Padabog na inihagis ni Gemma ang binabasang libro, matapos makitang naibalot na ng kaniyang ina sa malalaking plastic bags ang ibaʼt ibang uri ng goods na inaasahan pa naman niyang iimbakin nito upang may stock sila ng pagkain para sa nagaganap ngayong krisis dahil sa hagupit ng isang malakas na bagyo. Iyon pala ay balak lang nitong ipamigay iyon sa ibang tao sa loob at labas ng kanilang subdivission.
“Ma, paano na tayo?”
Nakahalukipkip at naiinis pang tanong ni Gemma sa ina nang magkasalubong pa ang kaniyang kilay.
“Nak, may pera naman tayo. Kayang-kaya nating bumili ng pagkain anumang oras. Isa paʼy hindi naman natin mauubos ang lahat ng iyan. Gusto kong natutunan ninyo kung paano magbigay sa kapwa,” ang mahinahon namang sagot ng kaniyang ina.
“Eh, mama, limitado na nga lang ang pʼwede nating bilhin sa mga grocery store! Tayo naman ang mauubusan diyan sa ginagawa nʼyo, e!” giit pa ni Gemma sa may kataasang tono.
Kumunot ang noo ng kaniyang ina at pinitik ang kaniyang noo. Napadaing siya sa sakit.
“Ayusin mo ʼyang ugali mo, Gemma. Hindi magandang nagdadamot ka sa kapwa mo!” pangangaral nito.
“Hindi naman ako nagdadamot, mama! Kung hindi lang panahon ng krisis ngayon, e, hindi ko naman kayo pipigilan dyan sa ginagawa nʼyo. Nagiging praktikal lang po ako,” giit namang pangangatuwiran pa rin ng matalinong si Gemma.
Buntong hininga ang isinagot ng kaniyang mama bago ito tumayo sa kinauupuan. Sinundan niya naman ito ng tingin. Lumapit ito sa kanilang desusing aparador malapit sa tabi ng hagdanan at may bagay na kinuha mula roon. Maya-mayaʼy iniabot nito sa kaniya ang isang lumang photo album na halos palibutan na ng alikabok.
Napataas ang isang kilay ni Gemma at nag-aalinlangang kunin iyon mula sa kaniyang mama, ngunit maya-nayaʼy nagpasiya siyang kunin na rin iyon at buklatin.
Mga litrato ng dalawang batang gusgusin ang tumambad sa kaniya. Dalawang batang bagamaʼt nangangayayat ay nakangiting humarap sa camera at nagpakuha ng pictures. Hinayaan siya ng kaniyang mama na patuloy na buklatin ang album at sa kaniya ngang pagpapatuloy ay lalo pang nadagdagan ang kaniyang nakikita. Unti-unti ang naging pag-ayos ng katawan ng dalawang bata sa baway litrato. Dahil doon ay unti-unti ring naging malinaw sa kaniya kung sino ang mga nasa imaheng iyon…
“Mama, kayo ito ni papa!” gulantang niyang pahayag.
Tumango lang ang kaniyang ina at ito na ang nagkusang maglipat ng album sa pinakahuling pahina. Picture iyon ng isang babaeng nakangiti habang kalung-kalong ang batang imahe ng kaniyang mama at papa.
“Siya si Mama Beth. Siya ang may-ari ng bahay na tinitirhan mo ngayon, anak. Siya ang nag-iisang taong tumulong sa amin ng papa mo, at sa iba pang batang pulubi noong kasagsagan din ng sakuna nang bata pa kami. Siya ang nagpalaki sa amin at nagbigay ng magandang buhay sa kondisyong itutuloy namin, balang araw, ang pagtulong sa iba.”
Halos malaglag ang panga ni Gemma sa rebelasyon ng kaniyang ina!
“Anak, hindi masamang maging wais ka sa mga sitwasyong katulad nito… ngunit sana ay hindi mo kalimutang hindi lang ikaw, o tayo ang tao sa mundo. May mga taong nararapat lang na tulungan, laloʼt isa sila sa mga nakatakdang magtuloy at magpalaganap ng magagandang gawain mo balang araw. Sana, tandaan mo ʼyan.”
Matapos ang nakangiting paglilitanyang iyon ng ina ay halos manliit si Gemma sa kaniyang sarili. Naisip niya, paano kung walang mga taong katulad ni Mama Beth noon at hindi natulungan ang kaniyang mga magulang sa gitna ng sakuna?
Napailing siya at halos ayaw nang isipin pa ang posibleng nangyari sana noon.
Maya-maya pa ay tinakbo na ni Gemma ang bakanteng garahe ng kanilang bahay. Mabilis ang kilos na nilinis niya ang lugar at siniguradong komportable iyong tuluyan. Kinuha niya ang kaniyang mga luma at pamalit na kobre kamaʼt mga kumot, pati na rin ang iba niyang unan. Pagkatapos noʼn, ay binuksan niya para sa publiko ang garahe upang maaaring tuluyan iyon, pansamantala, ng mga homeless people.
Saya at tuwa ang naramdaman ng mga magulang ni Gemma sa naging aksyon niya, matapos malaman ang naging buhay noon ng kaniyang mga magulang. Masaya silang kahit papaano ay may pag-asang maipasa nila sa anak, ang kabutihan ng puso para sa mga taong nangangailangan, sa gitna ng anumang sakuna.