerte sa asawa, at kung paanong hindi siya dapat mainggit sa mga materyal na bagay dahil bawat mag-asawa ay may kani-kanyang pinagdaraanan at sitwasyon na hindi naman nakikita ng ibang tao.

Nang makauwi ang asawa ay sinalubong niya ito ng mahigpit na yakap. Bagay na ipinagtaka nito.

May iniabot naman ito sa kaniyang isang paperbag. Nang makita niya ang laman ay napaluha siya. Ibinili pa rin siya nito ng bag na inuungot niya. Kaya naman takang-taka ang asawa.

“Hindi mo gusto?” Nag-aalalang tanong nito, may pag-aalinlangan sa mga mata.

“Gusto. Gustong-gusto.”

Doon ito tila nakahinga ng maluwag. Niyakap siya nito ng mahigpit habang umaagos ang kaniyang luha, dahil pakiramdam niya ay hindi siya naging mabuting asawa dahil naging mapaghanap siya.

Nang gabing iyon ay taimtim ang panalangin ni Katie. Una, ang kasiyahan ng kaniyang kaibigan na si Sofia. Ikalawa, ang pagpapasalamat dahil binigyan siya ng Diyos ng mabait, responsable, at mapagmahal na asawa. Inalis niya na ang inggit at ‘di pagkakuntento sa kaniyang puso. Wala na siyang mahihiling pa.

Advertisement