Sa Oras ng Pangangailangan

“Good morning, Madame!” Magiliw na pagbati ni Albert sa kanyang amo na si Desiree. Tinapunan lamang na siya nito ng mabilis na sulyap bago bahagyang tumango.

Sanay na siya dito. Hindi kagaya ng asawa nitong si Dominic at ng mga anak ng mga ito, matabang ang pakikitungo nito sa kanya, at sa iba pang tauhan sa bahay.

Siguro ay hindi lamang talaga ito sanay makihalubilo sa kanila, sapagkat mayaman ang pamilyang kinabibilangan nito.

“Good morning po, ‘Tay Mando!” Napangiti na lamang siya nang marinig ang sabay sabay na pagbati ng mag-aama.

“Aba’y magandang umaga din sa inyo!” Ganting bati niya sa lalaki at sa magkapatid na Joyce at Justin.

“Saan tayo ngayon, Dom?” Agarang tanong niya habang pinaandar ang makina ng sasakyan.

“Sa mall lang ho, ‘tay. Manonood ho tayo ng sine,” sagot nito.

Siya ang personal driver ng pamilya. Mahigit sampung taon na kasi siya naninilbihan sa pamilya nito, kaya naman nasubaybayan niya na ang paglaki nito. Pamilya naman ang turing nito sa kanya, dahil likas na mabait at hindi matapobre ang mga magulang nitong namayapa na.

Advertisement

“Bakit kailangan isama pa natin si Mang Mando?” Bahagya niya pang narinig ang mahinang bulong ni Desiree sa asawa na agad namang sinaway ni Dominic.

“Naku, Dom, kahit hindi niyo na ako isama sa sinehan, wala naman akong hilig sa mga ganyan.” Nahihiyang sambit niya sa lalaki.

“Sige ‘tay, maglibot libot na lang ko kayo sa mall para hindi kayo mainip.” Pagpayag naman nito.

“Mag-iingat kayo. Linggo pa naman nagyon, napakaraming tao. May sakit na kumakalat, kaya kailangan niyo mag-ingat, lalo na si Justin, tukoy niya sa anak nito na maglilimang taong gulang pa lang.” Bilin pa niya sa pamilya.

“Oho, ‘tay. Tatawag na lang ho ako pagkatapos ng pelikula.” Pagpapaalam ng lalaki.

Wala naman din siya kailangang bilhin kaya naman napagdesisyunan na lang magpalipas ng oras sa isang coffee shop habang minamasdan ang dagsa ng tao sa mall.

Magtatanghalian na nang matanggap niya ang tawag ni Dominic. Kumain lamang sila bago nag-desisyong umuwi. Napansin na kasi nila ang pagdami ng mga taong naka-suot ng mask dahil sa kumakalat na sakit.

”Kasalukuyang kinaaalarma ng marami ang mabilis na pagkalat ng virus. Sa katotohanan, sa maikling panahon pa lamang ay umabot na sa isang libo ang apektado ng sakit na ito. Lubha itong nakahahawa kaya naman mainam na alam ng lahat ang sintomas ng sakit na ito…” Ito ang naulinigan ni Mando sa panggabing balita.

Advertisement

“Naku, Dominic, dapat pala ay hindi na muna tayo lumabas kanina. Mabilis pala makahawa ang sakit na ‘yan!” Nag-aalalang wika ni Desiree sa asawa habang hinahaplos ang likod ng bunsong anak na si Justin, na kanina pa ubo ng ubo. Mababanaag sa mata ng babae ang pag-aalala sa anak.

“Tawagan na kaya natin si Dr. Robles?” Suhestiyon ni Desiree na agad namang sinang-ayunan ng asawa.

Bandang alas diyes nan ang dumating ang doktor. Sinuri nito ang bata bago niresetahan ng gamot.

“Lumabas ba kayo noong nakaraang tatlong araw?” Panimulang tanong ng doktor sa mag-asawa.

“Oho, kanina lang ho, pumunta kami sa mall.” Sagot ni Desiree.

“Saang mall?” Kunot noong tanong ng doktor, may mababanaag nap pag-aalala sa mga mata nito.

“Sa Serpentina Mall, dok.”

