Ang Tunay na Virus ng Buhay

“Mag-iingat ka, Loves. Lagi kang magte-text. Are you sure na ayaw mo akong isama?”

Nilalambing ni Elvira ang kaniyang mister na si Bong habang inaayos nito ang kaniyang mga gamit. Nakatakdang dumalo sa isang kumperensiya ang kaniyang mister. Ito ay isang branch manager sa kompanyang kaniyang pinagtatrabahuhan.

Inihinto ni Bong ang kaniyang ginagawa at hinarap ang asawa.

“Okay lang naman ako, Loves. Just stay here at alagaang mabuti si Phoebe. I will always update you. Three-day seminar lang iyon. Babawi ako sa iyo sa pagbalik ko. Mag-ready ka,” sabi ni Bong kay Elvira. Kinindatan niya ito at ginawaran ng munti ngunit mainit na halik sa mga labi. Tumugon naman si Elvira.

“Oh… baka hindi na ako makaalis niyan, Loves,” natatawang pag-awat ni Bong sa asawa. Binuhat na niya ang mga maleta at iba pang bag, at inilagay na sa loob ng kaniyang kotse. Muling nagyakap ang magkabiyak. Humabol pa ito ng kaway hanggang sa makaalis na nga si Bong.

Ngingiti-ngiting pumasok na sa loob ng kanilang bahay si Elvira. Nagtungo siya sa ikalawang palapag upang tingnan ang anak nilang si Phoebe, limang taong gulang. Himbing na himbing pa ito sa pagkakatulog. Sinadya nilang hindi gisingin ito dahil tiyak na papalahaw ito ng iyak at pipigilan ang ama sa pag-alis nito, o kaya naman ay baka sumama pa.

Anim na taong kasal sina Bong at Elvira. Nagkakilala sila sa isang restaurant nang hindi sinasadya. Naalala niya noon, parang eksena sa pelikula, hindi niya sinasadyang mabitiwan ang tinidor na kaniyang ginagamit. Nang pupulutin niya ito sa sahig, kamay ni Bong ang kaniyang nahawakan. Nagtama ang kanilang mga mata. Dahil mag-isa lamang silang kumakain noon, sa mesa niya umupo si Bong. Nagkapalagayan kaagad sila ng loob. Niligawan siya nito ng halos isang buwan. Sinagot niya at naging magkasintahan sila. Nagpakasal. Bumuo ng pamilya.

Sa aspetong pinansyal, well-provider si Bong. Ibinibigay nito ang buong suweldo sa kaniya. Pinakiusapan siya nito na tumigil na sa pagtatrabaho at alagaan na lamang ang kanilang anak. Pumayag naman si Elvira.

Advertisement

Tiniis ni Elvira ang unang dalawang araw na malayo sa kaniyang piling si Bong. Hindi naman ito nagkulang sa pag-update sa kaniya. Ngunit sa ikalawang araw, isang nakababahalang balita ang bumungad sa kanila. Isang dumalo sa conference ang nagpositibo umano sa kumakalat na virus, na bigla na lamang nanalasa sa Pilipinas. Nagkagulatan ang lahat dahil naging mabilis ang pagkalat ng virus, na nagmula umano sa isang dayuhang nanunuluyan sa hotel kung saan dinaraos ang conference na dinaluhan ng kaniyang asawa.

Agad niyang tinawagan sa pamamagitan ng video call ang asawa.

“Loves, nabalitaan ko ang nangyari diyan? Kumusta ka?” nag-aalalang tanong ni Elvira sa asawa.

“Ayos naman ako loves… kailangan daw kaming i-quarantine, lahat ng mga dumalo at nagcheck-in sa hotel na ito, we need to stay for 14 days to make sure na walang nahawa sa virus,” paliwanag ni Bong.

“Lagi kang mag-iingat diyan, okay? Balitaan mo ko my loves. Ano ngang hotel iyan at room number mo?” tanong ni Elvira.

“Princess of the Stars Hotel, room 346 loves,” sagot ni Bong.

Kanina pa tapos ang usapan nila ng asawa, subalit hindi pa rin mapakali si Elvira. Gusto niyang puntahan ang asawa. Hindi naman siya marunong magmaneho. May isa pang kotse na nasa garahe si Bong. Naalala niya ang kaibigang si Olga. Marunong magmaneho si Olga. Hihingi siya ng tulong dito.

Kinuha niya ang telepono at tinawagan ang kaibigan sa cellphone. Medyo matagal bago ito sumagot. Nang walang sumasagot sa tawag niya, sinubukan niyang tawagan ang landline nito. Sumagot ang kasambahay nito.

Advertisement

“Hello Olga… praise God at sinagot mo ang tawag ko…”

“Hello po. Si Isidra po ito. Wala po si Ma’am Olga,” sagot ng kasambahay ni Olga.

“Aling Isidra, nasaan po si Olga? Gusto ko sana makausap,” tanong ni Elvira.

