Mga Kalampag sa Ikalawang Palapag

Isang tirik na araw at ang mga nanay ay nagkukwentuhan habang si Aling Felly naman ay todo ang pagpapaypay habang nakasimangot. Hinihintay kasi nila ang kanilang mga anak na umuwi galing eskwelahan. Ayaw na ayaw pa naman nito ng maingay at mainit. Doon siya pinakagalit na galit. Nang tanungin siya ng iba kung ano kaniyang problema, mabilis at pagalit niya itong sinagot.

“Hay, naku! Iyong bagong lipat sa taas ng paupahan na tinitirhan namin, palagi na lamang kumakalampag! Akala mo higante ang naroon! Nakakainis lalo na’t kapag gabi. Balita ko mag-isa lang naman siya kasama ang anak tapos kung makapag-ingay akala mo sampu ang anak! Nakakapeste!”

Naging malaking usapin iyon sa kanilang barangay. Kaliwa’t kanan ang tsismis kung bakit nga ba laging kumakalampag sa second floor kung saan may umuupang mag-ina na galing ibang bayan. Maraming mga hinuha na magkarelasyon daw iyon at hindi mag-nanay, ang iba nama’y baka raw inaabuso ng ina ang anak, at ang iba pa’y espiritista daw ang bagong salta doon.

Isang umaga, hindi na mapigilan ni Aling Felly ang kaniyang pag-iisip kung ano nga ba ang sikreto ng kapitbahay niyang si Flor. Nakasalubong niya ito habang pababa iyon hagdan sa may gilid ng kanilang bahay. Nagulat si Aling Felly sa itsura at titig ng kapitbahay sa kaniya. Nangilabot siya nang makita ang babaeng naka-itim na damit, paldang umaabot sa kaniyang paa, at belo na itim na nakabalot sa kaniyang ulo. Tanging nakalabas lamang ay ang mukha nito na unang beses pa lamang niya nakita.

“M-magandang umaga…” pautal-utal na bati niya kasabay ang ngiting pilit na pilit.

Tumango lamang iyon at binaling ang tingin sa dadaanan. Gumilid si Aling Felly upang padaanin ang babae habang siya’y hindi halos makakilos sa sobrang takot. Pagkaalis niyon ay niyang nakakandado ang pintuan ngunit mayroong tao sa loob na pilit iyong binubuksan. Sa sobrang takot ni Aling Felly, kumaripas siya ng alis sa bahay at pumunta sa mga kapitbahay.

Kahit na katirikan ng araw, bawat bahay ay pinuntahan ni Aling Felly upang ikwento ang mga pangyayaring kaniyang nasaksihan. Ang lahat ay natakot, nangilabot kung sino nga ba ang babaeng iyon at ano ang kaniyang tinatago sa second floor. Kung ano man iyon, walang may lakas ng loob upang tuklasin iyon.

Kinagabihan, naririnig na naman ni Aling Felly ang mga kalampag sa itaas. Pilit niyang binabaling ang atensiyon sa pagtulog ngunit bigo siya samantalang masarap na masarap ang tulog ng kaniyang buong pamilya. Maya-maya pa, may narinig siyang ungol ng isang lalaki! Hindi na niya alam ang gagawin kaya naman ginising niya ang kaniyang asawa ngunit hindi siya pinansin nito at sinabing matulog na lamang siya.

Advertisement

Kinaumagahan, si Aling Felly ay dilat na dilat na umiinom ng kape sa kanilang kusina. Malaki na ang eyebags nito dahil hindi nakatulog kakaisip sa kalampag at ungol ng lalaki kagabi. Muli na naman siyang naiwan sa bahay dahil pumasok ang kaniyang asawa sa trabaho at ang anak sa eskwelahan. Bago siya lumabas ng bahay, sinilip niya nang bahagya ang pintuan sa second floor. Nang makitang nakakandado iyon, tahimik siyang umakyat at sumilip sa maliit na butas kung ano ang mayroon sa loob. Nagulantang siya ng makita na may mga laruan na nakakalat ngunit walang sinuman ang nandoon.

Dahil hindi siya mapalagay sa bahay, muli siyang nagbahay-bahay sa kanilang barangay upang muling ikwento ang kaniyang narinig kagabi pati na ang nasilip niyang mga laruan sa loob.

“Sigurado akong may bata na nandoon sa loob! Siguradong-sigurado ako doon! Hindi ako maaaring magkamali!” kwento niya pa.

“Naku, Aling Felly! Baka kailangan na nating ipa-barangay iyang kapitbahay mo. Tutal ikaw naman ang saksi, ikaw na ang magreklamo sa barangay. Dahil baka magulat ka na lang na bumabaho na dahil isa nang bangk*y iyong bata. Kinakilabutan ako Aling Felly!” tugon ng isa niyang kapitbahay.

Matibay na ang paniniwala ni Aling Felly na bata nga ang nasa second floor at inaabuso iyon ng ina nito kaya napagdesisyunan niya na iligtas ito. Ngunit alam niyang kailangang mahuli sa akto ang pambub*gbog sa bata upang tuluyan ng makulong si Flor.

Dumating na ang gabi at nakahanda na ang mga barangay tanod, pati mga kapitbahay ay nakatago lamang sa gilid-gilid upang masaksihan ang pagliligtas sa bata. Hindi sila nabigo dahil maya-maya pa ay kumakalampag na naman doon at inabisuhan sila ni Aling Felly na pasukin na ang loob ng bahay.

Pagkabukas ng pintuan, tumambad sa kanila ang babae na si Flor at ang lalaking anak nito na nagwawala. Pinipigilan lamang ng ina ang kaniyang anak na lalaki na isip-bata at isang pipi na siyang gumagawa pala ng mga kalampag. Nang kausapin ng barangay si Flor na siyang ina ng binatang lalaki, napag-alaman nilang wala pang isang buwan nang yumao ang asawa nito kaya nagluluksa pa siya. Habang ang anak naman niya ay isip-bata at hindi nakakapagsalita.

Hiyang-hiya naman si Aling Felly sa kaniyang mga panghuhusga sa kapitbahay. Naawa siya rito dahil may matindi pala itong pinagdadaanan. Naisip niya kung gaano iyon kahirap para sa isang ina na kailangan ding kumayod at alagaan ang kaniyang anak na may sakit. Kaya naman pala nakakandado lagi ang pinto ay dahil walang mag-aalaga doon.

Advertisement

Humingi ng tawad si Aling Felly kay Flor at pinatawad naman siya kaagad nito. Naisip ni Aling Felly na siya na lang muna ang magbabantay sa anak na binata ni Flor kung kailangan nitong umalis sandali. Kung para sa iba ay isa itong kahihiyan, para kina Aling Felly at Flor, daan ito sa pagkakaroon ng bagong kaibigan. Napagtanto naman ni Aling Felly na hindi siya dapat nanghuhusga ng kahit na sino base sa mga nakikita at naririnig lamang niya. Dahil sa bawat pangyayaring iyon, tiyak may mas malalim na dahilan.