“Kapapasok lang ng balita na ito, kaya siguro hindi niyo pa alam, pero may isang pasyente kaninang binawian ng buhay dahil sa virus. Ang huling pinaggalingan ng pasyente ay ang Serpentina Mall. Kailangan ninyong lahat magpa-test para malaman natin kung mayroon ba sa inyong posibleng nahawahan ng virus.”

Advertisement

Hindi naman malaman ng mag-asawa ang gagawin dahil sa matinding pag-aalala.

“Sa ngayon, si Justin lamang ang nag-positibo. Siguraduhin niyo na hindi siya magkakaroon ng direktang pakikisalamuha sa sinuman upang hindi siya makahawa.”

Lahat ng nasa bahay ng mag-anak, kasama ang mga kasambahay, ay sinuri. Wala namang nag-positibo sa kanila. Subalit dali-daling nagsialisan ang mga ito upang umuwi sa kanya kanyang pamilya sa takot na mahawa sa bunsong anak ng mag-asawa.

Si Mando lamang ang nagdesisyong manatili. Bagaman nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan, hindi niya magawang abandonahin ang mag-anak dahil alam niyang kailangan ng mag-asawa ang kanyang tulong.

“’Tay, umuwi na kayo. Mahina ka na at ayokong mahawa ka pa kay Justin.” Pagpilit ni Dominic sa matanda.

“Hindi, alam kong wala kayong ibang kasama kaya dito lang muna ako hanggang sa masiguro ko na maayos na si Justin. Parang apo ko na din ang batang ‘yun, at nag-aalala ako.” Paliwanag niya sa lalaki.

Sa kauna-unahang pagkakataon, sumulyap sa kanya si Desiree nang may bahagyang ngiti sa labi. Makikita sa mata nito ang pasasalamat dahil sa kanyang pananatili sa tabi ng pamilya nito.

Lumipas ang mga araw ngunit patuloy ang pananatili ni Mando sa tabi ng mag-anak.

Advertisement

“’Tay, ako na ho ang lalabas para bumilin ng pagkain natin.” Pilit ni Dominic sa matanda.

“Hindi, kilala kita, simula pagkabata ay mahina na ang resitensiya mo. Hayaan mo at ako na ang bahala dito.” Matagal pa itong nakipag-argumento bago nagpatinanod sa kanyang gusto.

Matapos ang humigit-kumulang dalawang linggo ay naka-recover na si Justin mula sa sakit nito. Muling nanumbalik ang sigla sa bahay ng mag-anak.

Labis labis ang pasasalamat ni Dominic sa matanda, na siyang nag-iisang hindi sila iniwan sa panahon ng pangangailangan.

Nang gabing iyon, nag-eempake si Mando ng gamit dahil binigyan siya ng isang linggong bakasyon ng mag-asawa. Pinaplano niyang surpresahin ang kanyang asawa at yayain ito na magbakasyon din.

Isinasara niya na ang bag nang marinig ang mahinang pagtawag ni Desiree sa labas ng kanyang silid.

“Ma’am, bakit ho?” Takang tanong niya sa babae.

“Gusto ko ho sanang humingi ng paumanhin, Mang Mando.”

Advertisement

“Para saan ho?” Takang tanong ni Mando, dahil wala naman siyang natatandaan na dapat nito ipaghingi ng paumanhin.

“Sa hindi magandang pakikitungo ko ho sa inyo…” Nakayukong wika ng babae, tila hiyang hiya sa kanya.

“Samantalang hindi niyo kami iniwan sa panahon ng krisis. Maraming salamat ho. Tatanawin ko itong malaking utang na loob.” Pagpapatuloy ng babae.

“Naku Ma’am! Wala ho iyon. Para ko na din kayong pamilya, lalo na’t kilala ko na si Dominic mula pa pagkabata.” Bahagya pa siyang napakamot sa ulo dahil sa tinuran ng babae.

“Tawagin niyo ho akong Desiree, ‘Tay Mando.” May ngiti sa labi ng babae, na sinuklian naman ni Tatay Mando.

Simula nga noon ay naging kapansin pansin ang pagiging magiliw ni Desiree sa mga katiwala sa bahay. Napag-isip isip nito na kung ang hindi mabuting pakikitungo niya ay nasuklian ng kabutihan, paano pa kaya ang magandang pakikitungo?