Kababakasan sa tinig ni Isidra ang labis na panginginig at pag-aalala.

“Ma’am, naku, si Ma’am Olga po ay tatlong araw nang hindi umuuwi dahil nagcheck-in daw po sa isang hotel. Kanina po nabalitaan namin na yung hotel po na tinutuluyan niya ay may virus. Hindi po sila pinapalabas. 14 days daw po siya roon muna,” nag-aalalang sagot ni Isidra.

Nangunot ang noo ni Elvira. Isang hotel lamang ang alam niyang may kaso ng pasyenteng tinamaan ng virus, at ito ay ang hotel na tinutuluyan ng kaniyang asawa.

“Saang hotel daw?” tanong ni Elvira.

“Sa Princess of the Stars Hotel po sa Makati,” walang kagatol-gatol na sagot ni Isidra. Nagitla si Elvira. Ano ang ginagawa ni Olga sa hotel na tinutuluyan ni Bong?

Advertisement

“A-ano raw ang dahilan bakit naroon siya?” p*tay-malisyang tanong ni Elvira, bagama’t may kakaibang kutob siyang naramdaman, na ayaw mong isipin.

“Magkikita raw po sila ng kaniyang boyfriend. Hindi pa po namin nakikilala ang boyfriend niya kasi lagi po silang nagkikita sa labas,” sagot ng kasambahay.

Hindi na nagtanong pa si Elvira. Nagpasalamat siya sa kasambahay at ibinaba na ang telepono. Ibang kaba ang nararamdaman niya. Nag-isip siyang mabuti. Kinuha niya ang smartphone at sinaliksik ang numero ng naturang hotel. Tinawagan niya ito.

Ilang minuto lamang at may sumagot sa kaniyang tawag.

“Hello… I heard kasi yung situation ngayon sa hotel ninyo. May mga kakilala ako na nakacheck-in diyan. Gusto ko lang i-confirm kung sino ang nakacheck in sa room 615?” kabadong tanong ni Elvira.

“Yes po. We are sorry to inform you po about our situation here. Everyone is not allowed to go home po in 14 days for the self-quarantine. Anyways, ang mga naka-check in po sa room 346 ay sina Bong Balmaceda at Olga Vismonte. Kaano-ano po ninyo sila?”

“H-he is my husband… and that woman… is his mistress who happens to be my friend,” basag na sagot ni Elvira. Saglit na nahinto ang kausap niyang receptionist sa kabilang linya.

“I’m sorry to hear that, Ma’am…” sabi ng receptionist.

Advertisement

“No, that’s okay. You don’t have to. Thanks anyway,” pahayag ni Elvira at ibinaba na niya ang awditibo.

Parang pinagbagsakan ng langit at lupa si Elvira. Anong ginagawa sa iisang kuwarto nina Bong at Olga? Si Olga na ninang pa ni Phoebe. Kaya pala laging pinupuri ni Olga ang kaniyang asawa, iyon pala ay inaahas na ito.

Dali-daling tinawagan ni Elvira sa pamamagitan ng video call si Bong.

“Kumusta kayo ni Olga diyan?” tanong ni Elvira.

“O-Olga…? Anong pinagsasasabi mo…”

“Huwag ka nang magmaang-maangan. Alam ko na ang lahat. Hindi ka mag-isa diyan sa kuwarto na iyan. Nasaan si Olga? Nasaan?” galit na sabi ni Elvira, at hindi sinasadya, nahagip sa camera ng telepono ni Bong ang papalabas na si Olga mula sa palikuran. Nakatapis lamang ito at nababalutan pa ng tuwalya ang buhok; kaliligo lamang. Hindi nito alam na tumawag si Elvira sa pamamagitan ng video call. Namutla ito nang makitang kausap ni Bong si Elvira.

“Mga hayop! Mga baboy! Kayo ang mga tunay na virus. Sinisira ninyo ang mga buhay ng ibang tao. Magsama kayong dalawa!” galit na sabi ni Elvira. Hindi na nakapagpaliwanag pa si Olga.

Makalipas ang 14 na araw, nabalitaan ni Elvira na parehong tinamaan ng sakit ang asawa at si Olga. Gusto raw nilang lumabas sa kuwarto, subalit hindi maaari. Hanggang sa nabalitaan na lamang ni Elvira na parehong sumakabilang buhay ang kaniyang asawa at si Olga sa sakit. Iniutos niya ang pagpapa-cremate sa mga labi ng mga ito.

Advertisement

Na-contain naman ang paglaganap ng virus at hindi na ito kumalat pa sa iba. Walang magawa si Elvira kundi kalimutan ang ginawa ng kaniyang asawa at kaibigan niyang itinuring na kapatid. Mag-isa niyang binuhay ang anak na si Phoebe. Natutuhan ni Elvira na mas maging matatag pa sa buhay, at hindi siya basta-basta papagupo sa mga “virus ng buhay”.