Inday TrendingInday Trending
Matutong Makuntento

Matutong Makuntento

Pabagsak na umupo si Jaime sa sofa ng kaniyang apartment sabay hagis ng bitbit na bag sa ibabaw ng kaniyang maliit na mesa.

“Pagod na pagod na ako,” wika ni Jaime habang niluluwagan ang masikip na neck-tie sa kaniyang leeg.

Ang buhay niya’y parang isang leeg na nilagyan ng masikip na neck-tie. Nakakasal at hirap na hirap na siya. Kayod siya nang kayod pero hindi naman niya ramdam na umaasenso siya sa buhay. Limang taon na siya mahigit sa kumpanyang kaniyang pinapasukan, ngunit hanggang ngayon ay wala man lang siyang naramdamang pagbabago sa buhay niya. Wala sa loob na sinipa niya ang kaniyang maliit na automatic vacuum sa inis na nararamdaman.

“Nakakainis na!” mahinang sambit ni Jaime.

Isang malakas na ring ng telepono ang nagpalingon sa kaniya sa mesang kinalalagyan nito. Hindi pa man niya nasasagot ang tawag ay nakakaramdam na siya ng pagkabagot. Alam niyang tumatawag na naman ang pamilya niya upang hingin ang parte ng mga ito sa sahod niya.

“Kaya wala akong naiipon sa sarili ko e,” naiinis na may halong yamot niyang wika sa sarili. “Hello,” malumanay naman niyang sagot sa kabilang linya.

“Jaime, anak kumusta ka na?” masayang bungad ng kaniyang ina na si Karla.

“Maayos naman ma,” walang kagana-ganang sagot ni Jaime. “Sige na ma, ibababa ko na ang tawag mo. May gagawin pa ako ma, at saka pagod na pagod ako sa trabaho. Baka bukas ko na lang ipapadala ang pera ma. Sige na bye,” dugtong pa ni Jaime sabay baba ng telepono.

Ramdam niyang may nais pang idugtong na sasabihin ang ina ngunit wala na siya sa mood na pakinggan ito. Alam naman niya ang nais ng ina, walang iba kung ‘di ang ipapadala niyang pera.

“Jaime, may pupuntahan ka ba ngayon?” nakangiting tanong ni Helen kay Jaime.

“Wala naman Helen. Bakit may pupuntahan ba tayo ngayon?” tanong niya sa kaibigan.

Matagal na niyang kilala si Helen dahil kababata niya ito at jackpot pa dahil hanggang ngayong malalaki na sila’y wala pa ring nagbabago sa kanilang samahan.

“May gagawin lang akong research para sa article na isusulat ko. Baka pwede mo naman akong samahan Jaime,” pakiusap pa ni Helen na walang pagdadalawang isip namang sinang-ayunan ni Jaime.

Gamit ang sasakyan ni Jaime ay naghanap sila ng estrangherong tao na gagawan ng magandang kwento ni Helen.

“Jaime, sana makahanap tayo ng taong magpapa-inspire sa’tin. Iyon ang bet kong hanapin upang mas meaningful naman yung article na isusulat ko,” daldal ni Helen sa tabi niya.

Nang bigla itong may itinuro at excited na pinapahinto ang sasakyan na agad naman niyang tinuran. Pagkababa ni Helen ay agad niyang nilapitan ang maliit na lalaki na animo’y anim na taong gulang lamang ang tangkad. May maiksi itong braso pero wala iyong kamay. Maiksi lang din ang haba ng biyas ng lalaki. Hindi ito normal dahil kakaiba ang itshura nito.

“Hi kumusta?” masiglang bati ni Helen sa estranghero. Habang tahimik namang nakatingin si Jaime. “Ako nga pala si Helen at ikaw naman si?” pakilala pa ni Helen.

“Jayson,” maiksing sagot nito sabay abot sa kamay ni Helen. “Anong kailangan ninyo sa’kin?” tanong ni Jayson.

“Gusto ko lang sanang hingin ang kaunting oras mo. Kwento-kwento lang. Writer kasi ako,” pakikipag-usap ni Helen kay Jayson, habang tahimik na nagmamasid lamang si Jaime sa kanilang dalawa.

Sinuring maigi ni Jaime ang ginagawa ni Jayson. Nasa tabi nito ang malaking kahon na nilalagyan nito ng malalamig na de boteng tubig at softdrinks. Habang sa kaliwang banda naman nito ang mga patong-patong na basahang ibinibenta sa bawat driver ng jeep.

“Bakit mo ginagawa ito? Kung tutuusin dapat nasa bahay ka lang,” rinig ni Jaime na tanobg ni Helen.

Ngumiti muna si Jayson saka sumagot. “Sa panahon ngayon ma’am kahit may kapansanan ka kung kaya mo namang kumayod at tumulong sa pamilya mo ay bakit hindi ka kakayod.”

“Ako kasi ang panganay kaso ako nga lang din ang ganito,” tukoy ni Jayson sa sarili. “Maliliit pa ang mga kapatid ko kaya hindi pa nila kayang tulungan ang mga magulang namin. Kaya humanap ako ng paraan upang matulungan ang pamilya ko at ito na nga ‘yon. Maliit lang ang kinikita ko ma’am pero atleast nakakakain kaming pamilya, hindi man tatlong beses sa isang araw sapat na sa’min ‘yong may nakakain kami kahit papa’no,” masayang kwento ni Jayson.

Pakiramdam ni Jaime ay sinampal siya ng isang malaking kamay dahil sa kwento ni Jayson. Habang nakakaramdam siya ng kapaguran sa buhay at sa pagtulong sa pamilya niya, may isang tao naman na kayang gawin ang lahat mairaos lang ang pagkain ng mahal niya sa buhay. Habang naiinis siya dahil pakiramdam niya’y hindi siya umaasenso, may isang tao namang kuntento nang makitang masaya ang pamilya niya. Normal at kumpleto siya habang si Jayson ay may kapansanan. Para siyang nagising sa mahabang pagkakatulog.

“Kayamanan ng maituturing para sa’kin ma’am kapag napakain ko ng masarap na ulam ang mga kapatid, nanay at tatay ko,” wika ni Jayson dahilan upang yakapin siya ni Jaime.

Salamat at nakita nila si Jayson. Marami siyang napagtanto dahil sa simpleng kwento lamang nito. Hindi matutumbasan ng yaman ang ngiti at saya ng mga taong mahal mo. Kaya dapat matuto tayong makuntento sa kung ano man ang mayroon tayo. Hindi ka dapat mapagod na tulungan ang pamilya mo, dahil mas masarap sa pakiramdam ‘yong alam mong may natutulungan ka.

Advertisement