Ugaling Nabago Ng Pera

“Ano ka ba naman, Tonya? Wala ka na bang gagawing tama, ha? Gusto mo sisantehin kita? Palagi ka na lang nakakatapon ng pagkain, minsan naman nakakabasag ng pinggan at baso! Hindi mo ba talaga aayusin trabaho mo?” sambit ni Kristine sa isa niyang kasambahay nang makatapon na naman ito ng ulam sa hapag kainan.

“Pa-pasensya na po, madam,” nakatungong sambit ni Tonya habang iniimis ang natapong ulam.

“Pasenya, pasensya, pasensya, Tonya, tatlong taon na akong nagpapasensya sa’yo! Unang buwan mo pa lang ninakawan mo na ako ng biscuit, ‘di ba? Doon pa lang, pinagpasensyahan at pinatawad na kita!” bulyaw niya dahilan upang bahagyang manginig ang dalaga. Bakas na sa mukha nito ang matinding takot.

“Madam, gutom na gutom lang po talaga ako noon,” pangangatwiran nito dahilan upang mas lalo siyang magalit.

“Kahit anong rason mo, basta kumuha ka ng hindi iyo at walang paalam, pagnanakaw ang tawag doon! Hindi ka na nga nagpasalamat, nangatwiran ka pa! Naku, umalis ka na nga sa harapan ko!” sigaw niya dito, nataranta naman itong bumalik sa kusina at doon pinagpatuloy ang kaniyang pagkain. Naiwan naman siyang napabuntong hininga dahil sa kapalpakan ng kaniyang kasambahay.

Laki sa hirap ang dalagang si Kristine. Kaya naman noong nakapagtapos ng pag-aaral at tila nakakuha ng magandang trabaho, ginawa niya ang lahat upang makaipon at matupad ang kaniyang pinapangarap na buhay katulad nang pagkakaroon ng naggagandahang damit, magarang sasakyan at malaking bahay.

Naabot niya nga ang pangarap niyang ito ngunit tila nagkalamat naman ang kaniyang relasyon sa kaniyang buong pamilya, pati na sa kaniyang mga magulang. Naging madamot kasi ang dalaga at naging tikom sa pera. Sa katunayan nga, habang siya’y nakakatulog ng mahimbing sa malambot na kama, ang mga magulang niya’y nakabaluktot sa maliit na papag at naiinitan.

Ni hindi sumagi sa isip niyang tulungan o kahit man lang abutan ng pangkain ang mga ito, rason niya, mahirap na buhay daw ang binigay sa kaniya ng mga ito kaya ngayong mayaman na siya, hindi niya raw responsibilidad na isama sa karangyaan ang mga taong hindi nagbigay ng yaman sa kaniya.

Advertisement

Ito rin ang naging dahilan kung bakit wala ni isa sa kaniyang mga kaanak ang nais magtrabaho sa kaniya noong mga panahong naghahanap siya ng katulong. Sa katunayan, may isa siyang pamangking sumubok magtrabaho sa kaniya, ngunit nang mawala lang ang isa niyang kutsara, agad na niya itong pinadampot sa barangay na naging dahilan ng maigting na sagutan sa pagitan ng kanilang buong kaanak.

Simula noon, nakilala niya ang dalagang si Tonya. Ang tanging katulong na tumagal sa kaniya. Maasikaso ito at mapagpasensya ngunit kahit pa ganoon, hindi niya ito lubos mapagkatiwalaan dahil sa nagawa nitong pagkuha ng isang biscuit na labis niyang ikinagalit.

Kinagabihan nang araw rin ‘yon, nagpasiya siyang magbabad sa paborito niyang bathtub. Pinahanda niya ito kay Tonya, pinalagyan niya ng mga rosas at gatas. Maya-maya pa, pinalabas na niya ito at tuluyang lumusong sa mala-gatas na tubig.

Marahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata saka nangarap pa ng higit sa mayroon siya. “Magpatayo kaya ako ng rebulto ko sa Paris? Wala lang, para lang maging atkrasyon doon ang mukha ko tapos..” hindi na niya natapos ang pangangarap dahil bigla na niyang narinig na tila bumukas ang pintuan ng kaniyang kwarto, katabi lamang ng banyo.

Agad siyang nagbalot ng tuwalya saka lumabas ng banyo. Nakita niyang nakabukas na ang pintuan ng kaniyang kwarto na labis niyang ikinagalit. Ayaw na ayaw niya kasing may ibang papasok sa kaniyang silid dahil nakakalat lang doon ang kaniyang mga kayamanan.

“Tonya! Anong gagawin mo d’yan sa kwarto ko? Magnanakaw ka na naman? Aba, hindi na talaga napirmi ‘yang kamay mo, ha?” ngunit pagkasabi niya nito, nagulat na lamang siyang lumabas sa kaniyang kwarto ang dalaga, hila-hila ang isang batang kalyeng nakagapos at tila walang malay.

“A-anong ginawa mo sa kaniya?” tanong niya.

“Nilooban tayo, madam. Nakuha ko nga yung mga alahas mo sa panloob niya. Buti na lang marunong pa ako mag-karate!” sambit nito dahilan upang ganoon na lamang siya makahinga ng maluwag.

Advertisement

Nakatulala lang siya dahil sa nangyari. Hindi niya alam na muntikan na pala siyang manakawan nang hindi niya alam. Labis ang pasasalamat niya sa dalagang ‘yon. Doon na niya naisip lahat ng masasamang nagawa niya sa kaniyang kasambahay dahilan upang naisin niyang makabawi dito.

Binigyan niya ito ng malaking halaga upang makapagsimula ng isang negosyo o makapagpatayo ng sariling bahay para sa pamilya nito sa probinsya ngunit laking gulat niya nang tumanggi ito.

“Naku, huwag na po. Mas kailangan po ‘yan ng mga magulang mo,” mga katagang tila sumampal sa kaniya, “Ay, pasensya na po kayo,” sambit nito nang makitang nag-iba ang timpla ng kaniyang mukha.

“Hindi, ayos lang, tama ka naman, eh. Hindi ko pa talaga natutulungan ang pamilya ko at sila ang may talagang kailangang mabasbasan ng biyayang mayroon ako,” ika niya saka muling ngumiti makalipas ang apat na taon.

Ora mismo, agad niyang pinuntahan ang kaniyang mga magulang. Naabutan niya itong nananghalian, kanin at tuyo ang nakahanda sa kanilang munting hapag-kainan, “Kain tayo, anak,” ‘ika ng kaniyang ina. Napaluha siya’t naalala lahat ng masasayang sandali sa munting bahay na ito, sandaling hindi matutumbasan ng pera’t alahas.

Agad siyang sumalo sa kainan kasama ang kaniyang kasambahay at doon na siya nagsimulang bumawi sa kaniyang magulang.

Binili niya ang mga ito ng sariling bahay sa tapat ng kaniyang bahay. Araw-araw niyang dinadalaw ang mga ito at pinagluluto ng masarap ng pagkain. Paminsa’y dinadala niya ito sa mga mall o parke upang mamasyal. Hindi man niya masabi ang mga katagang, “Patawarin niyo, ako,” isinasabuhay niya naman ito.

Malaki ang naitulong ng kasambahay na ito sa buhay ng isang dalagang naging hayok sa yaman at nakalimutan ang sariling pamilya.

Advertisement

May mga pagkakataon sa ating buhay na nagiging maramot tayo at tikom sa pera. Kahit pa sarili nating kadugo, hindi natin mabigyan ng kaunting tulong, nawa’y kapag dumating ang araw na mapagtanto mong mali ang lahat ng iyong ginagawa, matanggap ka pa nila ng buo.